Huwebes, Agosto 6, 2026

SHARE THE TRUTH

 318 total views

Kapistahan ng Pagliliwanag sa Bagong Anyo ng Panginoon (A)

Daniel 7, 9-10. 13-14
Salmo 96, 1-2. 5-6. 9

Panginoo’y maghahari,
lakas n’ya’y mananatili.

2 Pedro 1, 16-19
Mateo 17, 1-9

Feast of the Transfiguration of the Lord (White)

UNANG PAGBASA
Daniel 7, 9-10. 13-14

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Daniel

Habang ako’y nakatingin, may naglagay ng mga trono. Naupo sa isa sa mga ito ang isang nabubuhay magpakailanman. Kumikinang sa kaputian ang kanyang kasuotan at parang lantay na lana ang kanyang buhok. Ang trono niya’y nagniningning. Ang mga gulong nito ay apoy na nagliliyab. Waring agos ng tubig ang apoy na bumubuga mula sa trono. Ang naglilingkod sa kanya’y isang milyon bukod pa sa milyon-milyong nakaantabay. Humanda na siya sa paggagawad ng hatol at binuksan ang aklat. Patuloy ang aking pangitain. Ang nakita ko naman ay isang tila taong nakasakay sa ulap. Bumaba ito at lumapit sa nabubuhay magpakailanman. Binigyan siya ng kapamahalaan, ng karangalan at ng kaharian. Siya ay paglilingkuran ng lahat ng tao, bansa at wika. Ang pamamahala niya ay di matatapos, at di babawiin, at hindi mawawasak ang kanyang kaharian.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 96, 1-2. 5-6. 9

Panginoo’y maghahari,
lakas n’ya’y mananatili.

Ang Poon ay maghahari, magalak ang kalupaan!
Lahat kayong mga pulo ay magsaya at magdiwang!
Ang paligid niya’y ulap na lipos ng kadiliman,
kaharian niya’y tapat at salig sa katarungan.

Panginoo’y maghahari,
lakas n’ya’y mananatili.

Yaong mga kabunduka’y natutunaw, parang pagkit,
sa harapan ng dakilang Panginoon ng daigdig.
Sa langit ay nahahayag yaong kanyang katuwiran,
sa lupa ay makikita ang kanyang kadakilaan.

Panginoo’y maghahari,
lakas n’ya’y mananatili.

Ikaw, Poon, ay Dakila at hari ng buong lupa,
dakila ka sa alinmang mga diyos na ginawa.

Panginoo’y maghahari,
lakas n’ya’y mananatili.

IKALAWANG PAGBASA
2 Pedro 1, 16-19

Pagbasa mula sa ikalawang sulat ni Apostol San Pedro

Mga pinakamamahal, ang ipinahayag namin sa inyo tungkol sa muling pagparito ng ating Panginoong Hesukristo, na puspos ng kapangyarihan, ay hindi sa mga alamat na katha lamang ng tao. Nasaksihan namin ang kanyang kadakilaan nang ipagkaloob sa kanya ng Diyos Ama ang karangalan at kapurihan. Ito’y nangyari nang marinig ang tinig mula sa Dakilang Kaluwalhatian ng langit. “Ito ang pinakamamahal kong Anak; siya ang lubos kong kinalulugdan.” Narinig namin ito sapagkat kami’y kasama niya sa banal na bundok.

Kaya naman lalong tumibay ang aming paniniwala sa ipinahayag ng mga propeta. Makabubuting ito’y pag-ukulan ninyo ng pansin, sapagkat ang nakakatulad nito ay isang ilaw sa karimlan na tumatanglaw sa inyo hanggang sa mamanaag ang Araw ng Panginoon at ang sinag ng tala ng umaga’y maglagos sa inyong puso.

