36,437 total views
Hinikayat ni Kaniyang Kabanalan Pope Leo XIV ang lahat ng mananampalataya na makita at makilala si Hesus sa mukha ng mga mahihirap at mga nagdurusa.
“On the wounded faces of the poor, we see the suffering of the innocent and, therefore, the suffering of Christ Himself” (9),” ayon pa sa dokumento.
Ito ang pangunahing mensahe ng kauna-unahang apostolic exhortation ng Santo Papa na pinamagatang “Dilexi Te” o “I Have Loved You.” Ang dokumentong ito ay hango sa apostolic exhortation ni Pope Francis na “Dilexit Nos,” na nagbigay-diin naman sa mas malalim na debosyon sa Kabanal-banalang Puso ni Hesus.
Ayon kay Pope Leo XIV, ang pag-ibig ng Diyos ay hindi maihihiwalay sa pag-ibig sa kapwa, lalo na sa mga maralita, sapagkat ang Panginoon ay nangungusap sa atin sa pamamagitan ng kanilang paghihirap.
Binigyang-diin ng Santo Papa na ang mga mahihirap ay hindi lamang mga tumatanggap ng awa kundi mga “tagapagdala ng Ebanghelyo,” dahil sa kanilang halimbawa ng pagtitiwala at pag-asa sa Diyos kahit sa gitna ng kahinaan.
Dagdag pa ng pinunung pastol, ang mga maralita ay maituturing ding tahimik na guro sapagkat kanilang naipapakita ang tunay na kahulugan ng kababaang-loob at pananampalataya.
Itinampok din ni Pope Leo XIV sa kanyang dokumento ang mga matatanda, na aniya’y paalala sa lahat ng ating kahinaan at limitasyon bilang tao, at paanyaya sa mas malalim na pag-unawa at pagkalinga.
Ipinaliwanag ng Santo Papa na ang “Dilexi Te” ay nakaugat sa turo ng Simbahan tungkol sa mga mahihirap — mula pa sa lumang at bagong tipan hanggang sa pamumuhay ng mga unang Kristiyanong pamayanan.
“The dignity of every human person must be respected today, not tomorrow” (92).”
Binigyang-diin ni Pope Leo XIV na ang bawat hakbang ng pagbabago sa loob ng Simbahan ay dapat isagawa para sa kapakanan ng mga mahihirap, sapagkat sila ang buhay na tanda ng pagmamahal ni Kristo sa mundo.
Via Marian Navales- Pulgo and Kenneth Corbilla




