1,168 total views
Magparehistro at maging kabahagi sa pagbibigay ng solusyon sa mga problema ng Pilipinas.
Ito ang panawagan ng grupo ng mga abogado na IDEALS INC. kasabay ng patuloy na pagbubukas ng registration para sa mga Pilipino na edad 18 pataas upang makilahok sa eleksyon 2022.
Sa panayam kay Atty. Dondi Justiani sa segment na All Rights sa Caritas in Action, napakahalaga ng ating karapatan na bumoto upang maging bahagi ng solusyon sa mga suliranin ng bansa.
Ipinaliwanag ni Atty. Justiani na ang pagpaparehistro at pagboto ay isang magandang pagkakataon upang makapaghalal ng magsisilbing kinatawan ng iyong pananaw at boses sa pamahalaan.
“ito ay isang obligasyon na magparehistro at bumoto pero higit sa karapatan natin na pumili ng mamumuno isa ito sa mga paraan na makapag sabi kung ano ang solusyon sa nakikita nating problema sa lipunan kapag ikaw ay bumoto pinipili mo ang kinatawan mo sa gobyerno at sa pamamagitan nila doon ka nakikilahok sa public affairs ng iyong bansa kaya highly encourage na magpa rehistro.” Pahayag ni Atty. Justiani.
Inihayag ni Atty. Justiani na hindi dapat maging hadlang ang nararanasang pandemya upang makilahok sa 2022 national elections.
“actually very controversial kung itutuloy pa ang eleksyon pero ito po ay nakasaad sa constitution kaya masusunod pa din yung 2022 Election para siya mabago kailangan palitan yun batas considering yung time alanganin na kaya practically speaking tuloy talaga ang eleksyon.”
Sa ngayon ay sinisikap ng COMELEC na ipatupad ang online registration bagamat kinakailangan pa rin ang physical apperance sa kanilang mga tanggapan para lumagda at magbigay ng katunayan sa pagpaparehistro.
“Yun COMELEC nag effort naman sila, meron silang “I-Rehistro” doon mo i-reregister ang sarili mo ma-fill up mo yun form pero doon mo pa din siya dadalhin sa physical office ng COMELEC para doon mo pirmahan sa harap ni election officer . paliwanag ni Atty. Justiani.
Pinaalala ni Atty. Justiani na ang lahat na nasa edad 18 pataas ay maaring bumoto basta’t ito ay mamamayan ng Pilipinas sa loob ng isang taon.
Hinikayat din niya maging ang mga Overseas Filipino Workers o OFW’s na bumoto sa pamamagitan ng mga consular at Comelec Office na itinalaga sa mga bansa kung saan sila nagtatrabaho.
“meron po tayong overseas voting system kailangan lang makipag coordinate sa designated voting precinct sa abroad o sa foreign affairs office sa ibang bansa.” Dagdag pa ng abogado mula sa IDEALS Inc.
Batay sa datos ng COMELEC nasa 58 Milyong Pilipino ang nakarehistro ngayon para bumoto sa Eleksyon 2022.
Target ng Komisyon na magkaroon ng karagdagang 4 na milyong botante bago matapos ang pagpaparehistro sa Setyembre ng taong kasalukuyan.