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
Mateo 17, 5k

Aleluya! Aleluya!
Sabi ng D’yos ay pakinggan
ang Anak n’yang minamahal
na lubhang kinalulugdan.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Mateo 17, 1-9

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, isinama ni Hesus si Pedro, at ang magkapatid na Santiago at Juan, at sila’y umakyat sa isang mataas na bundok. Samantalang sila’y naroon, nakita nilang nagbagong-anyo si Hesus: nagliwanag na parang araw ang kanyang mukha, at pumuting parang busilak ang kanyang damit. Nakita na lamang at sukat ng tatlong alagad sina Moises at Elias na nakikipag-usap kay Hesus. Kaya’t sinabi ni Pedro kay Hesus, “Panginoon, mabuti pa’y dumito na tayo. Kung ibig ninyo, gagawa ako ng tatlong kubol: isa sa inyo, isa kay Moises at isa kay Elias.” Nagsasalita pa siya nang liliman sila ng isang maningning na ulap. At mula rito’y may tinig na nagsabi, “Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan. Pakinggan ninyo siya!” Ang mga alagad ay natakot nang gayun na lamang nang marinig nila ang tinig, at sila’y napasubasob. Ngunit nilapitan sila ni Hesus at hinipo. “Tumindig kayo,” sabi niya, “huwag kayong matakot.” At nang tumingin sila ay wala silang nakita kundi si Hesus.

At habang bumababa sila sa bundok, iniutos ni Hesus sa kanila, “Huwag ninyong sasabihin kaninuman ang pangitain hangga’t hindi muli nabubuhay ang Anak ng Tao.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN
Agosto 6
Pagbabagong-Anyo ng Panginoon

Sa pagbabagong-anyo, inihayag ng Ama ang kaluwalhatian ng kanyang Anak. Hindi natin nakikita ngayon ang kanyang kaluwalhatian, subalit sa ating paghihintay sa Kaharian, manalangin tayo sa Ama sa ngalan niya.

Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Loobin Mong sumikat sa amin
ang Iyong kapangyarihan at kaluwalhatian, Panginoon.

Sa pamamagitan ng Simbahan nawa’y magningning ang kaluwalhatian ni Kristo habang tapat tayong nakikinig sa kanya, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga bansa nawa’y maakay ng minamahal na Anak sa mga landas ng kapayapaan at katarungan, manalangin tayo sa Panginoon.

Tayo nawa’y lumago sa biyaya at sa gayo’y mamasdan ng iba ang “liwanag ni Kristo” sa ating buhay, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga taong nagdurusa nawa’y makita ang kanilang hinaharap sa nagbagong-anyong Manunubos, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga yumao nawa’y magkaroon ng bagong-anyo at makatulad ng niluwalhating Katawan ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.

Panginoong Diyos, nakamamanghang narito kami! Tanggapin mo ang mga panalangin ng pamayanang ito, natitipon upang marinig ang iyong mga salita at mag-alay ng sakripisyo ng iyong Anak, na nabubuhay at naghahari magpasawalang hanggan. Amen.

Kayo ang Magpakain

 2,597 total views

Hindi hadlang ang lungkot para tumigil sa pagmamahal. Minsan, kailangan lang nating lumayo sandali—hindi para tumakas, kundi para muling mapalapit sa Diyos. Sapagkat ang pusong pinapalakas ng panalangin ay nagiging kamay na handang magbahagi, kahit kaunti lamang ang hawak. At kapag inialay natin ang ating kakayanan kay Kristo, ang kakulangan ay nagiging kasapatan, at ang pag-ibig ay umaabot sa mas marami.

SINO?

 3,211 total views

Homiliya para sa Ika-18ng linggo ng Karaniwang Panahon, 2 Agosto 2026, Mateo 14:13-21

Ang kulturang Pinoy ang makapagpapaunawa sa atin sa eksenang inilalarawan sa atin ni San Mateo sa Ebanghelyo, ang eksena ng pagluluksa ni Jesus sa balitang patay na ang kaibigan niyang si Juan Bautista.

Alam natin kung gaano kalapit si Juan Bautista kay Hesus dahil magpinsan ang kanilang mga nanay at mismong si Mama Mary, ayon sa kuwento ni San Lukas, ang umalalay kay Elizabeth nang ipanganak nito si Juan Bautista.

