89,597 total views
Marami ang nagtatanong, bakit ba ang hirap ng ating bansa bagaman mayaman tayo sa kultura, kasaysayan, at likas na yaman? Bakit ba kahit napakaganda ng Pilipinas, marami pa rin sa atin ang naghihirap?
Isa sa mga dahilan kung bakit hirap umusad ang ating bayan ay dahil sa kahinaan ng good governance, hindi lamang sa nasyonal na pamahalaan, kundi pati sa maraming ahensya at LGUs sa ating bansa. Panahon na upang tayong mga Pilipino ay maging metikuloso ukol dito, at matutong magdemand ng good governance mula sa ating mga public servants.
Ano nga ba ang good governance mga kapanalig? Marami sa atin, ang tingin sa good governance ay ang bilis at willingness ng mga pulitiko na mag-ambag sa ating buhay tuwing tayo ay may kasal, binyag, at libing. Marami sa atin, kuntento na sa mga matatapang o matatamis na salita. Marami sa atin, good governance na kapag dinalaw tayo tuwing kampanya sa eleksyon o piyesta. Taasan natin ng konti ang pamantayan natin, kapanalig.
Ang good governance ay epektibo, transparent, at tapat na pamahalaan. Sa good governance, nakaukit ang prinsipyo ng transparency, accountability, rule of law, at pagtutok sa kapakanan ng mamamayan, lalo na ang pinaka-bulnerable sa bayan. Ang transparency kapanalig, ay ang pagiging bukas at malinaw sa lahat ng gawain ng pamahalaan- nakikita ng mamamayan kung ano ang prayoridad ng pamahalaan at kung paano nito ginagastos ang pera ng bayan. Ang accountability naman ay nangangahulugan na ang mga opisyal ng pamahalaan ay nananagot sa kanilang mga gawain at desisyon. Ang maayos na pamahalaan ay may mga mekanismo na nagsusuri ng mga kilos ng mga opisyal. Pinapatibay nito ang tiwala ng mamamayan sa kanilang mga pinuno, at nagbibigay ng inspirasyon sa mga opisyal na gawin ang tama. Ang rule of law, o pagsunod sa batas, ay nagpapatibay ng kaayusan at katarungan sa lipunan. Kapag ang lahat, maging ang mga pinakamataas na opisyal ng bansa, ay sumusunod sa batas, nagiging patas ang laban para sa lahat. Hindi dapat nagiging hadlang ang impluwensya o kapangyarihan sa pagpapatupad ng batas.
Sa pagtataguyod ng good governance, hindi lamang ang mga opisyal ng pamahalaan ang may papel kundi pati na rin ang mamamayan. Ang pagiging mapanuri at mapanagot sa pagpili ng mga lider, pagbabantay sa kanilang mga gawain, at pagsusuri sa mga polisiya ay ilan lamang sa mga paraan na makakatulong ang mamamayan sa pagpapatupad ng magandang pamahalaan.
Ngayong 2023, bumaba ang ating ranggo sa Good Governance Index – pang 66th tayo sa 104 countries mula 63 noong 2022. Tutok pa tayo, kapanalig sa good governance para umarangkada naman tayo. Ang pagkakaroon ng maayos at mabuting pamahalaan ay nagbubukas ng pinto tungo sa mas maunlad at mas makatarungan na lipunan para sa lahat ng Pilipino. We deserve good governance, kapanalig. Sabi nga sa Rerum Novarum: Rulers should anxiously safeguard the community and all its members. Their conservation is so emphatically the business of the supreme power. The welfare of the country is not only the first law, but it is a government’s whole reason of existence.
Sumainyo ang Katotohanan.