Biyernes, Agosto 22 2025

SHARE THE TRUTH

 203 total views

Biyernes ng Ika-20 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)

Ruth 1, 1. 3-6. 14b-16. 22
Salmo 145, 5-6. 7. 8-9a. 9bk-10

Kalul’wa ko, ‘yong purihin
ang Panginoong butihin.

Mateo 22, 34-40

Friday of the Twentieth Week in Ordinary Time (Green)

UNANG PAGBASA
Ruth 1, 1. 3-6. 14b-16. 22

Ang simula ng aklat ni Ruth

Nang ang Israel ay pinamumunuan ng mga hukom, nagkaroon ng taggutom sa buong bayan. Kaya’t may isang lalaking taga-Betlehem, Juda na sandali munang nanirahan sa Moab, kasama ang kanyang asawa’t dalawang anak na lalaki. Namatay si Elimelec at naiwan si Noemi. Ang dalawa nilang anak ay nakapangasawa ng mga Moabito, sina Orpa at Ruth. Pagkalipas ng mga sampung taon, namatay naman sina Mahalon at Quelion, kaya’t si Noemi ay naiwang ulila sa asawa’t mga anak.

Nabalitaan ni Noemi na ang kanyang bayan ay pinagkalooban ng Diyos ng mabuting ani kaya’t humanda sila ng kanyang mga manugang ng umalis sa Moab.

Hinagkan ni Orpa ang kanyang biyenan, at tuluyang bumalik sa kanyang bayan. Ngunit nagpaiwan si Ruth.

Sinabi ni Noemi kay Ruth: “Ang bilas mo’y nagbalik na sa kanyang bayan at sa kanyang mga diyos. Umuwi ka na rin.” Tumugon si Ruth: “Huwag na ninyong hilinging iwan ko kayo. Hayaan na ninyo akong sumama sa inyo. Saanman kayo pumaroon, doon ako paroroon. Kung saan kayo tumira doon din ako titira. Ang inyong bayan ang magiging aking bayan. Ang inyong Diyos ang aking magiging Diyos.”

Iyan ang nangyari kaya mula sa Moab ay nagbalik si Noemi, kasama si Ruth, ang manugang niyang Moabita. Nang dumating sila sa Betlehem ay sinisimulan nang anihin ang sebada.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 145, 5-6. 7. 8-9a. 9bk-10

Kalul’wa ko, ‘yong purihin
ang Panginoong butihin.

o kaya: Aleluya.

Mapalad ang tao, na ang kanyang Diyos
na laging katulong ay ang Diyos ni Jacob;
sa Diyos na Panginoon, umaasang lubos.
Sa Diyos na lumikha niyong kalangitan,
ng lupa at dagat, at lahat ng bagay.

Kalul’wa ko, ‘yong purihin
ang Panginoong butihin.

Ang maaasahang lagi’y Panginoon,
panig sa naaapi, ang Diyos na hukom,
may pagkaing handa, sa nangagugutom.

Kalul’wa ko, ‘yong purihin
ang Panginoong butihin.

Pinalaya niya ang mga nabihag;
isinasauli, paningin ng bulag;
lahat ng inapi ay itinataas,
ang mga hinirang niya’y nililingap.

Kalul’wa ko, ‘yong purihin
ang Panginoong butihin.

Isinasanggalang ang mga dayuhang
sa lupain nila’y doon tumatahan;
tumutulong siya sa balo’t ulila,
masamang balangkas pinipigil niya.
Walang hanggang Hari, ang Diyos na Poon!
Nabubuhay lagi ang Diyos mo, Sion!

Kalul’wa ko, ‘yong purihin
ang Panginoong butihin.