Ayon kay San Lucas, taon-taon lumuluwas patungong Jerusalem ang pamilya ni Jesus, Maria at Jose, para makipamiyesta sila sa Jerusalem para sa Paskwa. Eh saan pa sila makikituloy doon sa Judea kundi sa bahay nina Elizabeth na pinsan ni Maria? Palagay ko taon-taon na nilu-look forward (kinasasabikan) ni Hesus ang muling pagkikita nilang magpinsan.

Marami na akong nakitang mga paintings sa mga simbahan na naglalarawan kina Juan at Jesus bilang magkalaro nang mga bata pa sila. Na lumaki silang magkaibigang matalik o mistulang magkapatid.
Kaya sa libro kong Yeshua talagang umandar ang malikit kong imahinasyon. Doon sa eksena ng pagkawala ni Hesus at pagkakatagpo sa kanya sa templo, may kutob akong kasama niya di Juan. Mukhang bata pa si Jesus nangungulit na siya na magpaiwan muna sa Jerusalem. Siguro mabigat ang loob niya tuwing matapos na ang bakasyon nila at magkakahiwalay sila ng kanyang kuya Juan. May kutob akong ibig din niyang mag-aral sa mga eskwelahan na pinapasukan ni Juan sa Jerusalem kaya minsan nagpaiwan. Malakas kasi ang dating sa puso ni Hesus ng salita ng Diyos. Dahilan kung bakit napalapit siya nang husto sa pinsan niyang si Juan—na imbes na maging saserdoteng tulad ng tatay niyang si Zakarias ay naging aktibistang propeta—na nakabangga ng mgq nasa otoridad tulad ni Herodes Antipas.

Kaya nga siya napadpad sa Capernaum. Hindi ko ikagugulat kung si Mama Mary mismo ang nagpayo sa kanya na lumayo muna at magpalamig nang lumabas ang balita tungkol sa pagkakaaresto ni Juan. Lalo na’t kilala siya bilang kasamahan ni Juan, at bininyagan pa nga siya nito sa ilog Jordan. At di ba’t si Juan din ang nagpakilala sa kanya bilang Kordero ng Diyos sa dalawang alagad niya?
Kaya napakasakit siguro ng huling palitan nila ng salita habang nakabilango si Juan Bautista at nagpasugo ito ng alagad. At ang tanong daw ay, “Ikaw na ba talaga ang hinintay naming dumating o hahanap kami ng iba?” In short, “Nagkamali ba kami?” May palagay akong nasaktan si Hesus sa tanong na yun na parang intriga dahil maugong ang tsismis na naging mabisyo si Jesus, nakikikain at nakikipag-inuman sa mga maniningil ng buwis at mga makasalanan.

Palagay ko hindi si Juan ang pinatatamaan ni Hesus noong isagot niya, “Sabihin niyo kay Juan Bautista ang totoong naririnig ninyo at nasasaksihan: nakakikita ang mga bulag, nakaririnig ang mga bingi, nakalalakad ang mga paralitiko, napagagaling ang mga ketongin, nabubuhay ang mga patay, at nakakarinig ang mga dukha ng mabuting balita.” Parinig yun ni Hesus hindi kay Juan Bautista kundi sa mga intrigerong mga alagad na sugo. Pero dahil sa mga biglaang pagkakabitay niya, hindi na sila nakapag-usap na muli.

Kaya nagdulot ng matinding pagkalungkot kay Hesus ang balita tungkol sa pagkamatay ng kanyang pinsan, ng kaibigan niyang si Juan Bautista. Binitay siya ni Haring Herodes. Pinapugutan ng ulo. Kaya kusang lumayo si Hesus upang makapag-isa, makapagdili-dili sa pagluluksa. Pero sinundan siya ng mga tao. Kaya sa bandang huli, hinarap na rin niya sila.

Parang Pinoy na Pinoy ang dating nito. Hindi ba sa mga burol sa patay dito sa atin sa Pilipinas, hindi ka naman pwedeng mag-isa lang o lumayo? Kasi maraming dadalaw na kamag-anak, kaibigan, katrabaho, kapitbahay. Makikiramay sila, makikipagkwentuhan. Uulit-ulitin na itatanong, “Ano’ng ikinamatay niya? Bakit?” Ang hirap, di ba? Hindi mo masabing, “Lubayan n’yo nga muna ako. Huwag n’yo muna akong kakausapin. Nagluluksa ako.” Hindi. Minsan nga tulad ng kaugalian sa mga burol, pakakainin mo pa ang mga nakikiramay. Katulad ng ginawa ni Hesus. Kung sinong nagluluksa, siya pa yung nagpahanda ng maipapakain.

