173 total views
Mga Kapanalig, narinig na ninyo marahil ang Project NOAH o ang Nationwide Operational Assessment of Hazards. Ito ay isang proyektong inilunsad noong 2012 ng Department of Science and Technology o DOST, katuwang ang UP National Institute of Geological Sciences. Layunin nitong magsagawa ng tinatawag na disaster science research and development, kasabay ng paglinang ng teknolohiyang magbibigay ng tamang impormasyon sa mga ahensya ng pamahalaan—gaya ng PAG-ASA at PHIVOLCS—at maging sa mga mamamayan upang mapaghandaan ang mga panganib at sakuna at upang maiwasan ang masamang epekto ng mga ito.
Naibalita noong nakaraang linggo na hanggang sa katapusan na lang ng buwan na ito ang Project NOAH at hindi na ito maipagpapatuloy dahil sa kawalan ng pondo. Agad namang nilinaw ng gobyerno na hindi masasayang ang mga naging bunga ng Project NOAH dahil pangangasiwaan na ang mga ito ng PAG-ASA.
Ang Project NOAH ang naging pangunahing pinaghahanguan ng siyentipikong impormasyon ng mga lokal na ahensya at iba’t ibang grupong tumutugon sa panahon ng kalamidad, lalo na sa mga nasa probinsya. Matatagpuan sa website ng Project NOAH ang maraming mahahalagang impormasyon gaya ng direksyon at lakas ng isang bagyo, mga lugar na lantad sa panganib ng pagguho ng lupa (o landslide) at daluyong (o storm surge), at mga bayan na maaaring malubog sa baha batay sa dami ng ulang babagsak. Gamit ang mga datos na ito, naaabisuhan ng mga ahensyang gaya ng PAG-ASA ang mga pamahalaang lokal upang makapagsagawa ang mga ito ng paglilikas ng mga pamilya patungo sa mga evacuation centers. Kaya naman marami ang nanghinayang nang malaman nilang ititigil na ang Project NOAH.
Ang makabagong teknolohiyang katulad ng Project NOAH ay dapat nating ituring na biyaya. Sa kanyang encyclical na Laudato Si’, kinilala ni Pope Francis ang papel ng teknolohiya upang tugunan at ibsan ang pinsala ng maraming masasamang pangyayari sa sangkatauhan at sa ating daigdig. At ganito nga ang naging ambag ng Project NOAH sa ilang taon nitong pagsasagawa ng mga pag-aaral, pagbubuo ng mga mapa, at pagsubaybay sa lagay ng panahon.
Ngunit huwag nating kalimutan ang mga tao sa likod ng teknolohiya. Bagama’t sinabi na ng DOST na maipagpapatuloy ang Project NOAH sa ilalim ng PAG-ASA, maaaring maapektuhan ng pagtatapos ng Project NOAH ang mga researchers at disaster scientists na nasa likod ng nasabing proyekto, silang mga eksperto sa larangan ng hydrology, geology, at meteorology. Marami na sa kanila ang umalis dahil hindi sila nakatatanggap ng sahod na akma sa kanilang pinagdalubhasaan at sapat para tustusan ang pangangailangan ng kanilang mga pamilya. Ayon nga sa direktor ng Project NOAH, kalahati na lang ng 80 kawani nito ang naiwan habang papalapit na ang pagtatapos ng proyekto. Ito ang malungkot na katotohanan sa ating bansa: sa laki ng pangangailangan natin sa paghahanda laban sa mga panganib at sakuna, napakakaunti ng mga mahuhusay na siyentipikong patuloy na maglilinang ng teknolohiya. Aanhin natin ang teknolohiya kung walang mga taong kaya itong gawing kapakipakinabang upang tiyakin ang kapakanan ng nakararami?
Ayon nga kay St John Paul II, “science and technology are wonderful products of a God-given human creativity.” Ang agham at teknolohiya ay mga kahanga-hangang bunga ng pagkamalikhain ng tao na nagmula naman sa Diyos na lumikha sa atin. Ang Project NOAH ay hindi lamang tumutukoy sa teknolohiya; ito ay nilinang ng mga mahuhusay at dedikadong mga ekspertong kailangan nating pahalagahan.
Bilang bansang madalas tamaan ng bagyo, matinding tagtuyot, at lindol, tungkulin ng pamahalaan tiyaking may sapat tayong teknolohiya upang mapaghandaan ang mga kalamidad. Tungkulin din nitong itaguyod ang kapakanan ng mga taong nag-aral upang paglingkuran ang kanilang kapwa sa pamamagitan ng paglilinang ng teknolohiyang pinakikinabangan ng lahat.
Sumainyo ang katotohanan.