405 total views
Kapanalig, sa ating bayan, pwede nating maipagmalaki na mas marami sa atin ang nagmamahal, nangangalaga, at gumagalang sa mga senior citizens. Dito sa atin, ine-extend natin ang ating nukleyar na pamilya para makasama ang mga lolo at lola. Malaki ang kanilang papel sa ating buhay.
Sa maraming pamilya sa ating bansa, ang mga lolo at lola ang ating nagiging sandigan sa pagtaguyod ng sarili nating pamilya. Sila minsan ang tumitingin sa mga supling ng tahanan kung abala o pagod na ang mga magulang. Sila ang nangangalaga sa bahay kung tayo ay wala. Minsan pa nga, sila pa ang nagpapautang kung bitin na ang budget sa bahay. May mga pagkakataon pa nga na sila ang breadwinners ng tahanan.
Nasusuklian ba natin, kapanalig, ang lahat ng pagmamahal at serbisyo na inaalay sa ating ng mga seniors sa lipunan? Ang mga seniors natin ay kailangan ng mas tutok na atensyon, lalo na ang mga seniors na nagmumula sa informal sector. Hindi ba kapanalig, karaniwang walang social protection o benefits ang mga manggagawa sa sektor na ito? Ang mga naaubutan na ng katandaan bilang impormal na mangagawa ay walang maasahang pensyon. Wala silang choice kundi magtrabaho pa rin.
May isang survey din, ang 2018 Longitudinal Study of Ageing and Health in the Philippines (LSAHP), ang nagsabi na mahigit pa sa kalahati ng mga senior citizens ng bansa ang nakakaranas ng hirap sa pagkakasya ng budget. Kaya’t hindi nakakapagtaka na mababa din ang health care utilization sa kanilang hanay kahit pa higit pa sa kalahati (58%) ang may comorbidities ng COVID-19, gaya ng (45.5%), diabetes (12.6%), sakit sa puso (12.2%), at renal failure (11.8%). Sa katunayan, tatlo sa sampung seniors ng survey ang nagsabi na sila ay nagkaroon ng karamdaman nitong nakalipas ng labindalawang buwan pero hindi sila nagpunta sa doctor dahil kulang sa budget.
Kapanalig, ngayong napakahirap na ng panahon bunsod ng pandemya, mas kailangan ng seniors ang suporta ng estado at ng lipunan. Sa ngayon, mas maraming babaeng anak ang naatasan na mangalaga at sumuporta sa mga seniors. Mahirap ito, lalo’t pa’t may mga anak at trabaho ang marami sa kanila. Dapat nating katandaan, kapanalig, kung it takes a village to raise a child, it also takes a village to care for the elderly. Hindi lamang pag-akay sa araw araw na gawain ang kailangan ng seniors. Kailangan din nila ng rest at recreation, at sense of purpose and belonging.
Kapanalig, pina-aalala ng Centesimus Annus na “Human persons are willed by God; they are imprinted with God’s image. Their dignity does not come from the work they do, but from the persons they are.” Bata man o matanda, ang tao ang pinaka-malinaw na repleksyon ng presenya ng Diyos sa ating mundo. Ang pagkalinga natin sa seniors ay pagmamahal hindi lamang sa kapwa, kundi sa Panginoon.
Sumainyo ang Katotohanan.