150 total views
Mga Kapanalig, ngayong unti-unti nang humihina ang malamig na hanging amihan at nagsisimula na nating maramdaman ang maalinsangang panahon, naaalala natin ang panahong nagpaplano tayo kung saan tayo pupunta kasama ang ating mga kaibigan o kapamilya upang magbakasyon at matakasan ang init kahit pansamantala lang. Sa gitna ng ating pagkaabalá sa buhay, kailangan din nating magbakasyon at magpahinga, bagay na hindi natin nagawa noong isang taon at patuloy na naipagkakait sa atin dahil sa banta ng COVID-19.
Ngunit para kay Presidential Spokesperson Harry Roque, mag-iisang taon na tayong nakabakasyon. Ito ang kanyang naging sagot sa mga nagrereklamo sa pagdedeklara ng Malacañang sa ilang nakasanayan nating holidays bilang mga special working holidays. Ang mga ito ay ang bisperas ng Pasko at bagong taon, at ang Araw ng mga Kaluluwa. May trabaho na sa mga araw na ito upang makatulong daw sa pagbangon ng ating ekonomiya.
Mayroon kayang ginawang pag-aaral ang mga nakaisip nito upang mapatunayang malaki ang maiaambag sa ating ekonomiya ng pagtatrabaho sa tatlong araw na ito? Makaaasa ba tayong ligtas na ngang lumabas sa mga araw na ito upang mas marami ang makapagtrabaho? Anuman ang sagot sa mga ito, tama na raw ang bakasyon, ayon kay Secretary Roque.
Mistulang minamaliit ng mga sinambit ng tagapagsalita ng pangulo ang paghihirap na pinagdaraanan ng nakaparaming Pilipino. Bakasyon ba ang pagkatigil sa trabaho ng tinatayang 4.5 milyong Pilipino noong isang taon, at ang pinakamarami nga ay noong Abril na umabot sa 7.2 milyong Pilipino? Bakasyon ba ang pagkalugi at tuluyang pagsasara ng maraming negosyo? Bakasyon ba ang pinagdaanan ng halos 600,000 na PIlipinong nahawahan ng virus at ang pagdadalamhati ng mga pamilya ng mahigit 12,000 na namatay sa sakit? Bakasyon ba ang magutom ang iyong pamilya at mabaón sa napakaraming utang dahil walang hanabuhay?
Sinasalamin ng mga sinabi ni Secretary Roque ang pagkamanhid ng mga lider natin sa napakalaking sakripisyong pinasán ng mga mamamayan mula nang ipatupad ang community quarantine isang taon na ang nakalilipas. Ngunit hindi maitatago ng mga ganitong mga salita ang napakalaking pagkukulang ng pamahalaang humantong sa kasalukuyan nating kalagayan. Hindi nito mapagtatakpan ang kapabayaan ng pamahalaan sa pagtugon sa pangangailangan ng mga nahawahan ng COVID-19 na humantong sa pagkakasakit ng libu-libo, pagkamatay ng napakarami, at pangungulila at sakit sa kalooban ng mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay. Nais nating isiping ginagawa ng pamahalaan ang lahat upang matugunan ang krisis, ngunit sadyang napakalaki at napakatindi ng naging epekto nito lalo na sa mahihirap nating kapatid. Pinagkakaitan tayo ng pamahalaan hindi lamang ng mga bakasyon kundi ng isang disenteng buhay.
Alam ng mahuhusay na lider na ang mga salitang mamumutawi sa kanilang mga bibig ay maaaring makapagpatibay o makasira ng loob sa mga tao, kaya maingat sila sa kanilang mga sinasabi. Sabi nga sa Mga Kawikaan 21:23, “Ang pumipigil sa kanyang dila ay umiiwas sa masama.” Sa pinagdaraanan nating krisis, kailangan natin ng mga lider na sa pamamagitan ng kanilang mga salita ay lumalakas ang ating kalooban, hindi ng mga lider na manhid sa ating nararanasang hirap.
Kung idadagdag pa natin ang paalala ni Pope Francis, ang pamumuno ay tungkol sa paglilingkod o service. Hindi lamang sapat ang pagiging mahusay sa komunikasyon; dapat din itong samahan ng kakayahang pagkaisahin ang mga tao, hindi ang paghiwa-hiwalayin sila. Ngunit paano pa kaya kung hindi na nga maayos ang komunikasyon, hindi pa tunay na paglilingkod ang ginagawa ng ating mga lider?
Mga Kapanalig, huwag sana nating hayaang magpatuloy sa ating bayan ang isang uri ng pamamahalang walang malasakit sa mga naghihirap, isang pamamahalang manhid sa pagdurusang una sa lahat ay bunga ng kapabayaan ng mga namumuno sa atin.