224 total views
Mga Kapanalig, sa gitna ng nagpapatuloy pa ring pandemya na banta sa kalusugan at sa harap ng kalbaryong pinapasan ng mahihirap dahil sa kakulangan o kawalan ng hanapbuhay at kabuhayan, nagagawa pa rin ng pamahalaang itaboy ang mga maralitang tagalungsod mula sa kanilang mga tirahan.
Malakas na ang loob ng mga lokal na pamahalaang palayasin sa kanilang tirahan ang mga tinatawag nating informal settler families matapos tapusin ng Department of the Interior and Local Government (o DILG) ang moratorium o pansamantalang pagpapahinto sa demolisyon ng mga tirahan at ebiksyon ng mga maralitang tagalungsod. Noong Abril 2020, naglabas ang DILG ng isang memorandum circular na ipinagbabawal ang demolition at eviction habang umiiral ang enhanced community quarantine (o ECQ) at nasa ilalim ang buong bansa ng state of national emergency.
Ngunit dahil daw niluwagan na nitong nakaraang buwan ang mga restrictions, binawi na nga DILG ang memorandum circular. Layunin daw nitong iligtas ang mga pamilyang naninirahan sa mga delikadong lugar katulad ng mga tabing-ilog at estero. Nakatanggap din daw ang ahensya ng mga report na maraming nagpatayo ng kanilang barong-barong sa mga itinuturing na “danger areas” habang may pandemya.
Gayunman, kahit pa epektibo pa ang memorandum circular ng DILG, nagkaroon pa rin ng pagpapalayas sa mga informal settler families. Gaya na lamang noong Enero sa lungsod ng Parañaque kung saan mahigit 50 pamilya sa isang komunidad sa baybayin ng Manila Bay ang nawalan ng tirahan dahil ang lupang kinatitirikan ng kanilang mga bahay ay gagamitin na para sa expansion ng Light Rail Transit (o LRT). Ayon sa ibang sources, ang pagpapaalis sa mga pamilya ay para bigyang-daan ang C5 Southlink Expressway Project, at sila ay planong ilipat ng National Housing Authority (o NHA) sa isang relokasyon sa Naic, Cavite na lubhang napakalayo para sa mga manggagawang arawan ang kinita sa Metro Manila. Noong una ay namalagi ang mga pinalayas na pamilya sa isang gymnasium ngunit kalaunan ay pinaalis din. Hanggang ngayon, may ilan sa kanilang pansamantalang naninirahan sa gilid ng kalsada.
Kung tunay na may malasakit ang ating pamahalaan sa mahihirap nating kababayan, bakit pumayag itong ituloy ang pagpapalayas sa mga pamilyang naghihikahos pa rin dahil sa pandemya? Laging isinisisi ng pamahalaan sa mga tao ang muling pagtaas ng mga kaso ng nagpopositibo sa COVID-19 dahil hindi sila nananatili sa loob ng kanilang mga bahay, ngunit ang pamahalaan din mismo ang gumigiba sa mga tirahan ng mga maralitang tagalungsod. Hindi na nga binibigyan ng ayuda ang mga pamilyang walang kakayanang pakainin nang maayos ang kanilang mga anak, walang kakayanang bayaran ang kanilang mga pang-araw-araw na gastusin, at walang kakayanang iraos ang isang araw, tinatanggalan pa sila ng masisilungan. At asahan nating sa pag-aalis ng moratorium at sa kagustuhan ng pamahalaang masimulan ang mga proyektong pang-imprastraktura nito, dadami ang magiging biktima ng kawalang-katarungang sinasalamin ng ebiksyon at demolisyon.
Salungat ang ginagawang ito ng ating pamahalaan sa kalooban ng Diyos. Sa Catholic social teaching na Fratelli Tutti, itinuturing ni Pope Francis ang kalupitan sa mahihirap bilang bahagi ng isang “throwaway world”, isang mundong hindi na kumikilala sa angking dangal at halaga ng mga tao. Sa mundong ito, hindi nakikita ang mga tao—lalo na ang mahihirap—bilang karapat-dapat na kalingain at igalang. At ang hinihingi ng ganitong lipunan ang mga patakarang kasama at para sa mahihirap. Paano natin masasabing kasama at para sa mahihirap ang isang kautusang nagpapalayas sa kanila sa gitna ng pandemya?
Mga Kapanalig, wika nga sa Mga Awit 82:3-4, “Bigyan ninyong katarungan ang mahina…, at huwag ninyong aapihin ang mahirap at may dusa. Ang marapat na tulunga’y ang mahina at mahirap, sa kamay ng masasama sila’y dapat na iligtas!”