ALELUYA
Salmo 24, 4b. 5a

Aleluya! Aleluya!
Panginoon, ituro mo
na ‘yong landas ay sundin ko
sa pagtahak sa totoo.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Mateo 22, 34-40

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, nagtipun-tipon ang mga Pariseo nang mabalitaan nilang napatahimik ni Hesus ang mga Saduseo. At isa sa kanila, isang dalubhasa sa Kautusan, ang nagtanong kay Hesus upang subukin ito: “Guro, alin po ang pinakamahalagang utos sa Kautusan?” Sumagot si Hesus, “Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, at nang buong pag-iisip. Ito ang pinakamahalagang utos. Ito naman ang pangalawa: “Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili. Sa dalawang utos na ito nakasalalay ang buong Kautusan ni Moises at ang turo ng mga propeta.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN
Ika-20 Linggo sa Karaniwang Panahon
Biyernes

Ihayag natin ang ating pag-ibig sa Panginoong Diyos nang buong puso, kaluluwa, isip, at lakas. Ihayag natin ang ating mga panalangin nang may pag-ibig sa ating kapwa tulad ng ating paggalang at pagpipitagan sa ating mga sarili.

Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, umunlad nawa kami sa iyong pag-ibig.

Ang Simbahan, sa pamamagitan ng kanyang mga pinuno, nawa’y umakay ng mga sumasampalataya sa mas malalim na kaalaman at pag-ibig ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga namumuno sa atin nawa’y gawing gabay ang pagsunod sa batas ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang ating mga tahanan nawa’y maging mga lugar ng presensya ng Diyos kung saan ang bawat isa ay natuturuang kumalinga at gumalang sa bawat isa bilang anak ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.

Sa pamamagitan ng banayad na haplos ng Espiritu, tayo nawa’y magkaroon ng matinding habag sa mga maysakit at sa mga matatanda, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang ating mga mahal na yumao nawa’y dalhin ni Kristo sa kanyang walang hanggang Kaharian, manalangin tayo sa Panginoon.

Panginoong Diyos, ibinunyag mo sa amin ang iyong kalooban sa pamamagitan ng iyong mga utos. Ngayong aming dinadala sa iyo ang aming mga kahilingan, bigyan mo kami ng biyaya na maisabuhay ang iyong mga utos. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.


Paggunita sa Pagka-reyna ng Mahal na Birheng Maria

Isaias 9, 1-6
Salmo 112, 1-2. 3-4. 5-6. 7-8

Ngalan ng D’yos ay idangal
ngayon at magpakailanman.

Lucas 1, 26-38

Memorial of The Queenship of the Blessed Virgin Mary (White)

UNANG PAGBASA
Isaias 9, 1-6

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias

Nakatanaw ng isang malaking liwanag
ang bayang malaon nang nasa kadiliman,
namanaag na ang liwanag
sa mga taong namumuhay sa lupaing balot ng dilim.
Iyong pinasigla ang kanilang pagdiriwang,
dinagdagan mo ang kanilang tuwa.
Tulad ng mga tao sa panahon ng anihan,
tulad ng mga taong naghahati ng nasamsam na kayamanan.
Nilupig mo ang bansang umalipin sa iyong bayan
tulad ng pagkalupig sa hukbo ng Madian.
Binali mo ang panghambalos ng mga tagapagpahirap sa kanila.
Sapagkat ang panyapak ng mga mandirigma,
ang lahat ng kasuotang tigmak sa dugo ay susunugin.
Sapagkat ipinanganak para sa atin ang isang sanggol na lalaki
at siya ang mamamahala sa atin.
Siya ang Kahanga-hangang Tagapayo, ang Makapangyarihang Diyos,
Walang hanggang Ama, ang Prinsipe ng Kapayapaan.
Malawak na kapangyarihan at walang hanggang kapayapaan
ang ipagkakaloob sa trono ni David at sa kanyang paghahari
upang matatag ito at papanatilihin sa katarungan at katwiran ngayon at magpakailanman.
Isasagawa ito ng Makapangyarihang Panginoon.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 112, 1-2. 3-4. 5-6. 7-8

Ngalan ng D’yos ay idangal
ngayon at magpakailanman.

o kaya: Aleluya.

