88,435 total views
Mga Kapanalig, nakakasiyang marinig na “mahalaga sa paningin ng Panginoon ang kamatayan ng kanyang mga banal,” ayon sa Mga Awit 116:15.
Nagluluksa ang buong Simbahang Katolika sa pagkamatay ng ating pinakamamahal na si Pope Francis o para sa ating mga Pilipino, si Lolo Kiko. Pumanaw ang Santo Papa noong umaga noong nakaraang Lunes, Abril 21. Komplikasyon mula sa stroke ang sanhi ng pagkamatay ng Santo Papa.
Sa editoryal na ito, ating alalahanin ang mga aral ni Lolo Kiko na nagbigay-inspirasyon sa ating lahat na isabuhay ang mga panlipunang turo ng Simbahan o Catholic social teaching.
Laging nababanggit ni Pope Francis na ang isang tunay na Kristiyano ay may galak o joy. Sa isinulat ni Pope Francis na Evangelii Gaudium, hinahamon niya tayong hindi sa teknolohiya o konsumerismo matatamo ang kagalakan. Mararanasan ito sa ating personal at malalim na ugnayan sa Diyos na nagmamahal sa atin. Ayon kay Pope Francis, talagang napakasaya maging Kristiyano dahil may Diyos tayong umiibig! At dahil sa matinding galak na dulot ng Diyos sa atin, ibinabahagi din natin ito sa ating kapwa. Ipinakita ni Pope Francis ang kagalakang ito nang magbiro siya sa kanyang homilya noong 2015 sa Manila Cathedral sa kanyang Papal Visit sa ating bansa. Ang buhay ng Kristiyano ay masayáng tunay, sabi nga sa isang kanta.
Bilang tayo ay kapwa at magkakapatid sa isa’t isa, isinulat naman ni Pope Francis ang ensiklikal na Fratelli Tutti noong 2020 sa kalagitnaan ng COVID-19 pandemic, ang pinakamabigat na yugto marahil sa kanyang pagiging pastol ng Simbahan. Inaanyayahan tayo ni Papa Francisco sa Fratelli Tutti na ituring natin ang ating kapwa bilang mga kaibigan at kapatid dahil sa ipinakitang pag-ibig at pagkalinga ng Diyos sa atin. Hinahamon niya tayo na huwag ituring ang ating kapwa bilang mga gamit o makinang maaaring abusuhin o pagsamantalahan para lang sa ating pansariling interes. Sa pag-ibig na tinatawag niyang “social or political love”, tayo ay nakikiisa at nakikipagkapatiran sa ating kapwa, lalo na sa mahihirap, isinasantabi, at inaalipusta. Hindi ideya ang pulitikal na pag-ibig na ito para kay Pope Francis. Ipinakita niya ito sa mga maysakit, sa mga kabataan, at kahit sa mga lider ng mga bansa’t relihiyon bilang pagbibigay-saksi para sa kapayapaan at katarungan sa ating mundo.
Ang pinakamahalagang kontribusyon marahil ni Papa Francisco sa panlipunang katuruan ng Santa Iglesia ay ang kanyang ikalawang ensiklikal na Laudato Si’ noong 2015. Pinaalalahanan tayo ni Pope Francis sa Laudato Si’ na pangalagaan natin ang ating daigdig bilang ating tahanan o “common home”. Para sa yumaong Santo Papa, ang sanilikha ay hindi dapat inaaabuso sa ngalan ng kaunlaran o negosyo. Dapat gamitin natin nang responsable at makabuluhan ang kalikasan dahil hindi tayo ang may-ari nito, kundi mga katiwala ng Diyos sa pangangasiwa at pagtatanggol ng Kanyang nilikha. Ipinakita ni Pope Francis ang malasakit sa kalikasan sa kanyang mga talumpati sa mga pandaigdigang pagpupulong sa tumalakay sa climate justice and action.
Mga Kapanalig, sa ating pag-alala kay Pope Francis, tumugon sana tayo sa kanyang mga hamong magkaroon ng isang buháy na pananampalataya. Ang kanyang buhay at mga aral ay mga tanda na ang pag-ibig ng Panginoong Hesukristo ay dapat nating isinasabuhay sa pulitika, sa kalikasan, sa ekonomiya, at sa ating mga personal na buhay. Mamunga nawa sa atin ang mga aral ni Papa Francisco—ang manatiling may galak, ang magmalasakit, at ang makiisa sa ating kapwa nang ating maipakilala ang Diyos sa mundo. Ating ipanalangin ang kapayapaan ng kaluluwa ni Pope Francis. Pagkalooban nawa siya ng Diyos ng buhay na walang hanggan. Paalam at maraming salamat, Lolo Kiko!
Sumainyo ang katotohanan.




