308 total views
Naninindigan ang isang Obispo na sumisira sa prinsipyo ng “stewardship” ang dumaraming political dynasty sa Pilipinas.
Ipinaliwanag ni Cubao Bishop Honesto Ongtioco sa Veritas Servant Leadership Halalan Forum 2016 na ang tunay na diwa ng “stewardship” ay marunong kang makinig at tumugon sa pangangailangan ng mga mahihirap at hindi inuuna ang interes ng sariling pamilya.
Iginiit ni Bishop Ongtioco na dahil sa laganap na political dynasty sa bansa ay hindi nabibigyan ng pagkakataon at karapatan ang iba na pamunuan ang sambayanang Pilipino.
Inihayag ng Obispo na insulto sa isang Pilipinong may kakayahang mamuno ang kawalan ng pagkakataon dahil sa paghahari ng mga political clan sa kapangyarihan sa pamahalaan.
“Ako nakita ko na insulto sa mga Filipino na ang ability to lead, mamuno ng maayos ay sa isang pamilya o clan lamang. Andami naman na quliafied din na mabigyan ng pagkakataon, kapag sinusolo that’s limits na ng karapatan ng iba. Ang principle ng stewardship, you know how to listen and to attend to the poor. Kapag sinosolo mo ay pinapatay mo ang kanilang karapatan at pagkakataon”paglilinaw ni Bishop Ongtioco.
Kasabay nito, hinamon ni Bishop Ongtioco ang mamamayang Pilipino na ipagpatuloy ang paghahanap at paghihikayat sa mga kandidatong may higit na kakayahang mamuno sa bansa na hindi nagmumula sa mga pamilyang nasa posisyon o poder sa gobyerno.
“That’s why the church to form and educate the people na hindi tayo mawawalan ng pagasa o isa sa ibinigay ng Simbahan ay hope. Sa lahat ng sitwasyon, nasa panahon tayo ng pagkabuhay ni Hesus, kahit lumalaganap ang kasamaan pero mananalo pa rin ang kabutihan ng diyos.”pahayag ni Bishop Ongtioco
Nabatid sa record ng House of the Representatives na 29-taon ng nakapending at paulit-ulit na ipina-file ang House Bill 3587 o “The Act prohibiting the Establishment of Political Dynasties.
Sa kabuuhang 294 na miyembro ng Mababang Kapulungan ng Kongreso, 70-porsiyento ng mga mambabatas ay kabilang sa political dynasty.