448 total views
Umapela ng panalangin at kahandaan si Archdiocese of Manila Disaster Risk Reduction and Management Minister Rev. Fr. Ricardo Valencia kasunod ng mga naganap na lindol sa iba’t-ibang bahagi ng mundong ngayong araw.
Ayon kay Fr. Valencia, napakahalaga na magkaroon ng sapat na kahandaan ang bawat isa lalo na sa mga banta ng kalamidad gaya ng paglindol.
Hinimok ni Fr. Valencia ang publiko na makibahagi sa mga preparedness measure na ginagawa ng pamahalaan at ng Simbahan habang ipinagdarasal ang kaligtasan ng lahat lalo na ng mga naapektuhan ng kalamidad.
Tiniyak ng pari na palaging bukas ang pakikipagtulungan ng Simbahan sa pamalahaan para bigyan ng kahandaan at kaalaman ang mamamayan.
“Ang Simbahan at ang Pamahalaan ay palaging bukas sa pagtutulungan lalo na at pareho itong nangangailangan ng tulong sa bawat isa sa panahon ng mga kalamidad” giit ni Fr. Valencia sa panayam ng Radio Veritas.
Kaninang umaga niyanig ng magnitude 7.4 na lindol ang coastal area ng Fukushima Japan kung saan agad na itinaas ang tsunami warning at paglikas ng libo-libong residente.
Sa pinakahuling update ng mga otoridad sa Japan, inalis na ang Tsunami warning ngunit patuloy pa rin binabantayan ang mga posibleng aftershock o ano mang pinsala sa nuclear power plant na nasa lugar.
Taong 2011 niyanig din ng lindol at nakaranas ng tsunami ang Fukushima Prefecture kung saan umabot sa 18,000 ang nasawi.
Kaugnay nito ay naramdaman din ang magnitude 5.6 na paglindol sa New Zealand bagamat wala naman naiulat na nasawi o malawak na pinsala.
Sinasabing ang Pilipinas tulad ng bansang Japan ay napapaloob sa tinatawag na “Pacific ring of Fire” kung saan madalas na nararanasan ang mga paglindol.