3,370 total views
Huwebes ng Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
o kaya Paggunita kay San Apolinario, obispo at martir
Exodo 3, 13-20
Slamo 104, 1 at 5. 8-9. 24-25. 26-27
Nasa isip ng Maykapal
ang tipan niya kailanman.
Mateo 11, 28-30
Thursday of the Fifteenth Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of St. Apollinaris, Bishop and Martyr (Red)
UNANG PAGBASA
Exodo 3, 13-20
Pagbasa mula sa aklat ng Exodo
Noong mga araw na iyon, nang marinig ni Moises ang Panginoon mula sa gitna ng isang mababang punongkahoy, sinabi niya sa kanya, “Pupunta ako sa mga Israelita at sasabihin sa kanilang ako’y sinugo ng Diyos ng aming ninuno. Ngunit ano po ang sasabihin ko kung itanong nila kung sino ang nagsugo sa akin?”
Sinabi ng Diyos, “Ako’y si Ako Nga. Sabihin mong sinugo ka ni Ako Nga, Panginoon, ng Diyos ng inyong mga ninuno, ng Diyos nina Abraham, Isaac at Jacob. At ito ang pangalang itatawag nila sa akin magpakailanman. Lumakad ka na at tipunin mo ang mga lider ng Israel. Sabihin mo sa kanilang napakita ako sa iyo, akong Panginoon, ang Diyos ng inyong mga ninuno, nina Abraham, Isaac at Jacob. Sabihin mong ako’y bumaba at nakita ko ang ginagawa sa kanila ng mga Egipcio. Dahil dito, iaalis ko sila sa bansang iyon na nagpapahirap sa kanila. Dadalhin ko sila sa mayaman at masaganang lupain ng mga Cananeo, ng mga Heteo, ng mga Amorreo, ng mga Perezeo, ng mga Heveo at ng mga Jebuseo.”
“Pakikinggan ka nila. Pagkatapos, isama mo ang mga lider at pumunta kayo sa Faraon. Sabihin mong akong Panginoon, ang Diyos ng mga Hebreo, ay napakita sa iyo at kayo’y maglalakbay ng tatlong araw papunta s ailang, upang maghandog sa akin. Alam kong hindi siya papaya hangga’t hindi siya dinadaan sa dahas. Kaya, ipadadama ko sa kanila ang bigat ng aking kamay; parurusahan ko ang buong Egipto sa pamamagitan ng mga kababalaghan. Pagkaraan noon, papayagan na niya kayong umalis.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Slamo 104, 1 at 5. 8-9. 24-25. 26-27
Nasa isip ng Maykapal
ang tipan niya kailanman.
o kaya: Aleluya.
Dapat na ang Diyos, itong Panginoon, ay pasalamatan.
ang kanyang ginawa sa lahat ng bansa’y dapat ipaalam.
Ating gunitain ang kahanga-hanga niyang mga gawa,
ang kangyang paghatol, gayun din ang kanyang ginawang himala.
Nasa isip ng Maykapal
ang tipan niya kailanman.
Ang tipang pangako’y laging nasa isip niya kailanman,
ang mga pangakong kanyang binitiwan sa lahat ng angkan.
Ang tipan ng Diyos ay unang ginawa niya kay Abraham,
at may pangako ring ginawa kay Isaac na lingkod na mahal.
Nasa isip ng Maykapal
ang tipan niya kailanman.
Ginawa ng Poon ay kusang pinarami ang kanyang hinirang,
pinalakas ito, higit pa sa lakas ng mga kaaway.
Tinulutan niyang doon sa Egipto sila ay itakwil,
ipinabusabos at pinahirapan nang gawing alipin.
Nasa isip ng Maykapal
ang tipan niya kailanman.
Saka inutusan itong si Moises, sinugo ng Diyos,
sinugo rin niya pati si Aaron, ang piniling lingkod.
Sa bansang Egipto’y maraming himalang ginampanan sila,
sa utos ng Diyos, maraming himalang doon ay nakita.
Nasa isip ng Maykapal
ang tipan niya kailanman.
ALELUYA
Mateo 11, 28
Aleluya! Aleluya!
Kayong mabigat ang pasan
ay kay Hesus maglapitan
upang kayo’y masiyahan.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 11, 28-30
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus, “Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na napapagal at nabibigatan sa inyong pasanin, at kayo’y pagpapahingahin ko. Pasanin ninyo ang aking pamatok, at mag-aral kayo sa akin; ako’y maamo at mababang-loob, at makasusumpong kayo ng kapahingahan para sa inyong kaluluwa. Sapagkat maginhawang dalhin ang aking pamatok, at magaan ang pasaning ibibigay ko sa inyo.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon
Huwebes
Sinabi ni Hesus, “Lumapit sa akin, lahat kayong nahihirapan at may pinapasan, at pagiginhawahin ko kayo” (Mt 11:28). May pananalig sa kanyang pangako, ipahayag natin ang ating mga pangangailangan sa kanya.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Jesus, Ikaw ang aming kapayapaan.
Ang Simbahan nawa’y gabayan tayo sa daan ng kapayapaan at pakikipagkasundo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga natutukso sa kawalan ng pag-asa dahil sa bigat ng kanilang mga suliranin nawa’y makatagpo ng sandigan kay Jesus at mailagay sa kanyang mga kamay ang kanilang mga alalahanin at ligalig, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga nagdurusa sa maligalig na kaisipan nawa’y magkaroon ng kapayapaan kay Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga nahihirapan sa tindi ng sakit ng katawan at karamdaman nawa’y makatagpo ng kasiyahan at kagalingan sa mga kumakalinga at nag-aaruga sa kanila, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao nawa’y magbunyi sa walang hanggang kaligayahan sa Kaharian ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming nasa Langit, ipinangako ng iyong Anak ang kapahingahan kapag kami ay nabibigatan. Ipaubaya mo na tuwina kaming makatugon sa kanyang paggabay at mapalakas kami upang maging kanyang daan ng kapayapaan. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.