77,288 total views
Mga Kapanalig, sa Ebanghelyo tungkol sa pagpapakasakit ni Hesus, maaalala ninyong nagpakuha ng tubig si Poncio Pilato, ang gobernador ng Roma, at naghugas ng kamay sa harap ng mga tao. “Wala akong pananagutan sa dugo ng taong ito,” wika niya. Wala na raw siyang magagawa sa kagustuhan ng mga taong patawan ng parusang kamatayan si Hesus. Ipinasa niya ang pananagutan sa mga Hudyo. Inabsuwelto niya ang kanyang sarili.
May mga nagsasabing tila paghuhugas-kamay din ang ginawa ni Pangulong BBM nang ipakilala niya ang mga kandidato sa pagkasenador ng koalisyong Alyansa Para sa Bagong Pilipinas.
“Tingnan niyo po ang record ng ating mga kandidato,” pagmamalaki niya. “Wala sa kanila ang may bahid ng dugo dahil sa tokhang. Wala sa kanila ang kasabwat sa pagbulsa ng saku-sakong pera, pinagsamantalahan ang krisis ng pandemya, pinabayaan ang ating mga kababayan na magkasakit at mamatay.” Dagdag pa ng pangulo, “Wala sa kanila ang mga pumapalakpak sa Tsina at natutuwa pa kapag tayo ay binobomba ng tubig, tinatamaan ang ating mga Coast Guard, hinaharang ang ating mga mangingisda, ninanakaw ang kanilang mga huli at bukod pa roon ay inaagaw ang mga isla natin para maging bahagi ng kanilang bansa.” Sinabi rin niya, “Wala sa kanila ang tagataguyod ng pugad ng krimen [gaya ng] mga POGO.”
Patutsada sa mga kalaban ng kanyang mga manok ang mga sinabi ni Pangulong BBM. Kung gusto raw nating mga Pilipino ng isang gobyernong bago, huwag na nating balikan ang isang pamamahalang “ibinubugaw ang ating bayan bilang isang sugalan ng mga dayuhan” at “umaapaw sa dugo ng mga inosenteng mga bata na inagaw sa kanilang mga ina, kinuha sa kanilang mga tahanan, at inagaw ang kanilang kinabukasan.”
Mabibigat na pasaring ang mga ito.
Pero suriin nating mabuti: ganoon nga ba kalinis ang mga kandidatong ipinagmamalaki ng ating pangulo? Nakasisiguro ba siyang walang bahid ng dugo sa kamay ang mga nasa senatorial slate niya? Nakatitiyak ba siyang tapat sila sa ating bayan? Naniniwala ba talaga siyang wala sa kanilang sangkot sa katiwalian?
Hindi naman na bago sa larangan ng pulitika ang mga manok ng administrasyon. Marami nga sa kanila, senador na noong nasa puwesto pa si dating Pangulong Duterte. Alam na alam nila ang karasahang pinalaganap ng giyera kontra droga. May mga hindi nagsalita, may mga hindi rin tumutol. Pumayag pa nga silang ipakulong ang kasamahan nilang nagpapaimbestiga sa walang habas na pagpatay sa mga kababayan nating pinaghihinalaang gumagamit at nagtutulak ng droga. Sa isyu ng West Philippine Sea, hindi nila ipinaglaban ang pagkapanalo natin sa arbitration case natin laban sa China. Ilan sa kanila, pumabor na gawing legal ang mga POGO at hindi sumuporta sa dahan-dahang pag-phase-out ng mga ito. May mga kandidato ang administrasyong hindi pumirma sa isang Blue Ribbon Committee Report na naglalarawan ng datos at impormasyon tungkol sa maling paggamit ng pondong nakalaan sa pagtugon sa pandemya.
Bilang mga botante, tayo ay may obligasyong ungkatin ang kanilang track record ng mga kandidato, kabilang ang posisyon nila sa mga isyung binanggit ng presidente—ang war on drugs, ang West Philippine Sea, ang pag-usbong ng mga POGO, at katiwalian noong pandemya. Sa isang mensahe noong 2013, ipinaalala ni Pope Francis na sa pulitika, hindi tayo dapat umastang katulad ni Pilato na naghuhugas kamay sa harap ng mga nakikita nating mali. Magsisimula ito sa kung paano tayo boboto sa darating na eleksyon.
Mga Kapanalig, pakinggan natin ang ating konsensya habang binubuo natin ang ating magiging pasya sa halalan ngayong taon. Walang perpektong kandidato, pero hindi ito dahilan para hayaan na lamang nating mamayagpag ang mga pulitikong hindi naman talaga pumanig sa tama, matuwid, at nararapat.
Sumainyo ang katotohanan.