341 total views
Kapanalig, kapag lumalabas ka ba ng iyong tahanan, hindi ka ba nag-aalala para sa kapakanan ng ating mga seniors? Suriin mo ang ating mga lansangan, ang ating mga imprastraktura, maski ang public transportation – lahat ng iyan ay hindi senior-friendly diba? Lahat ng iyan ay mga balakid na sa malayang pag-galaw ng ating mga senior citizens sa lipunan.
Totoo nga ang sinasabi ng marami- ang ating mga siyudad ay mga urban jungles na. Kada araw, nakikipagpaligsahan tayo sa lansangan para lamang makarating sa paaralan o trabaho, o kung saan man ang lakad mo. Pag tatawid ka, nakaligtas ka man sa jeep o ano mang oto, may motor naman na biglang hahagip sa iyo. Matira matibay sa kalye, at pihado, pag senior ka, mahihirapan ka. Kailangang mong sumampa sa jeep na umaandar agad kahit hindi ka pa nakaka-upo, kailangang mong umakyat sa pasirko-sirko, paliko-liko, napakataas, at napakahabang hagdan o walkways para makapila sa tren. Kahit di ka pa senior, hingal na hingal ka na, wala pa sa kalahati ang kailangang mong tahakin. Paano pa kaya kung elderly?
Hindi natin maaaring sabihin sa kanila na manatili na lang sila bahay at i-enjoy na lamang ang pension. Maraming mga elders ang pumipiling magtrabaho pa rin dahil maliit ang pension dito sa ating bansa para sa maraming seniors, at masakit man aminin, marami pa ring seniors ang walang pension. Tinatayang nasa 55% ng ating mga seniors may edad 60 pataas ay walang pension. Marami ring seniors, kaunti lamang o walang naipundar na assets, kaya’t tuloy pa rin ang trabaho nila.
Kapanalig, nakatatak na sa ating mga puso ang pag-aalaga sa ating seniors. Pero bakit ang tradisyon na ito ay hindi na natin makita ng kongkreto sa ating lipunan? Nakasaad nga sa ating Konstitusyon na “The family has the duty to care for its elderly members but the State may also do so through programs of social security.” Pero bakit parang napapabayaan na natin ang ating mga magulang, mga lolo, at lola?
Kapanalig, mali na ang disenyo ng ating lipunan, lalo na sa mga urban areas. Hindi na ito makatao o makatarungan lalo sa mga bulnerableng sektor gaya ng elderly. Kailangan nating mabago ang “trajectory” ng ating hinaharap – kailangan nating gawing maayos, accessible, at inklusibo ang ating lipunan.
Sabi ni Pope Francis sa kanyang General Audience noong Abril 2022: Dapat nating bigyang dangal o i-honor ang ating mga seniors. Selyado ito ng kautusan ng Panginoon na Honor your mother and father… Kailangan natin isulong ang pagmamahal sa mga seniors sa ating lipunan. Sabi niya, “To promote this love, we should offer better social and cultural support.”
Sumainyo ang Katotohanan.