810 total views
Lagi nating alalahanin na ang ating kalusugan ay nakatali sa ating kapaligiran. Marami sa atin, walang pakialam sa nangyayari sa ating kalikasan. Kung alam lamang natin na marami sa ating mga inaalintanang sakit ay dala na rin ng kapabayaan natin sa ating kalikasan, tayo mismo ang mangunguna kumilos upang bigyang proteksyon ang kapaligiran.
Magising na tayo kapanalig – climate change makes us sick. Ito ang pinakamalaking banta sa kalusugan ng mga tao sa daigdig ngayon. Ayon sa World Health Organization (WHO), malaki ang epekto ng climate change sa ating hangin, tubig, pagkain, at maging sa ating mga tahanan.
Dahil sa climate change, dumadami ang mga fine particulates – mga polusyon – sa ating hangin. Nagdudulot ito ng kahirapan sa paghinga ng maraming mga mamamayan. Nagpapalala ng mga sakit gaya ng hika.
Ang climate change din ay maaaring magdulot ng malawakang tagtuyot at kakulangan sa tubig. At kapag kulang ang tubig – kulang ang irigasyon sa mga pananim, kulang ang sanitasyon sa mga tahanan.
Ang climate change din ay direkta ang banta sa ating mga kabahayan at kabuhayan. Lumalakas ang mga bagyo, at dumarami ang volume ng ulan. Lahat ng iyan ay pumipinsala sa buhay ng maraming mamamayan, lalo na sa ating bansa na napaka-bulnerable sa climate change.
Ayon sa WHO, sa pagitan ng 2030 at 2050, inaasahan na madadagdagan ng 250,000 deaths kada taon sa buong mundo dahil sa malnutrisyon, malaria, diarrhea, at heat stress. Aabot din ng mga dalawa hanggang apat na bilyong dolyar kada taon mula 2030 ang halaga ng direktang pinsala ng climate change sa mundo.
Mahalaga na makita nating lahat ang direktang ugnayan natin sa ating kalikasan. Kailangan nating makita na ang paglakas ng bagyo, ang pagdami ng ulan, ang pag-init o pag-lamig sa ating kapaligiran ay sanhi rin gawain ng tao.
Bilang maliit na bansa na napaka-bulnerable sa climate change, kailangan nating maging mas-vocal o malakas ang tinig sa isyu na ito. Tayo ang isa sa unang-unang napipinsala ng mga epekto ng climate change. Ang kalusugan ng ating mga mamamayan ang siyang unang namemeligro. Sabi nga ni Pope Francis sa kanyang Laudato Si: Climate change is real, urgent, and must be tackled. Kailangan natin itong harapin, kailangan itong mabigyan ng solusyon.
Sumainyo ang Katotohanan.