74,024 total views
Mga Kapanalig, “misunderstanding” o aksidente lamang para sa Malacañang ang pinakahuling insidente ng komprontasyon sa Ayungin Shoal (o Second Thomas Shoal) sa pagitan ng Chinese Coast Guard at Philippine Navy.
Sa naturang insidente na nangyari dalawang linggo bago matapos ang Hunyo, hinarang ng mga Chinese coast guard personnel ang mga bangka ng Philippine Navy na nagsasagawa noon ng resupply mission papunta sa BRP Sierra Madre. Sakay ng inflatable boats, tinutukan ng mga dayuhan ng bolo at kutsilyo ang mga tauhan ng Philippine Navy. Gamit lamang ang kanilang mga kamay, pilit na itinaboy ng mga sundalo natin ang mga inflatable boats ng Chinese coast guard na bumangga sa ating mga bangka. Dahil dito, pitong sundalo natin ang nasugatan. Isa sa kanila ang naputulan pa ng daliri.
Tinawag ng ating militar ang ginawa ng Chinese coast guard na “coercive, aggressive and barbaric actions.” Ganito rin ang tingin ng maritime law expert na si Professor Jay Batongbacal ng Institute of Maritime Affairs and the Law of the Sea ng UP College of Law. Base sa video, unang umatake ang mga dayuhan gamit ang mga nakamamatay na armas, tear gas, acoustic and visual disruptors, at pisikal na karahasan. Malinaw na armadong pag-atake ang nangyari, ayon kay Professor Batongbacal.
Inabot ng apat na araw pagkatapos ng insidente bago magsalita ang pamahalaan, sa pamamagitan ni Executive Secretary Lucas Bersamin na tumatayong chairperson ng National Maritime Council. Hindi na raw kailangang iparating sa “higher international body” ang nasabing komprontasyon. Hindi raw iyon armed attack. Madali lang din daw resolbahin ang aniya’y hindi pagkakaintindihan o aksidente.
Nakalulungkot at nakababahala ang tila pangmamaliit ng Palasyo sa karahasang dinanas ng ating mga sundalo sa kamay ng mga dayuhan. Malinaw na malinaw na nalagay sa panganib ang buhay ng mga sundalong tumutupad lamang sa kanilang tungkulin para protektahan ang teritoryo ng ating bansa. Hindi biro ang pinagdaanan nila; buhay nila at karangalan ng bayan ang nakataya—hindi lamang sa insidenteng ito kundi sa paulit-ulit nang harassment na ginagawa ng mga dayuhan sa loob mismo ng West Philippine Sea.
Hindi naman tayo nananawagan ng giyera laban sa China, gaya ng ipinalalabas ng mga tila pumapabor sa pananahimik na lamang ng Pilipinas sa isyung ito. Naniniwala pa rin tayong kakalma ang tensyon sa West Philippine Sea sa pamamagitan ng diplomasya. Sabi nga ni Professor Batongbacal, hindi kahinaan ang paggamit ng diplomasya, katulad ng pagpaparating ng insidente sa mga pandaigdigang lupon. Aniya, marami nang katulad na insidente sa ibang bansa kung saan nareresolba ang hidwaan sa pamamagitan ng diplomasya. Nabibigyan pa nga ng compensation ang mga inagrabyadong partido. Walang giyerang nangyayari. Walang karahasang nagaganap.
Inaalala maging sa mga panlipunang turo ng ating Simbahan ang tinatawag na universal common good. Matatagpuan ito sa Pacem in Terris, isang Catholic social teaching ni Pope John XXIII. Umuusbong ang universal common good mula sa pangangailangang tugunan ang mga problemang nakaaapekto sa mga bansa o sa buong daigdig pa nga—gaya ng mga agawan sa teritoryo. Kaya nga mahalaga ang mga istrukturang gumagabay sa mga bansa upang, higit sa lahat, mapanatili ang kapayapaan sa mundo. Sa ganitong paraan, magagampanan ng mga bansa at ng kanilang mga mamamayan ang kani-kanilang gawain at obligasyon para sa seguridad ng lahat.
Dito papasok ang paggamit ng diplomasya. Sa pamamagitan ng mapayapang paraan, nagagawa ng mga bansang igiit ang kanilang mga karapatan at bigyang-katarungan ang mga inaagrabyado. Sa diplomasya, patas ang mga bansa. Katwiran, hindi karahasan, ang umiiral.
Mga Kapanalig, muli, hindi giyera ang hanap natin. Pero gawin sana natin—at ng ating gobyerno—ang ating makakaya, wika nga sa Roma 12:18, na “mamuhay… nang mapayapa” kasama ng ibang bansa. Diplomasya ang susi.
Sumainyo ang katotohanan.