409,610 total views
Mga Kapanalig, tinaasan pa ng bicameral conference committee ang budget na inilaan sa Medical Aid for Indigent and Financially Incapacitated Patients Program (o MAIFIP) ng Department of Health para sa taóng 2026. Sa kabila ng mga pagtutol, mabibigyan ang programa ng 51 bilyong piso.
Ang MAIFIP ay programa ng DOH na nagbibigay ng tulong-pinansyal sa mga mahihirap na pasyente o indigent at financially incapacitated. “Indigent” ang mga walang hanapbuhay o kulang ang kinikita para tustusan ang mga pangangailangan ng kanilang pamilya. “Financially incapacitated” naman ang mga tinamaan ng biglaan o malubhang karamdaman na nangangailangan ng mahal at specialized na gamutan na maaari silang ibaón sa matinding pagkakautang o itulak sa kahirapan. Makatutulong ang MAIFIP sa mga gastusin sa gamot, serbisyong medikal, pagpapaospital, at pagpapaopera.
Maganda naman sana ang MAIFIP. Maraming “one illness away from poverty,” ‘ika nga. Mahal ang magkasakit. Ang problema sa programang ito ng DOH ay ang proseso ng pamamahagi ng tulong. May mga kamay itong dinadaanan. Sinasamantala ito ng mga sakim sa kapangyarihan.
Sa kasalukuyang sistema, hindi madaling makakuha ng tulong mula sa MAIFIP. Kailangang pumila nang matagal ang mga pasyente at ang kanilang pamilya. Minsan, magpapabalik-balik pa sila para kumpletuhin ang mga requirements. Makikiusap pa sila sa mga pulitiko para sa guarantee letter na mistulang tiket para makinabang sa MAIFIP.
Tulong ba talaga ito kung kailangang paghirapan bago makamit? Para ngang namamalimos ang mga tao. Pero ang mas malalim na tanong: bakit ang karapatang dapat tinatamasa ng bawat tao ay ginagawang ”tulong” na kung sino lang ang hihingi at nangangailangan ang mapagkakalooban?
Mismong mga senador ang kumuwestyon sa malaking ponding inilaan sa MAIFIP. Malinaw daw ang panganib ng pamumulitika at pagpapadrino sa ganitong mekanismo. Gayunpaman, nanaig ang argumento ng mga kongresista na milyun-milyong Pilipino raw ang maaapektuhan kung babawasan ang pondo ng MAIFIP. Katwiran nila, ito raw ang pinakamabilis na paraan para makakuha ng tulong habang hindi pa ganap na naipatutupad ang Universal Health Care Law.
Kahit saang anggulo tingnan, maling-mali ang lohikang ito. Hindi maaaring gawing panakip-butas sa isang maayos at sistematikong healthcare system ang programang nakaasa sa pakiusap at pabor. Hindi makatarungan na kailangan pang magmakaawa at mamalimos ang mga maysakit para mabuhay. Hindi tamang isiping kailangan paghirapan ng mga nangangailangan ang tulong na karapatan naman nilang makamit. Hindi ito tulong na may malasakit. Tulong ito na mababa ang pagturing sa dignidad ng mahihirap. Tulong ito na pabor sa mga pulitikong naglalagay ng kanyang pangalan at larawan sa guarantee letters na para bang sa kanila galing ang pera. Nabubuo tuloy ang maling paniniwala na ang tulong ay regalong ipinagkakaloob ng mga pulitiko, hindi pondong mula sa buwis ng mamamayan. Ito nga ang batikos ni Cardinal Pablo Virgilio David ng Diyosesis ng Kalookan sa MAIFIP. Dito natin napatutunayang kahit sa legal na sistema, hindi laging ipinagtatanggol ang karapatan ng mga mamamayan sa maayos na kalusugan.
Sana dumating ang panahon na wala nang Pilipinong “one illness away from poverty.” Wala na sanang magsasakripisyo ng kanilang kalusugan para lamang may maihain sa mesa. Wala na sanang mamamalimos sa mga pulitikong inuuna ang sariling interes para bumango at manalo sa halalan. Mangyari sana ang sinasabi sa Isaias 65:23 na “Hindi na sila magpapagal para sa kapahamakan.”
Mga Kapanalig, ang tunay na sukatan ng makataong lipunan ay hindi ang laki ng pondong inilalaan sa mga programa at proyekto ng gobyerno, kundi ang kawalan ng mga mamamayang kailangang magmakaawa para mabuhay. Hangga’t hindi ito natutupad, mananatiling hamon sa ating lahat ang ipaglaban ang isang sistemang pangkalusugan na tunay na nagtataguyod ng buhay, dignidad, at katarungan para sa lahat, lalo na sa mahihirap nating kababayan.
Sumainyo ang katotohanan.




