153 total views
Mga Kapanalig, habang isinusulat natin ang editoryal na ito, tatlong pulitiko na ang nagdeklara ng kanilang planong tumakbo para sa pagkapangulo ng bansa. Hindi bababa sa tatlo pang pulitiko ang inaasahang magdeklara. Ang ganitong sistemang nagpapahintulot ng maraming kandidato sa pinakamataas na posisyon sa ating pamahalaan ay nagdudulot ng labis na pagkakahati-hati habang papalapit ang eleksyon. Mas nakalulungkot na ang batayan ng pagkakahati-hati ay ang mga personalidad, hindi ang mga isinusulong na patakaran o mga prinsipyong pinaninindigan ng mga kumakandidato.
Matagal na nating alam na ganito ang pampulitikang kultura nating mga PIlipino. Mas naaakit tayo sa katangian ng mga personalidad. Hindi natin gaanong binibigyang-pansin ang kanilang mga paninindigan sa mga usaping panlipunan o ang kanilang track record. Dahil dito, mistulang nagkakampi-kampihan ang mga taong pareho ang mga minamanok laban sa ibang may ibang pinapaborang kandidato. Nagiging mahirap tuloy makipagdiyalogo at makahanap ng mapagkakasunduang mga prinsipyo o patakaran upang magkaisa sa mga susuportahang kandidato. Sa mga nakaraang pambansang eleksyon pagkatapos ni Cory Aquino, lahat ng mga nahalal na pangulo ay ibinoto lamang ng minorya, at hindi ng karamihan ng mga bumoto.
Dahil sa ganitong kalakaran, lalo pa tayong nasasanay sa pagkakahati-hati. Hindi tayo natututong makipagkaunawaan o makipagdiyalogo sa ibang hindi natin kapareho ng paniniwala. Ang resulta ay ang pananatiling hati-hati ng ating mga pamayanan at ng ating bayan kung saan mas matingkad ang mga pinagtatalunan kaysa sa pinagkakasunduan o pinagkakaisahan.
Hinihikayat tayo ni Pope Francis na magtatag ng isang lipunang ang mga tao, kasama na ang kabataan, ay sanay sa diyalogo bilang paraan ng pakikitungo sa kanilang kapwa. Ayon sa kanya, ang ganitong uri ng pakikitungo at pakikipagkapwa ang tanging makapagtatayo ng isang payapa at makatarungang lipunan kung saan walang naisasantabi. Hindi mabuting masanay ang mga taong may tinitingnan silang mas mababa kaysa sa kanila ang pagkatao, halimbawa ang mga babae, mga katutubo, mga gumagamit ng droga, o iba ang relihiyon o kung anu-ano pang kategorya ng mga taong iba sa atin.
Ang kabukasang makinig at makipagdiyalogo ay isang ugaling makapagpapalaganap ng kapayapaan sa lipunan. Sa pagsisimula ng panahon ng kampanya at panghihikayat sa mga taong bumoto, mainam na sikapin nating malinang ang kabukasang ito. Mainam din sana kung handa tayong makinig sa pinahahalagahan ng bawat isa nang walang paghuhusga, at sa halip ay may tunay na pagnanais na maunawaan ang kausap. Bakit kaya ito ang mahalaga sa kanya? Ano ang kalagayan niya sa buhay o naging karanasan kaya ganito ang kanyang paningin o paniniwala? Anu-ano naman ang pagkakapareho ng kausap ko sa akin, sa aking mga pangarap at hangarin sa buhay? Mahahanap kaya namin sa aming pakikipag-usap ang aming mga pagkakapareho at hindi lamang ang aming pagkakaiba o hindi pinagkakasunduan?
Sa Juan 4:5-29, matutunghayan nating nang gumawi si Hesus sa bayan ng Samaria, Siya ang nagbukas ng pakikipag-usap sa isang babaeng kumukuha ng tubig sa balon. Sa kinagisnan ng mga Hudyo sa panahong iyon, hindi sila nakikihalubilo sa mga Samaritano dahil iba ang kanilang paniniwala ukol sa Panginoon. Alam nating sa kuwentong ito, humingi si Hesus ng tubig sa babae na para bang Siya ang may kailangan mula sa babae. Pagkatapos niyang simulan ang pakikipag-usap, nauwi ang usapan sa personal na buhay ng babae. Imbis na paghuhusga, ang ipinakita ni Hesus sa kanyang kausap ay paggalang, pagpapakumbaba, at pang-unawa, at nagdulot ito ng pagbabagong panloob sa babaeng Samaritano.
Mga Kapanalig, ang tunay na pakikipagkapwa ay nagdudulot ng pagbabago tungo sa katotohanan at sa kapayapaan kung ito ay ginagawa nang may paggalang at pagmamahal sa kapwa. Linangin natin ito habang nagninilay kung sino ang ilalagay natin sa balota sa paparating na eleksyon.