304 total views
Mga Kapanalig, sa bawat administrasyon ay may nagtatangkang baguhin ang ating Saligang Batas. Noong nakaraang linggo ay inaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa sa House of Representatives ang Resolution of Both Houses No. 6. Layon ng resolusyong bumuo ng isang constitutional convention (o con-con) upang amyendahan ang Konstitusyon. Isang linggo lamang matapos ipasá ang resolusyon sa ikalawang pagbasa nang aprubahan ang resolusyon.1 Bakit tila nagmamadali ang ating mga mambabatas?
Tatlong daan at isang mambabatas ang sumuporta sa resolusyong inihain ng pinsan ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. na si House Speaker Martin Romualdez. Ayon sa mga nagsusulong ng Charter change (o Cha-cha), panahon nang paluwagin ang mahihigpit na pang-ekonomiyang probisyon ng ating Konstitusyon, partikular na ang mga may kinalaman sa pamumuhunan ng mga dayuhan. Makapagbibigay daw ito ng mas maraming trabaho sa mga Pilipino at makatutulong na palaguin ang ating ekonomiya.
Ngunit bago pa masagot ang mga agam-agam kung makabubuti nga ba ito sa ating bansa o kung sadyang ang mga pang-ekonomiyang probisyon lamang ang babaguhin, mahalagang tingnan din natin ang magiging proseso upang maisagawa ang mga pagbabagong ito.
Ang con-con ay isa sa tatlong paraan ng Cha-cha. Ang dalawa pang ibang paraan ay ang constituent assembly at people’s initiative. Bubuuin ang con-con ng 341 na delegado—251 ay ihahalal at 63 naman ang itatalaga. Planong gawin ang paghalal ng mga delegado sa Oktubre, kasabay ng eleksyon para sa pamahalaang barangay at Sangguniang Kabataan.
May kaakibat na gastos ang con-con. Humihingi ang Comelec o ang Commission on Elections ng dagdag na 3.8 bilyong piso upang maisagawa ang eleksyon para sa mga delegado ng con-con. Mas malaki ito sa naunang tantya ng mga mambabatas na nasa 1.5 bilyong piso lamang. Dagdag pa riyan ang limang bilyong piso para sa pagtatawag ng mga miyembro ng con-con at tatlong bilyong piso para sa plebesito. Sumatutal, hindi bababa sa 9.5 bilyong piso ang magagastos upang baguhin ang ating Konstitusyon. Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng mga bilhin at batayang serbisyo, wais kayang paglaanan ng ganitong kalaking badyet ang pagbabago ng Konstitusyon?
Tatlumpu’t anim na taon pa lamang umiiral ang ating Konstitusyon. Bunga ito ng mapayapang paglaban sa rehimen ng diktador na si Ferdinand Marcos Sr., ang ama ng kasalukuyan nating pangulo. Ilan sa magagandang probisyon nito ay ang pagpapahalaga sa katarungang panlipunan o social justice upang tugunan ang kahirapan sa ating bansa. Ibig sabihin, kahit na bumuhos ang dayuhang pamumuhunan, hindi pa rin tuluyang makakaahon sa kahirapan ang marami kung ang istruktura ng ating lipunan ay pinapaboran ang pananatili ng yaman sa iilang pamilya. May mga probisyon ang ating Saligang Batas para sa katarungang panlipunan kung saan binigyang-tuon ang mga manggagawa, mga magsasaka, maralitang tagalungsod, at kababaihan. Sa mga probisyong ito, minamandato ng Konstitusyon ang Estado na ilagay ang mahihirap sa puso ng pag-unlad ng Pilipinas.
Isa sa mga prinsipyo ng panlipunang turo ng Simbahan ang love of preference for the poor o ang pag-ibig sa pagkiling sa mahihirap. Hinihingi sa atin ng ating pananampalatayang tingnan ang paghihirap ng mga maliliit at isinasantabi sa ating bayan. Sa proseso ng con-con, sila ang dapat marinig; sila ang dapat unahin. Paalala nga sa Mga Kawikaan 31:9, dapat nating “igawad ang katarungan sa api at mahirap.” Ito ang ginagarantiya ng Saligang Batas ng 1987.
Kaya mga Kapanalig, kung mamadaliin ang Cha-cha sa pamamagitan ng con-con na bubuuin din ng mga pulitiko at kung gagastos pa tayo ng bilyun-bilyong piso, hindi kaya’t mas mainam na pag-isipang mabuti ng mga lider kung ito tunay na katarungang panlipunan ang maidudulot ng pag-amyenda sa Konstitusyon sa naghihirap na mga Pilipino?
Sumainyo ang katotohanan.