Parang alingawngaw ito ng narinig natin sa unang pagbasa: “Halina’t kumain at uminom sa aking handa, wika daw ng Panginoon ayon sa propeta.” Ito ang consistent na mensahe ni Hesus. Ibig niyang iparanas ang kaharian ng Diyos sa pagsasalo, sa paghahati ng tinapay, sa paikipagkwentuhan. Ibang larawan ng Diyos ang pinakikilala niya. Hindi Diyos na hukom o berdugo na dapat katakutan, kundi pastol. Pastol na naghahanap kahit sa mga tupang ligaw. Nagpapakain pa rin kahit sa panahon ng pagluluksa.

Ewan kung bakit ang hilig natin kung minsan na gawing panakot ang Diyos. Ewan kung saan galing ang konsepto ng Diyos, na nanggagalaiti na magparusa sa mga makasalanan at magtatapon sa tao sa impyerno.

Narinig niyo ba ang ating ikalawang pagbasa? Kung paano tinanong ni San Pablo, “Sino’ng makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos?” Para na ring niyang tinanong, “Sino bang magtatapon sa atin sa impiyerno?” Ang haba ng listahan niya ng mga posibleng sagot na hinihindian niya bawat isa. Paghihirap ba, kapighatian, pag-uusig o gutom o tabak? Sabi niya kahit na kamatayan, “…walang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos dahil kay Kristo Hesus na ating Panginoon.” Kasi hindi naman misyon ng Diyos ang humatol o magparusa, kundi ang kumalinga, tumubos, magligtas, magpakain.

Pero totoo nga bang wala? Ako palagay ko, meron. Meron. Wala nga lang sa listahan ni San Pablo. Isa lang ang totoong pwedeng maghiwalay sa Diyos sa tao. Sino ‘yun? Ang tao mismo. Tayo mismo. Tayo lang ang pwedeng humiwalay sa pag-ibig ng Diyos— kung kusang-loob tayong lalayo sa kanya. At kung mahulog man tayo, bababa pa rin siya para sagipin tayo, tubusin at hanguin.
Kaya siguro inutusan ni ni Hesus ang mga alagad na pulutin pati ang mga pira-pirasong tira-tira mula sa limang tinapay at dalawang isda na nagpakain ng 5,000. Aanihin mo nga naman ang tinapay kung manatiling buo ito? Aamagin lang, di ba? Kaya nga tayo gumagawa ng tinapay para ito mabiyak, mapiraso, makain, maubos, hanggang wala nang matira kundi mumo. Siguro ‘yun ang dahilan kung bakit pinapulot niya ang mga mumo.

Mahal ng Diyos ang mga taong kumbaga sa tinapay ay hindi takot na mabiyak, mahati, mabahagi, mapakain, at magpabusog hanggang wala nang matira kundi mga tira-tira, piras-pirasong mumo. Mahal ng Diyos kahit ang mga mumo dahil patotoo sila sa kagandahang-loob na mag-alay ng sarili. Kaya pinupulot at iniuuwi. Maaari pa silang pagsaluhan at maging simula ng isang bagong himala sa kanyang kaharian.

