1,353 total views
Biyernes ng Ika-33 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
o kaya Paggunita sa Pagtatalaga sa mga Palasyong Simbahan nina Apostol San Pedro at San Pablo sa Roma
Pahayag 10, 8-11
Salmo 118, 14. 24. 72. 103. 111. 131
O kay tamis na namnamin
ang utos mong bigay sa ‘min.
Lucas 19, 45-48
Friday of the Thirty-third Week in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
Pahayag 10, 8-11
Pagbasa mula sa aklat ng Pahayag
Ako’y si Juan, nangusap sa akin ang tinig na narinig kong nagsasalita mula sa langit, “Lumapit ka sa anghel na nakatuntong sa dagat at sa lupa at kunin mo ang hawak niyang kasulatang nakabukas.” Nilapitan ko ang anghel at hiningi ang kasulatan. Ang wika niya sa akin, “Kunin mo’t kanin ito; mapait iyan sa sikmura ngunit sa bibig mo’y sintamis ng pulot-pukyutan.” Inabot ko at kinain ang maliit na kasulatan. Matamis ngang tulad ng pulot-pukyutan, ngunit nang malunok ko na’y pumait ang aking sikmura.
At sinabi niya sa akin, “Kailangang ipahayag mong muli ang mga hula tungkol sa iba’t ibang mga tao, bansa, wika, ay mga hari.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 118, 14. 24. 72. 103. 111. 131
O kay tamis na namnamin
ang utos mong bigay sa ‘min.
Nagagalak na susundin yaong iyong kautusan,
higit pa sa pagkagalak na dulat na kayamanan.
O kay tamis na namnamin
ang utos mong bigay sa ‘min.
Ang buo mong kautusan sa akin ay umaaliw,
siyang gurong nagpapayo sa lahat kong suliranin.
O kay tamis na namnamin
ang utos mong bigay sa ‘min.
Higit pa sa ginto’t pilak nitong buong sanlibutan,
ang mabuting idudulot ng bigay mong kautusan.
O kay tamis na namnamin
ang utos mong bigay sa ‘min.
O kay tamis na namnamin ang utos mong ibinigay,
matamis pa kaysa pulot yaong lasang tinataglay.
O kay tamis na namnamin
ang utos mong bigay sa ‘min.
Halos humihingal ako dahilan sa kasabikan,
na matamo yaong aking minimithing kautusan.
O kay tamis na namnamin
ang utos mong bigay sa ‘min.
ALELUYA
Juan 10, 27
Aleluya! Aleluya!
Ang tinig ko’y pakikinggan
ng kabilang sa ‘king kawan.
ako’y kanilang susundan
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 19, 45-48
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, pumasok si Hesus sa templo at kanyang ipinagtabuyan ang mga nagtitinda. Sinabi niya sa mga ito, “Nasusulat: ‘Ang aking bahay ay tatawaging bahay-dalanginan.’ Ngunit ginawa ninyong ‘pugad ng mga magnanakaw.’”
Araw-araw, si Hesus ay nagtuturo sa loob ng templo. Pinagsikapan ng mga punong saserdote, ng mga eskriba, at ng mga pangunahin ng bayan ng siya’y ipapatay. Subalit wala silang makitang paraan upang maisagawa ito, sapagkat taimtim na nakikinig sa kanya ang buong bayan.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-33 Linggo sa Karaniwang Panahon
Biyernes
Sapat ang utos ng Panginoon, subalit nag-uumapaw ang kanyang awa. Manalanagin tayo sa Ama nang buong pananalig sa kanyang karunungan.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama, panatilihin mo kami sa iyong pamamaraan.
Ang Simbahang Katolika nawa’y akayin ang kanyang mga miyembro sa daan ng katwiran at higit silang ilapit sa pag-ibig ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Tayo nawa’y matutong tumalikod sa kasalanan nang buong puso, habang nananatiling masunurin sa batas ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga hindi pa sumasampalataya nawa’y makinig sa Salita ng Diyos at maakay sila sa kaligtasang walang hanggan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit, matatanda, nalulumbay at lahat ng nagdurusa nawa’y huwag nating kaligtaang lingapin, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga tapat na yumao nawa’y lumigaya sa buhay na walang hanggan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming nasa Langit, sinusuri mo ang puso ng bawat isa at alam mo ang mga nilalaman nito. Palakasin mo ang aming puso upang sumamba kami nang tunay at buong pusong makapaglingkod sa kapwa ang aming mga kamay sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.