571 total views
Mga Kapanalig, nanatiling pinakapeligrosong bansa ang Pilipinas sa buong Asya para sa mga environmental defenders o tagapagtanggol ng kalikasan. Batay sa report ng Global Witness, isang international NGO, may naitalang 177 environmental defenders na pinaslang noong 2022. Labing-anim sa kanila ay mula sa Asya at labing-isa o mayorya ng mga pinatay ay mula sa Pilipinas. Isang dekada nang nangunguna ang Pilipinas sa Asya bilang “deadliest country for environmentalists”.
Mula 2012, may 281 environmental defenders na naitalang pinaslang sa bansa. Karamihan sa mga kasong ito ay sinsabing may kaugnayan sa kanilang pagtutol sa pagmimina. Binanggit sa report ang kaso ng minahan sa Sibuyan Island sa probinsya ng Romblon. Matatandaang may mga nasugatang mamamayan ng Sibuyan nang gawin nilang barikada ang kanilang mga sarili upang pigilan ang pagpasok sa kanilang komunidad ng mga truck ng mining company na Altai Philippines Mining Corporation. Labis na tinutulan ng mga taga-Sibuyan at iba’t ibang environmental groups ang pagmimina sa probinsya dahil sa mga pinsalang maaaring idulot nito sa mga natural na yaman ng isla at kabuhayan ng mga taga-roon.
Malaki rin ang banta sa mga environmental defenders na pinoprotektahan ang ating mga karagatan at tabing-dagat mula sa mga mapaminsalang paraan ng pangingisda at mga reclamation projects. Kamakailan lang, natagpuan na sina Jonila Castro at Jhed Tamano, mga environmental defenders na lumalaban sa mga proyektong reklamasyon sa Manila Bay, matapos silang dukutin ng mga militar. Itinatanggi ng militar ang akusasyon ng mga dalaga at sinabing sila ay mga sumukong miyembro ng isang rebeldeng grupo. Iginiit naman nina Jonila at Jhed na dinukot sila ng militar, na hindi sila miyembro ng rebeldeng grupo, at nilalabanan lamang nila ang mga reclamation projects na sisira sa Manila Bay at kabuhayan ng mga mangingisda.
Nababahala ang mga environmental groups sa laman ng Global Witness report. Para sa Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (o Pamalakaya), ang report ay isang nakababahalang katotohanan para sa bawat tagapagtanggol ng kalikasan sa ilalim ng peligrosong kalagayan ng pulitika sa bansa. Kinundena naman ng Advocates of Science and Technology for the People (o Agham) ang pananahimik at kawalan ng aksyon ng administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos sa pagpatay at pagdukot sa mga environmental defenders. Dagdag pa ng Agham, sa kabila raw ng mga pagtutol sa mga proyektong mapanira sa kalikasan, inaaprubahan pa rin ng pamahalaan ang mga ito.
Binibigyang-diin ng mga panlipunang turo ng Simbahan na ang tamang pagtingin ng tao sa kalikasan ay kinakailangang puno ng pagpapahalaga at pasasalamat. Walang karapatan ang taong abusihin o sirain ang kalikasan. Sa panalangin nga ni San Francisco ng Assisi, tinatawag niyang kapatid natin ang araw, buwan, hangin, tubig, at lahat ng nilikha. Lahat tayo ay nilalang ng Diyos. Bawat isa sa atin ay may karapatang makapagbigay-puri sa ating Tagapaglikha sa pamamagitan ng ating pag-iral sa mundong ito.
Ang karapatang ito ang ipinaglalaban ng mga environmental defenders. Binibigyan nila ng malalim na pagpapahalaga ang kalikasan at itinuturing itong kapatid. Sa kasamaang palad, mayroon pa ring mga Cain sa panahon natin ngayon, mga Cain na pumapaslang ng kanyang kapatid–ang kapatid nating kalikasan at ang kapatid nating pinoprotektahan ito. Hindi lang isang Abel ang pinapatay ng mga Cain na ito kundi daan-daang kapatid nating lumalaban sa mga proyektong mapanira sa kalikasan.
Mga Kapanalig, matapos patayin ni Cain si Abel sa Genesis 4, itinanggi niyang alam niya kung nasaan ang kapatid niya at sinabing, “Ako ba’y tagapagbantay ng aking kapatid?” Sa gitna ng mga pagpaslang sa mga environmental defenders at pagsira sa ating kalikasan, nawa’y bantayan at ipagtanggol natin ang ating mga kapatid–ang kalikasan at ang mga tagapagtanggol nito.
Sumainyo ang katotohanan.