Praying when caught in a storm

 3,913 total views

Lord My Chef Daily Recipe for Soul by Fr. Nicanor F. Lalog II
Monday in the Eighteenth Week of Ordinary Time, Year II, 03 August 2026
Jeremiah 28:1-7     ><]]]]'> + ><]]]]'> + ><]]]]'>     Matthew 14:22-36
Photo by author, Cabo de Roca, Pundaquit, San Antonio, Zambales, 15 May 2025.
It is always nice,
dear God our loving Father,
to hear encouraging words -
but not if they are false 
and misleading 
like the prophecy of Hananiah
in our first reading today;
forgive us, Lord,
for always seeking false
hopes in prophets of boom -
on demagogues like most of
our politicians and leaders
and sadly many of us people
and listeners are entertained
and believe their lies without
realizing that "in breaking
a wooden yoke, you forge 
an iron yoke!"
(Jeremiah 28:13)
Truth always hurts
but it is only in accepting
it that we grow and mature;
let us be bold like Jeremiah
in standing by your instructions,
Lord, no matter how unpopular
it may be, no matter how disturbing
and unsettling it may be;
when caught in a storm,
when winds blow so hard
that we lose directions in life
filled with fears
that we grasp for 
whatever that would
pull us through,
may we imitate Peter
in crying out to you, Jesus
with "Lord, save me!"; 
when life seems too harsh
and difficult, may we have the courage
to confront face to face 
life's painful realities 
always.
Amen.
Photo by autor, Anvaya Cove Resort, Morong, Bataan, 21 July 2026.

Veritas Editorial

Picture of Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Sino ang papasan ng system-loss?

 31,682 total views

 31,682 total views Mga Kapanalig, isa sa mga umani ng masigabong palakpakan sa State of the Nation Address (o SONA) ni Pangulong Bongbong Marcos Jr ay

Read More »

KULANG SA SONA NI PBBM

 183,737 total views

 183,737 total views Kapanalig, sa anumang hakbang., planong gagawin., polisiyang ipapatupad.,mga pangakong binitiwan, o mga usapin na sadyang iniiwasan. Lagi itong may kulang. Hindi ibig sabihin,

Read More »

Para sa isang smartphone?

 208,646 total views

 208,646 total views Mga Kapanalig, sinong ayaw manalo ng pinakabago at pinakasikat na smartphone? Ganito inakit ng isang sikat na social media influencer ang mahigit 50

Read More »

Pax Silica

 247,942 total views

 247,942 total views Mga Kapanalig, hindi man natin namamalayan, nagiging parte naang artificial intelligence (o AI) ng ating pang-araw-araw na buhay. Pero anong uri ng kinabukasan

Read More »

Sino ang dapat hindi “one-sided”?

 272,715 total views

 272,715 total views Mga Kapanalig, sa pagtatapos ng pagdinig ng impeachment court sa Article 4 na may kaugnayan sa pagbabanta umano ni Vice President Sara Duterte

Read More »

Watch Live

RELATED TOPICS

Miyerkules, Agosto 5, 2026

 1,265 total views

 1,265 total views Miyerkules ng Ika-18 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) o kaya Paggunita sa Pagtatalaga sa Palasyong Simbahan ng Mahal na Birheng Maria sa Roma Jeremias

Read More »

Martes, Agosto 4, 2026

 1,265 total views

 1,265 total views Paggunita kay San Juan Maria Vianney, pari Jeremias 30, 1-2. 12-15. 18-22 Salmo 101, 16-18. 19-21. 29 at 22-23 Panginoo’y mahahayag kapag Sion

Read More »

Lunes, Agosto 3, 2026

 4,657 total views

 4,657 total views Lunes ng Ika-18 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) Jeremias 28, 1-17 Salmo 118, 29. 43. 79. 80. 95. 102 Poon, ituro mo sa

Read More »

Linggo, Agosto 2, 2026

 5,747 total views

 5,747 total views Ika-18 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) Isaias 55, 1-3 Salmo 144, 8-9. 15-16. 17-18 Pinakakain mong tunay kaming lahat, O Maykapal. Roma 8,

Read More »

Sabado, Agosto 1, 2026

 7,202 total views

 7,202 total views Paggunita kay San Alfonso Maria ng Ligouri, obispo at pantas ng Simbahan Jeremias 26, 11-16. 24 Salmo 69, 15-16. 30-31. 33-34 Poon, ako’y

Read More »

SUPPORT OUR MISSION

BECOME A KAPANALIG MEMBER AND EUCHARISTIC ADVOCATE!

CATHOLINK

THE PHILIPPINES CATHOLIC CHURCH ONLINE DIRECTORIES

Scroll to Top