Dapat na magpuri ang mga alipin,
ang ngalan ng Poon ay dapat purihin.
Ang kanyang pangalan ay papupurihan,
magmula ngayo’t magpakailanman.

Ngalan ng D’yos ay idangal
ngayon at magpakailanman.

Buhat sa silangan, hanggang sa kanluran,
ang ngalan ng Poon, pupurihing tunay.
Siya’y naghahari sa lahat ng bansa,
lampas pa sa langit ang pagkadakila.

Ngalan ng D’yos ay idangal
ngayon at magpakailanman.

Walang makatulad ang Panginoong Diyos,
na sa kalangitan doon naluluklok;
buhat sa itaas siya’y tumutunghay,
ang lupa at langit kanyang minamasdan.

Ngalan ng D’yos ay idangal
ngayon at magpakailanman.

Mula sa alabok ang mga mahirap,
sa pagkalugami ay itinataas.
Sa mga prinsipe ay isinasama,
nagiging prinsipe ang mga lingkod n’ya.

Ngalan ng D’yos ay idangal
ngayon at magpakailanman.

ALELUYA
Lucas 1, 28

Aleluya! Aleluya!
Aba, Ginoong Maria,
napupuno ka ng grasya,
D’yos ay kapiling mo t’wina.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 1, 26-38

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Nang ikaanim na buwan na ng pagdadalantao ni Elisabet, ang anghel Gabriel ay sinugo ng Diyos sa Nazaret, Galilea, sa isang dalaga na ang pangala’y Maria. Siya’y nakatakdang ikasal kay Jose, isang lalaki buhat sa lipi ni Haring David. Paglapit ng anghel sa kinaroroonan ng dalaga, binati niya ito. “Matuwa ka! Ikaw ay kalugod-lugod sa Diyos,” wika niya. “Sumasaiyo ang Panginoon.” Nagulumihanan si Maria sa gayong pangungusap, at inisip niyang mabuti kung ano ang kahulugan niyon. Kaya’t sinabi sa kanya ng anghel, “Huwag kang matakot, Maria, sapagkat kinalulugdan ka ng Diyos. Makinig ka! Ikaw ay maglilihi at manganganak ng isang lalaki, at siya’y tatawagin mong Hesus. Magiging dakila siya, at tatawaging Anak ng Kataas-taasan. Ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang amang si David. Maghahari siya sa angkan ni Jacob magpakailanman, at ang kanyang paghahari ay walang hanggan.”

“Paanong mangyayari ito, gayong ako’y dalaga?” tanong ni Maria. Sumagot ang anghel, “Bababa sa iyo ang Espiritu Santo, at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan. Kaya’t banal ang ipanganganak mo at tatawaging Anak ng Diyos. Natatandaan mo ang iyong kamag-anak na si Elisabet? Alam ng lahat na siya’y baog, ngunit naglihi siya sa kabila ng kanyang katandaan. At ngayo’y ikaanim na buwan na ng kanyang pagdadalantao – sapagkat walang hindi mapangyayari ang Diyos.”

Sumagot si Maria, “Ako’y alipin ng Panginoon. Mangyari sa akin ang iyong sinabi.” At nilisan siya ng anghel.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN
Agosto 22
Pagkareyna ng Mahal na Birheng Maria

Manalangin tayo sa Diyos na ating Ama na gumawa ng mga dakilang bagay kay Maria at naghatid sa kanya sa maluwalhating trono sa Langit. Ipaalam natin sa kanya ang ating mga pangangailangan sa tulong ni Maria.

Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Sa tulong ng aming Inang Maria, pakinggan mo ang aming mga panalangin, Panginoon.

Tulad ni Maria nawa’y magpatotoo ang Simbahan sa mapagligtas na pag-ibig ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga pamahalaan nawa’y makinig sa tinig ng Diyos sa Simbahan na nananawagang sugpuin ang hindi pantay-pantay na paglago ng pangkabuhayan na siyang namamayani sa pagitan ng mga tao at mga bansa, manalangin tayo sa Pangnioon.

