357 total views
Mga Kapanalig, hindi maikakailang may mga kababayan tayong naniniwalang maaaring maging instrumento tungo sa positibong pagbabago ang pagdaan sa pisikal na pananakit. Katanggap-tanggap para sa iba ang pananakit bilang anyo ng pagpaparusa, lalo na sa mga taong lumalabag sa batas. Sa mga pamilya, uso pa rin ang pamamalo sa mga bata bilang paraan daw ng pagdidisiplina sa kanila. Kung tatatak daw sa isip ng mga batang masasaktan sila kapag gumagawa sila ng mali o sumusuway sa kanilang magulang, iiwasan nilang gawin ang mga ito.
Malapit sa ganitong mga pananaw tungkol sa pisikal na pananakit ang mga sinabi ni Senador Robin Padilla sa isang pagtalakay tungkol sa Anti-Bullying Law noong nakaraang linggo. Para sa bagitong mambabatas, “kayang i-handle” ang physical bullying kaysa sa “mental na bullying” na nararanasan ng kabataan ngayon. Ibang usapan na raw kung “umabot siguro na gusto ka nang patayin” ang physical bullying. Dagdag pa ng dating action star, nakatulong sa kanyang “humarap sa buhay” ang physical torture.
Magkaiba man ng kahulugan ang physical bullying at physical torture, parehong makikita sa dalawang gawaing ito ang kawalang saysay ng karahasan. Anuman ang porma ng pananakit at ang tindi ng sakit na ipinararanas sa isang tao, ang pagiging marahas sa ating kapwa—lalo na sa mga mahihina at hindi kayang ipagtanggol ang kanilang sarili—ay pagtalikod sa ating tungkuling pangalagaan ang dignidad ng tao. Nauunawaan natin kung bakit ganito ang pananaw ni Senador Padilla tungkol sa pisikal na pananakit dahil baka nga ganito ang naranasan niya noong kanyang kabataan. Ngunit bilang isang lingkod-bayan at sikat na personalidad, maging maingat sana siya sa pagbibitaw ng mga salitang tila hinihikayat pa ang mga taong manakit kung sa tingin nila ay hindi naman ito sosobra o kung sa kanilang paniniwala ay makatutulong pa nga ito.
Malaking problema kaysa positibong karanasan ang bullying, lalo na sa mga bata. Sa isang pag-aaral ng Program for International Student Assessment at Organization for Economic Cooperation and Development, lumabas na anim sa sampung batang mag-aaral sa Pilipinas ang nakaranas ng bullying. At hindi biro ang epekto nito sa mga batang nabu-bully. Ang mga batang pinagbabantaan at sinasaktan ay mas mababa ang score sa reading comprehension kumpara sa mga batang hindi binu-bully.
Matindi rin ang epekto ng bullying sa tinatawag nating self-esteem o kung paano pahalagahan ng isang bata ang kanyang sarili. Ang pananakit sa kanila—pisikal man o hindi—ay maaaring magtulak sa kanilang maging marahas sa kanilang sarili. May nababalitaan nga tayong nagpapatiwakal dahil sa tindi ng naranasan nilang pambu-bully. Samantala, ang mga bully, kung kukunsintihin ang kanilang ginagawang pananakit sa iba, ay maaaring magtulak sa kanilang gumawa pa ng mas seryosong mga bagay. Kailangan din nila ng tulong at pagtutuwid na hindi rin kailangan ng pananakit.
Sa mga panlipunang turo ng Simbahan, katulad ng Centesimus Annus, laging binibigyang-diing nakatatak sa ating mga tao ang imahe ng Diyos.3 Kaya kapag ang isang bata ay binu-bully, hindi lamang siya sinasaktan ng nambu-bully; hinahamak din ang kanyang pagkatao, ang kanyang angking dignidad na mula sa kanyang pagiging nilikhang kawangis ng Diyos. Kung hinahayaan natin ang bullying—pisikal man, mental, o emotional—para na rin nating tinatalikuran si Hesus na, sa Mateo 25:45, ay nagsabing “nang pagkaitan ninyo ng tulong ang isa sa pinakahamak sa mga ito, ako ang inyong pinagkaitan.”
Mga Kapanalig, hindi lahat nang nakasanayan nating gawin—katulad ng pananakit bilang katuwaan lamang o bilang paraan ng pagtutuwid ng mali—ay tama at makatwiran. Iba na ang panahon ngayon, at marami nang ebidensyang nagpapakitang walang naibubungang mabuti ang pananakit. Sa isang lipunang nais maging makatao at makatarungan, walang lugar ang karahasang walang saysay.
Sumainyo ang katotohanan.