131,735 total views
Mga Kapanalig, libu-libong taga-Amerika ang lumabas sa mga lansangan ng Los Angeles sa Estados Unidos bilang pagtutol sa mararahas na raids ng Immigration and Customs Enforcement (o ICE).
Nagsimula ang kilos-protesta noong Hunyo 6, matapos ang sunod-sunod na operasyon ng ICE sa iba’t ibang bahagi ng LA. May mga mapayapang martsa, ngunit nauwi rin sa marahas na komprontasyon sa mga pulis. Dahil dito, ipinadala ni Pangulong Trump ang US National Guard upang pahupain ang mga protesta. Ito ang unang pagkakataon mula noong 1965 na nagpadala ang isang pangulo ng Estados Unidos ng National Guard nang walang pahintulot o hiling mula sa gobernador ng isang estado.
Ano ang pinag-ugatan ng galit ng mga tao?
Matagal nang binabatikos ang sapilitang pagdakip ng ICE sa mga immigrants mula sa kanilang bahay o trabaho. Armado ang mga tauhan ng ICE at kadalasang nakatakip pa ang mukha. Sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Trump, lalong tumindi ang kampanya kontra sa mga immigrants. Iniutos dapat makatatlong libong pag-aresto ang ICE kada araw–isang malinaw na pwersahang pagpapatupad ng programang sinasabing tugon sa umano’y kriminalidad na sanhi ng mga dayuhan. Pero sa totoo lang, mas dumarami ang hinuhuling walang kaso ng anumang krimen.
Sa ilalim ng ganitong patakaran, ang kampanya kontra-imigrasyon ng pamahalaang US ay nagdulot ng trauma at takot sa mga immigrant communities. Marami sa kanila ay matagal nang naninirahan at nagtatrabaho sa Amerika, kabilang na ang mga naghahanap ng asylum at ang mga may legal na proteksyon laban sa deportasyon o pagpapabalik sa pinanggalingan nilang bansa. Sa kabila nito, sila ay inaaresto at ikinukulong ng ICE.
Dapat nating tandaan na ang Estados Unidos ay isang bansa ng mga immigrants. Sa halos 10 milyong naninirahan sa Los Angeles County, halos kalahati ay may dugong Latino o Hispanic. Dito rin matatagpuan ang pinakamalaking komunidad ng Asian-American sa bansa, kung saan tinatayang 321,000 ay mga Pilipino. Kaya’t hindi maikakaila na ang kampanyang ito laban sa immigration ay may malawak at matinding epekto sa iba’t ibang lahi.
May mga nagsasabing kung ilegal ang pagpasok ng mga dayuhan, dapat lang silang hulihin. Ngunit ang tanong, makatao ba ang proseso? Dinadakip ang mga tao sa gitna ng gabi, hindi sinasabihan ang kanilang pamilya kung saan sila dinadala, at ikinukulong sila nang walang due process. Minsan, linggo ang lilipas bago malaman ng kanilang mga kapamilya kung nasaan ang mga hinuli ng ICE. Walang sinuman ang dapat tratuhing parang kriminal, lalo na kung ang tanging “kasalanan” lang nila ay ang maghanap ng mas magandang buhay sa Amerika.
Taong 2003 pa naninindigan ang mga obispo sa Amerika at Mexico para sa mga immigrants: “Regardless of legal status, all migrants possess inherent dignity.” Lahat ng tao, dokumentado man o hindi, ay may karapatang igalang. Sabi nga sa Levitico 19:34, dapat ibigin mo ang dayuhan gaya ng iyong sarili. Ang pagmamahal na ito ay hindi nananatili sa damdamin lang. Ito’y dapat isinasabuhay sa pagkilos, sa pagkakaisa, sa paninindigan, at sa pakikiisa sa mga inaapi. Nitong mga nakaraang linggo, nagpahayag ng suporta sa mga immigrants ang US Conference of Catholic Bishops at iba pang religious leaders. Paalala nila sa mga Katoliko sa Amerika na hindi sila dapat nanahimik sa harap ng pang-aapi. Paalala rin ito sa lahat ng bansang tumatanggap ng mga dayuhan.
Mga Kapanalig, mahalagang gamitin ng mga mamamayan ang kanilang karapatang magpahayag at magtipon. Ang mapayapang pagtutol sa kawalang-katarungan ay hindi lamang bahagi ng isang malusog na demokrasya, kundi isang pagsasabuhay ng pananampalataya. Sa pagsunod kay Kristo, huwag nating kalimutan na ang tunay na pananampalataya ay nagsusulong ng dangal ng bawat tao, lalo na ng ating mga kapatid na dayuhan.
Sumainyo ang katotohanan.