616 total views
Mga Kapanalig, laganap sa daigdig ang karahasan. Nariyan ang mga digmaan, at ang mga pagsalakay na naglalayong magkalat ng takot sa mga bansang walang digmaan. Kamakailan lang, sunud-sunod ang pagbobomba sa Belgium, Pakistan, at Turkey. Ang ganitong mga pangyayari ay nakapagpapaagnas ng pag-asa natin sa sangkatauhan, at maging sa Diyos.
Ano ang tungkulin ng Kristiyano sa ganitong sitwasyon? Balikan natin ang Gaudium et Spes, Katuruang Panlipunan ng Simbahan na inilathala ng Pangalawang Konsehong Batikano noong taóng 1965. Nahaharap noon ang daigdig sa paggunaw ng sangkatauhan dahil sa karera sa armas ng makapangyarihang mga bansa. Iba ang kalagayan natin ngayon, dahil ang pinakalantad na panganib ay tila galing sa maliliit na samahan ng mga taong may damdamin ng pagkaapi o marginalization sa iba’t-ibang bansa. Ngunit may maituturo pa rin ang Gaudium et Spes kung papaano tugunan ang ganitong uri ng karahasan.
Ayon sa Gaudium et Spes, hindi karahasan ng estado ang pangunahing sagot sa karahasan. Ang karahasan ng estado ay kinakailangan kung ang kalaban ay walang kagustuhang makipagdiyalogo. Ngunit ang karahasan ng estado ay hindi dapat maging tangi o palasák na instrumento laban sa karahasan, dahil madalas nagbubunga ito ng panibagong karahasan. Halimbawa, ang paglusob ng Estados Unidos sa Iraq noong taóng 2003, na tinutulan ni Papa Juan Pablo II at ng ating mga obispo, ay nakapag-ambag sa pagsibol ng Islamic State, isa sa kinatatakutan nating puwersa ng karahasan ngayon.
Ayon pa sa Gaudium et Spes, higit na mabisang sagot sa karahasan ang katarungang batay sa pagkilala ng dangal ng tao. Marami sa puwersang mararahas ay may damdaming dehado sila sa mga palakad ng kanilang lipunan. Isang tugon dito ang pagtatatag ng mga institusyon para iwasto ang kamaliang kanilang iniinda, at para makalahok sila sa pagwawastong ito. Halimbawa, ang Bangsamoro Basic Law o BBL ay panukalang batas na naglalayong bigyan ang mga kapatid nating Muslim ng kakayahang pamunuan ang kanilang mga sarili at makilahok sa buhay ng bansa ayon sa prinsipyo ng sariling relihiyon at kultura.
Sinasabi rin ng Gaudium et Spes na tungkulin ng Kristiyanong pandayin ang kapatirang batay sa pagmamahal. Ang kapayapaan ay bunga ng pag-ibig, na lumalampas sa ibinibigay ng katarungan.
May mga samahan sa Mindanao na nagsisikap ipag-ugnay ang Kristiyano at Muslim sa pagpapaunlad ng kapayapaan sa kanilang pamayanan. Kabilang dito ang Bishops-Ulama Conference, na itinatag ng ating mga obispo sa Mindanao kasama ng mga pinunong relihiyoso ng mga Muslim; ang Silsilah Dialogue Movement; ang Peace Advocates Zamboanga o PAZ; at ang Zamboanga-Basilan Integrated Development Alliance o ZABIDA. Isang kongregasyong Katoliko, ang Oblates of Mary Immaculate o OMI, ang nagtatag ng mga paaralan sa Mindanao na tumatanggap ng estudyanteng Muslim. Layon ng mga paaralang itong linangin ang kakayahan nilang lumahok sa pagpapaunlad ng ekonomiya at pulitika ng bansa, hindi ang gawing Katoliko ang mga estudyanteng Muslim. Halimbawa, Muslim ang 70 porsyento ng mag-aaral sa Notre Dame University sa Cotabato. Ang pamantasang ito ay mayroong opisina, ang Institute for Autonomy in Governance, na lumahok sa pagbubuo at pagtatasa sa BBL.
Maaari tayong makilahok sa ganitong mga gawain kahit sa maliliit na paraan: halimbawa, sulatan ang ating mga mambabatas na isabatas ang BBL o katumbas nito; mag-ambag ng salapi o panahon sa mga organisasyong nagsisikap tumulong sa mga kapatid nating Muslim; kaibiganin ang mga Muslim, katutubo, at ibang minoridad na nakakasalamuha natin araw-araw. Sa ganitong mga munting paraan, makatutulong tayo sa paghahasik ng pag-asa sa mga kapatid nating Muslim, at maging sa ating mga sarili, na kayang makamit ang katarungan at ang magandang buhay sa mapayapang paraan.
Sumainyo ang katotohanan.