25,305 total views
Kinilala ni San Carlos Bishop Gerardo Alminaza – National Chairman ng Church People Workers Solidarity ang mga manggagawa bilang mga bagong bayani sa paggunita ng national heroes day.
Ayon sa Obispo, katangi-tangi ang pagpupursige ng mga manggagawang nagtatrabaho upang may maipangtustos sa kanilang mga pang araw-araw na pangangailangan .
“Ngayong araw, inaalala at pinararangalan natin hindi lamang ang mga bayani ng ating kasaysayan, kundi pati ang mga makabagong bayani sa ating panahon — lalo na ang mga manggagawa, Kayo na patuloy na nagpapakapagod, nagpapakahirap, at nakikibaka para sa karapatan, katarungang panlipunan, at mas maayos na kinabukasan para sa inyong pamilya at para sa bayan — kayo ay buhay na patunay na ang diwa ng kabayanihan ay patuloy na sumisibol, “ ayon sa mensaheng pinadala ni Bishop Alminaza sa Radyo Veritas.
Sa bisa ng pagtutulungan ayon kay Bishop Alminaza ay tiyak na matutugunan higit na ang mga suliranin na katulad ng mababang suweldo ng mga manggagawa at iba pang suliranin na kanilang kinakaharap.
Mensahe pa ng Obispo sa mga bagong bayani na manggagawang Pilipino ang pananatiling matatag at maging mas handa sa pagsusulong ng katarungang panlipunan.
“Sa gitna ng hamon at hirap, nananatili kayong matatag at buo ang loob. Ang inyong pagpupunyagi ay hindi lamang para sa sariling kapakanan, kundi para sa ikabubuti ng nakararami. Kayo ay inspirasyon sa aming lahat at tunay na huwaran ng pagmamahal sa Diyos at sa kapwa, Nawa’y ipagpatuloy natin ang pagtutulungan, pananampalataya, at paninindigan para sa isang lipunang makatarungan at mapayapa — sapagkat ang bawat hakbang tungo sa kabutihan ay hakbang ng isang bayani, Mabuhay kayo, mga manggagawang bayani ng ating bayan!,” ayon sa mensaheng pinadala ni Bishop Alminaza sa Radyo Veritas.
Noong 2024, muling napabilang ang Pilipinas sa talaan ng Global Rights Index na ‘Top 10 Most Dangerous Countries in the World for Labor Leaders and Members’ matapos umabot sa 70 ang bilang ng mga napapatay na labor leaders at miyembro simula noong 2016.






