78,622 total views
Mga Kapanalig, hindi nakikinig ang Diyos sa mga panalangin ng mga taong nagsisimula ng digmaan. Tinatanggihan Niya ang mga dasal na ito.
Ganito ang mga salitang binitawan ni Pope Leo XIV sa kanyang homilya para sa Linggo ng Palaspas sa pagsisimula ng mga Mahal na Araw noong isang linggo. Sa harap ng libu-libong mananampalataya, sinabi ng Santo Papa na ang ating Panginoon, ang hari ng kapayapaan, ay tutol sa giyera. Hindi Siya dapat gamitin ninuman para bigyang-katwiran ang pagsisimula at pagpapatuloy ng digmaan.
Binanggit pa niya ang mga salita mula sa Isaias 1:15: “Even though you make many prayers, I will not listen: your hands are full of blood.” Sa Filipino, “Kapag kayo’y nanalangin sa akin, hindi ko kayo papansinin; kahit na kayo’y manalangin nang manalangin, hindi ko kayo papakinggan sapagkat marami na ang inyong pinaslang.”
Wala man pinangalanan si Pope Leo XIV, ipinakahulugan ng ilan ang mga sinabi niya bilang komentaryo sa giyerang sinimulan ng Estados Unidos at ng kaalyado nitong Israel laban sa Iran. Ilang araw kasi bago nito, may panalangin ang isang opisyal ng Amerika, si US Defense Secretary Pete Hegseth, kung saan hiningi niya ang “overwhelming violence of action against those who deserve no mercy.” Humiling siya ng labis na marahas na pagkilos laban sa mga hindi karapat-dapat bigyan ng awa!
Napakahirap itugma ang pagsamo sa Panginoon ng kapayapaan at ang paghiling ng karahasan laban sa mga itinuturing na kaaway. Ang Diyos kaya talaga ang kinakausap nila? Tunay na tagasunod ba sila ni Hesus? Ano kayang tumatakbo sa isipan ng naturang opisyal gayundin ng mga taong sumusuporta sa rehimen ni US President Trump?
Pero hindi lang sa Amerika nangyayari ito.
Ang kahilingang patawan ng matinding karahasan ang mga itinuturing na kalaban ng kabutihan at protektahan ang mga namumunong ipinagtatanggol daw ang kabutihan ay ginagawa rin ng ilan nating kababayang Kristiyano. Para sa kanila, may mga taong hindi karapat-dapat makatanggap ng awa ng Diyos, at hindi karapat-dapat na mabuhay pa. Para sa kanila, ang mga lider na gumagamit ng kamay na bakal, kahit buhay pa ng tao ang maging kapalit, ay katanggap-tanggap at kapuri-puri pa nga kung marami naman ang makikinabang at kung iaangat naman nito ang ating bayan. Ito raw ang pagiging tunay na Pilipino.
Maling-mali ito, mga Kapanalig.
Ang isang Kristiyano ay hindi kailanman kumikiling sa karahasan. Laging kapayapaan ang kanyang hangarin. Kung talagang nanampalataya tayo kay Hesus, susundan natin ang Kanyang halimbawa na pinagnilayan natin nitong mga Mahal na Araw. Sa mga araw na iyon, ginunita natin ang pagpapahirap kay Hesus, na sa kabila ng sakit na tinanggap Niya ay pinili pa rin ang kapayapaan, pagpapatawad, at pagbibigay ng sarili. Humantong pa nga ito sa pagpapapako Niya sa krus. Hindi Siya naghangad ng masama sa mga taong nanakit sa Kanya, kabilang ang mga nagkanulo sa Kanya. Hari si Hesus, pero gaya ng lagi Niyang sinasabi, naparito Siya para maglingkod, hindi ang paglingkuran. Ang kapangyarihan Niya ay hindi nakatuon sa pagpapatunay ng Kanyang lakas laban sa mahihina; ginamit Niya ito para sa kapakanan ng mahihina.
Mga Kapanalig, hindi na raw aabot ng isang buwan bago tapusin ng Amerika ang gulong sinimulan nito sa Middle East. Sa track record ng presidente ng Amerika, napakahirap panghawakan ng mga salitang ito. Gagamit pa rin sila ng karahasan, at gulo pa rin ang gusto nilang mamayani. Idinadamay pa nila ang Diyos para pangatwiranan ito. Labanan natin ito. Ngayong Pasko ng Muling Pagkabuhay ni Hesus, tunay na kapayapaan—hindi patuloy na karahasan—ang ating ipagdasal, at siguradong ito ang panalanging pakikinggan ng Diyos.
Sumainyo ang katotohanan.






