29,770 total views
Homily June 2, 2024
Solemnity of the Most Holy Body and Blood of Christ Cycle B
Ex 24:3-8 Heb 9:11-15 Mk 14:12-16.22-26
Napakalaki ng pag-ibig ng Diyos sa atin. Naging tao siya upang makapiling tayo. Kahit na siya ay umakyat na sa langit patuloy pa rin tayong pinangangalagaan. Ipinamamagitan niya tayo sa Ama. Nakaluklok siya sa kanan ng Diyos Ama at ang dakilang posisyong ito ay ginagamit niya para ipatuloy na ipakipag-usap tayo sa Ama. Pero hindi lang iyan. Nangako siya na hindi niya tayo iiwan. Ginagawa niya ito mula pa noon hanggang ngayon at hanggang sa wakas ng panahon sa isang paraan na hindi man natin ma-imagine.
Noong Huling Hapunan itinatag niya ang sakramento ng Banal na Eukaristiya. Ang tinapay ay ginawa niyang kanyang laman upang maging pagkain natin at ang alak na kanyang dugo bilang inumin natin. Inalay niya ang kanyang sarili para may pagsasaluhan tayo. Ang pag-aalay na ito ay nangyari kinaumagahan ng kanyang pagkapako sa krus. Namatay si Jesus sa krus hindi dahil sa mahina siya na hindi niya natalo ang mga Romano at mga Hudyo, hindi dahil sa kulang siya ng diskarte na matakasan sila. Ang kanyang pagkamatay ay kusang pag-aalay niya para sa atin dahil sa pagmamahal niya. At ang kusang pag-aalay na ito ay patuloy natin nararanasan sa Banal na Misa, at napapakinabangan siya sa pagtanggap natin ng Banal na Komunyon.
Sa Banal na Misa patuloy nating naaalaala at nararanasan ang pag-aalay ni Jesus para sa atin. Nakikinabang tayo rito sa pagtanggap ng kanyang inialay – ang kanyang katawan at dugo. Siya mismo ay nagsabi na ang kanyang laman ay tunay na pagkain at ang kanyang dugo ay tunay na inumin. Nagpaiwan siya sa anyo ng tinapay at alak upang patuloy tayong samahan sa ating paglalakbay patungo sa langit.
Ang pag-aalay ng dugo para pagtibayin ang tipan ay mayroon nang matagal na kasaysayan sa buhay ng mga Israelita. Narinig natin sa ating unang pagbasa na paglabas ng mga Israelita sa Egipto nakarating sila sa paanan ng bundok ng Sinai. Doon binigay ng Diyos ang kanyang mga utos sa mga tao at silang lahat ay nangako: “Lahat ng iniutos ng Panginoon ay susundin namin.” Nagkipagkasunso sila sa Diyos. Ang Panginoon ay magiging Diyos nila. Aalagaan sila, papatnubayan at dadalhin sa lupa na ipinangako para sa kanila. Sila naman ay magiging bayan niya. Susunod sila sa mga utos niya sa kanila. Dugo ang naging tanda ng kasunduang ito. Kalahati ng dugo ng mga hayop na inalay ay winisik sa mga tao at ang kalahati ay ibinuhos sa altar. Ang seremonyas na ito ay ginagawa nila taon-taon. May hayop silang inihahain at ang dugo nito ay winiwisik sa mga tao at winiwisik sa altar ng dambana.
Sa atin, ang bagong bayan ng Diyos, pinag-isa tayo sa Diyos hindi na sa pamamagitan ng dugo ng isang hayop kundi ng dugo mismo ni Kristo. Ang dugong ito ay inialay para sa kapatawaran ng kasalanan. Kaya sinabi niya sa Huling Hapunan: “Ito ang aking dugo ng tipan, ang dugong ibubuhos para sa marami.” Ipinagdiriwang natin ang pag-aalay na ito sa bawat misa. Ang iisang sakripisyo ni Jesus sa Krus ay nangyayari sa harap natin, ito ay pinapasa-ngayon sa bawat misa.
Kaya mga kapatid, mahalaga ang misa sa atin. Ito ay tanda ng pagnanais ni Jesus na manatili sa atin. Sa kanyang katawan at dugo, si Jesus ay talagang nanatili sa atin. Hindi lang ito sagisag ni Jesus. Ito ay si Jesus mismo, kaya sinasamba natin ang Banal na Katawan ni Jesus na nasa anyo ng pagkain, nasa anyo ng tinapay.
Nagpapaiwan si Jesus sa anyo ng tinapay, ng isang pagkain, kasi ibig niya na kainin natin siya. Hindi lang niya ibig na makapiling tayo. Ibig niya na pumasok sa ating katawan, na makiisa talaga sa bawat isa sa atin. Kung talagang mahal natin siya, tatanggapin natin siya. Ayaw ba natin na sumaatin ang Diyos? Kaya sa bawat pagkakataon na mayroon tayo, sa bawat pagsisimba natin, magkomunyon tayo. Hindi lang tayo nakikinig ng misa. Hindi lang tayo nagdarasal sa misa. Tinatanggap natin si Jesus sa misa sa pagtanggap ng kanyang salita at ng kanyang katawan. Ito ang dalawang pagkain na inaalok sa atin: ang Salita at ang Katawan ng Panginoong Jesus.
Oo, tanggapin natin ng madalas si Jesus, pero tanggapin natin siya ng karapat-dapat. Diyos yata ang tinatanggap natin! Hindi lang tayo sumusubo ng ostia. Kaya pinaghahandaan natin ang Banal na Komunyon. Nagbibihis tayo ng maayos para sa Banal na Misa. Makakatagpo yata natin ang Panginoon. Hindi tayo kumakain ng isang oras bago magkomunyon kasi ang pagkaing tatanggapin natin ay hindi isang ordinaryong pagkain. Ito ay ang Panginoon. Higit sa lahat, tanggapin natin si Jesus na walang kasalanang malaki. Kapag tayo ay may mabigat na kasalanan tinatanggihan natin ang Diyos, inaayawan natin siya. Ano iyan, ayaw natin sa kanya at tinatanggap natin siya? Alin ba ang totoo? Kaya kung gusto nating tanggapin siya pagsisihan na natin ang ating kasalanan. Ikumpisal natin ang ating mabigat na kasalanan. Ang maliliit na kasalanan ay napapatawad sa ating pagsisisi sa simula ng misa pero ang mabibigat na kasalanan ay dapat ikumpisal sa pari. Basta walang malaking kasalanan maaari tayo magkomunyon. Kaya umiwas tayo sa mabibigat na kasalanan upang palagi tayong makapagkomunyon.
Si Jesus ay ibig palaging manatili sa atin. Huwag tayong lumayo sa kanya. Tanggapin natin siya. Mahal tayo ni Jesus. Mahalin din natin siya. Magkomunyon tayo palagi. Kapag palagi nating tinatanggap si Jesus nang karapat-dapat, dahan dahan nagiging tulad tayo ni Jesus. Binabago niya tayo at nakukuha natin ang kanyang ugali at pananaw. Ayaw ba natin maging tulad ng Anak ng Diyos?