23,816 total views
Nanawagan ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa lahat ng mananampalatayang Pilipino na magbalik-loob sa Diyos sa pamamagitan ng panalangin at pagsisisi, sa gitna ng sunod-sunod na kalamidad na tumama sa bansa gaya ng mga bagyo, lindol, sunog, at pagputok ng bulkan.
Sa inilabas na Circular No. 25-14, hinikayat ni CBCP President, Kalookan Bishop Pablo Virgilio Cardinal David, ang lahat ng simbahan at pamayanang Kristiyano na magmamakaawa sa awa ng Panginoon para sa ating bayan, at sabay-sabay manalangin para sa kapatawaran at panibagong pag-asa ng bansa.
Bahagi ng panawagan ng CBCP ang pagpapatupad ng National Call to Prayer and Public Repentance, na isasagawa tuwing Linggo—at kung maaari, araw-araw—hanggang sa November 23, ang Dakilang Kapistahan ng Kristong Hari.
Bukod sa pananalangin, isasagawa rin ang pagpapatunog ng mga kampana bilang paalala ng pagkakaisa sa panalangin at paghingi ng awa ng Diyos.
Ayon kay Cardinal David, “Let it be our collective Miserere, our plea for mercy and renewal as a nation.”
Binigyang-tuon din ng cardinal ang mga salita mula sa Awit 51: “Create in me a clean heart, O God, and put a steadfast spirit within me.”
Bilang simbolo ng panibagong pag-asa at katapatan, iminungkahi naman ni Digos Bishop Guillermo Afable ang pagsusuot ng puting kasuotan tuwing Linggo ng Oktubre at Nobyembre, at ang paglalagay ng puting laso sa mga tahanan, simbahan, at pampublikong lugar.
Ipinaliwanag ng CBCP na ang puting kasuotan at laso ay tanda ng transparency, accountability, at mabuting pamamahala, gayundin ng panalangin na ang ating bayan ay mapanibago sa awa ng Diyos at maligtas sa karagdagang kalamidad.
“Let our white garments be a symbol of the purity we seek for our land and our hearts,” ayon kay Cardinal David.
Nanawagan ang CBCP sa lahat ng mananampalataya na gawing panahon ng pag-asa, paghihilom, at pagkakaisa ang panahong ito ng panalangin at pagsisisi, upang maibalik ang katotohanan, katarungan, at kapayapaan sa lipunan.
“Let us beg the Lord to renew our nation, and make us instruments of justice and peace,” ayon pa sa Cardinal.