Tulad ni Maria, nawa’y maging matatag tayo sa pananalangin at sa pagnanais na matupad ang plano ng Diyos para sa ating kaligtasan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga dukha at maysakit nawa’y makatanggap mula sa Bayan ng Diyos ng tulong at pagtataguyod na kailangan nila, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga namatay kasama ni Kristo nawa’y muling buhaying kasama niya sa isang bago at ganap na buhay, manalangin tayo sa Panginoon.

Ama ng kaluwalhatian at kapangyarihan, sa pamamagitan ng aming reyna, ang Pinagpalang Birheng Maria, ipagkaloob mo ang mga kahilingang idinudulog namin sa iyo sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.

Veritas Editorial

Picture of Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Isa pang state of emergency

 69,142 total views

 69,142 total views Mga Kapanalig, nagdeklara na si Pangulong Bongbong Marcos ng state of national energy emergency sa gitna ng krisis sa langis matapos ang ilang

Read More »

Krisis sa bukid at laot

 69,142 total views

 69,142 total views Mga Kapanalig, sa gitna ng pagdaigdigang krisis sa langis, hindi sumasabay ang lawak ng tulong mula sa gobyerno sa laki ng pangangailangan ng

Read More »

Ano tayo pagkatapos ng krisis?

 69,142 total views

 69,142 total views Mga Kapanalig, “kinamatayan na lang ang ayuda.” Ganito inumpisahan ang balita tungkol kay Tatay Jimmy na tatlong dekada nang namamasada ng tricycle sa

Read More »

Ang kalikasan ay may karapatan

 67,009 total views

 67,009 total views Mga Kapanalig, paano kung ang pagkalbo ng kagubatan, pagbuga ng polusyon, at pagsira sa dagat ay hindi na lang simpleng paglabag sa batas

Read More »

Patibong ng kasamaan

 61,241 total views

 61,241 total views Mga Kapanalig, hindi laging lantad ang kasamaan. Minsan nag-aanyo itong mabuti, maamo, at inosente. Ayon sa 2 Corinto 11:14, “…si Satanas man ay

Read More »

Watch Live

RELATED TOPICS

Sabado, Marso 7, 2026

 3,918 total views

 3,918 total views Sabado sa Ika-2 Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda Mikas 7, 14-15. 18-20 Salmo 102, 1-2. 3-4. 9-10. 11-12 Ang ating mahabaging D’yos

Read More »

Biyernes, Marso 6, 2026

 3,918 total views

 3,918 total views Biyernes sa Ika-2 Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda Genesis 37, 3-4. 12-13a. 17b-28 Salmo 104, 16-17. 18-19. 20-21 Gunitain nang malugod ang

Read More »

Huwebes, Marso 5, 2026

 3,918 total views

 3,918 total views Huwebes sa Ika-2 Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda Jeremias 17, 5-10 Salmo 1, 1-2. 3. 4 at 6 Mapalad ang umaasa sa

Read More »

Miyerkules, Marso 4, 2026

 1,784 total views

 1,784 total views Miyerkules sa Ika-2 Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda Jeremias 18, 18-20 Salmo 30, 5-6. 14. 15-16 Pag-ibig mo’y walang maliw kaya’t ako’y

Read More »

Martes, Marso 3, 2026

 1,784 total views

 1,784 total views Martes sa Ika-2 Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda Isaias 1, 10. 16-20 Salmo 49, 8-9. 16bk-17. 21 at 23 Ang masunurin sa

Read More »

SUPPORT OUR MISSION

BECOME A KAPANALIG MEMBER AND EUCHARISTIC ADVOCATE!

CATHOLINK

THE PHILIPPINES CATHOLIC CHURCH ONLINE DIRECTORIES

Scroll to Top