342 total views
Mga magulang, alam niyo ba na ang HIV/AIDS ay isa ng malaking banta sa mga kabataang Pilipino ngayon?
Ayon nga sa mga opisyal na datos, 62 percent ng mga bagong HIV cases ay mga batang 15 hanggang 24 ang edad. Kada araw,
may halos 30 indibidwal ang na-i-infect ng HIV. Mga 25 dito ay mga millenials.
Ang mga datos na ito ay nakababahala. Ang HIV/AIDS ay isang sexually transmitted disease na maaring maiwasan. Kaya lamang, dahil sa stigma na dala nito, maraming mga indibdiwal ang nahihiya magpa-test kaya’t lalo pa itong kumakalat.
Ayon sa HIV/AIDS Registry of the Philippines, 3,290 ang kabuuang bilang ng mga HIV infections mula Enero hanggang Abril ngayong taon. Nitong Abril, nasa 629 na kaso ng HIV/AIDS ang naitala, at 596 dito ay mga lalake.
Sa halip na bumaba ang bilang, mga kapanalig, tila mas tumataas pa ang bilang ng mga indibidwal sa ating bayan na nada-diagnose na may HIV/AIDS. Kapanalig, kailangan na natin suriin ang mga HIV prevention strategies sa ating bansa. Tila hindi ito sapat upang makitil ang pag-akyat ng bilang ng mga bagong impeksyon, na sinasabi na ngang epidemya ng mga maraming health experts.
Ang pagkakaisa ng mga sektor ng lipunan ay mahalaga upang tunay na magtagumpay ang HIV prevention strategies. Sa kabataan na kapanalig, kumakalat ang impeksyon na ito. Kung kabataan na ang biktima, ang kinabukasan nating lahat ang nakataya.
Malawakang information campaign ang kailangan. Mas maraming tao ang dapat maging aware o maka-alam sa isyung ito. Dapat ding mawala ang stigma o pandidiri ukol sa isyu na ito. Habang naiiwan ang stigma ng HIV/AIDS sa ating lipunan, mas lalong dumadami ang biktima nito.
Kailangan din, kapanalig, patatagin ang ating mga pamilya. Kung ang pamilyang Pilipino ay matatag, mas madali para sa maraming kabataan ang makinig at tumalima sa mga HIV prevention strategies. Alam natin mapusok ang kabataan, ngunit sa tamang gabay,
ang kapusukan na ito ay maaring ma-channel sa mga mas produktibong bagay.
Ang ating mahal na St. Pope John Paul II, noong siya ay nagpunta sa Tanzania noong 1990, ay may paalala ukol sa HIV/AIDS. Ayon sa kanya, ang AIDS ay banta sa buong sangkatauhan. Wala itong kinikilalang heograpiya, lahi, edad, o antas ng buhay. Kailangan magtulungan ng mga gobyerno, ng medical at scientific community, tayong lahat, upang harapin ang isyung ito.
Kapanalig, lahat tayo ay taya dito. Sa ating bansa, kung saan kabataan na ang bulnerbale sa sakit na ito, kailangan na ng agarang kilos. Ito dapat ang maging isa sa ating prayoridad ngayon.