273 total views
Lawiswis Ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-8 ng Setyembre 2022 Kapistahan ng Pagsilang ng Mahal na Birheng Maria, Ina ng Diyos
O Diyos Amang mapagmahal sa amin, kay sarap isipin at namnamin pagdiriwang ng pagsilang ng Mahal na Birheng Maria na Ina ni Hesus at Ina din namin. Sa unang tingin marahil tatanungin bakit ang kuwento sa ebanghelyo ay pagsilang ng Kristo? Ngunit sa dakilang karunungan po Ninyo, O Diyos Ama dito Mo ibinalot kagandahan at kabutihan hindi lamang ng kapistahan kungdi ng katotohanang hatid nito: Dumating si Hesus na Anak Mo sa pamamagitan ng dalawang mabubuting tao ayon sa plano at kalooban Mo: si Jose na mula sa angkan ni David na lahi ni Abraham naging kabiyak ng puso ni Maria na siyang Ina ng tinatawag naming Kristo.
Alam nating sa lahat ng bagay, ang Diyos ay gumagawang kasama ang mga nagmamahal sa kanya, ang mga tinawag ayon sa kanyang panukala, sa kanilang ikabubuti. Sapagkat sa mula’t mula pa’y alam na ng Diyos kung sino ang sa kanya; At ang mga itinalaga niya noong una pa ay kanyang tinawag. Ang mga tinawag niya ay kanya ring pinawalang-sala, at ang kanyang mga pinawalang-sala ay kanya namang binigyan ng karangalan.
Roma 8:28-29, 30
Walang pa-chamba-chamba sa Iyo, O Diyos naming Ama katulad ng sulat ni San Pablo sa mga taga-Roma: bahagi ng iyong dakilang plano ang aming pagsilang at pagparito upang tawagin at piliin kay Kristo na pumarito din ayon sa iyong plano; kaya naman aming dalangin, matularan namin Mahal na Birheng Maria sa pagiging masunurin si Kristo ay dalhin at maibahagi sa mga namimighati at sawi; higit sa lahat, nawa mahubog din kami tulad ni Maria sa katauhan ni Kristo na anak niya upang sa aming kapanatilihan hatid niyang kaligtasan at kagalakan, kagalingan at kaliwanagan laging maranasan!
Maligayang kapistahan ng iyong pagsilang, Mahal na Birheng Maria! Salamat sa iyong pakikiisa sa plano ng Diyos pati kami ngayon ay nalapit sa Kanya kay Kristo na iyong isinilang at hindi ipinagkait kanino man; Ipanalangin mo kami, Birheng Maria na aming Ina, huwag mawalay bagkus patuloy na lumapit at kumapit kay Jesus na aming kapatid; katulad mo ay amin ding mahalin at pahalagahan bawat buhay na kaloob ng Diyos Ama, lalo na mga nasa pinakamahinang kalagayan sa sinapupunan ng kanilang ina at sa mga nasa katandaan at banig ng karamdaman. Ngayong panahon pa rin ng pandemya aming hiling pa rin ang iyong mga panalangin Mahal naming Ina, kami ay laging pagpalain! Amen.