199 total views
Dapat dumaan sa isang discerned process ang ating pagboto at huwag magpadala sa propaganda ng nakakarami.
Pinayuhan ni Father Marlon Lacal, dating executive secretary ng Association of Major Religious Superior of the Philippines o AMRSP ang mga botante na makinig sa sinasabi ng puso at konsensiya at huwag ibabatay ang boto sa kasikatan ng mga kandidato.
“Yung pamantayan ng pagpili ay dapat na hindi lamang it is the rule of the mob kung hindi ito yung idinidikta ng ating discerned decision, so we must undergo a well discerned process in coming out of the choice ng sa ganun ay hindi nadadala at nadadala lamang dahil yun ang uso,” pahayag ni Father Lacal sa Radio Veritas.
Hinimok din ng pari ang mga botante na isaalang-alang ang mga kandidatong makadiyos na ang buhay ay isang magandang halimbawa para sa mga mananamplataya.
Inihayag ng pari na nararapat ding ihalal ang mga kandidatong makatao at makabayan na ang tunay na interes ng nakararami ang uunahin at hindi ang pansariling interes.
Apat na araw na lamang at iluluklok ng 54.6-milyong registered voters ang mga karapat-dapat na lider sa 18-libong puwesto sa pamahalaan.