472 total views
Naniniwala ang isang Obispo na mayroong nagawang legacy ang Pangulong Benigno Aquino III sa sektor ng edukasyon.
Ayon kay Malaybalay Bishop Jose Cabantan, sa pamamagitan ni Department of Education secretary Armin Luistro ay sinuportahan nito ang edukasyon para sa mga katutubo.
Inihayag ni Bishop Cabantan na malaki ang magagawa nito para sa pag-angat ng kabuhayan ng mga katutubo.
Umaasa ang Obispo na ipagpapatuloy ng susunod na administrasyon ang pagbibigay ng Aquino administration ng subsidy sa mga Indigenous People o IP schools lalu na sa mga guro at mag-aaral.
“The support of DepEd for IP Education especially with Bro. Armin. May they continue what they have done especially the giving of subsidy for IP schools particularly the teachers ang students,”pahayag ni Bishop Cabantan sa Radio Veritas.
Naunang ipinatupad ng administrasyong Aquino ang Implementing Guidelines on the Allocation and Utilization of the Indigenous Peoples Education (IPEd) Program Support Fund for Fiscal Year 2016.
Nabatid sa 2013 Functional Literacy Education and Mass Media survey, apat na milyong mga kabataang Pilipino ay out of school youth dahil sa kahirapan.
Naitala sa Autonomous Region in Muslim Mindanao o A-R-M-M ang malaking bilang ng mga katutubong out of school youth na umaabot ng 14.4-percent.