Veritas PH

The WORD. The TRUTH.

HUWEBES, HUNYO 29, 2023

SHARE THE TRUTH

 2,986 total views

Dakilang Kapistahan nina Apostol San Pedro at San Pablo
Pagmimisa sa Bisperas

Mga Gawa 3, 1-10
Salmo 18, 2-3. 4-5

Laganap na sa daigdig
ang kanilang mga tinig.

Galacia 1, 11-20
Juan 21, 15-19

Vigil of the Solemnity of Sts. Peter and Paul, Apostles (Red)

UNANG PAGBASA
Mga Gawa 3, 1-10

Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol

Noong mga araw na iyon, ikatlo ng hapon, oras ng pananalangin, nagpunta sina Pedro at Juan sa templo. Sa malapit sa tinatawag na Pintuang Maganda ay may isang lalaking ipinanganak na lumpo. Dinadala siya roon araw-araw upang magpalimos. Nang makita niya sina Pedro at Juan na papasok sa templo, siya’y nanghingi ng limos. Tinitigan siya ng dalawa, at sinabihan ni Pedro, “Tumingin ka sa amin!” Tumingin nga siya sa pag-asang siya’y lilimusan. Ngunit sinabi ni Pedro, “Wala akong pilak o ginto, subalit may iba akong ibibigay sa iyo: sa ngalan ni Hesukristong taga-Nazaret, lumakad ka.” Hinawakan niya sa kanang kamay ang lumpo at itinindig. Pagdaka’y lumakas ang mga paa at bukung-bukong ng lalaki; ito’y napalukso at nagsimulang lumakad. Paluksu-lukso siyang pumasok sa templo, kasama nila, at masayang nagpupuri sa Diyos. Nakita ng lahat na siya’y lumalakad at nagpupuri sa Diyos. Nanggilalas sila nang makilala nilang siya ang pulubing dati’y nakaupo sa Pintuang Maganda ng templo.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 18, 2-3. 4-5

Laganap na sa daigdig
ang kanilang mga tinig.

Ang langit ay naghahayag na ang Diyos ay dakila!
Malinaw na nagsasaad kung ano ang kanyang gawa!
Bawat araw, bawat gabi, ang ulat ay walang patlang,
patuloy na nag-uulat sa sunod na gabi’t araw.

Laganap na sa daigdig
ang kanilang mga tinig.

Walang tinig o salitang ginagamit kung sabagay,
at wala ring naririnig na kahit na anong ingay;
gayun pa man, sa daigdig ay laganap yaong tinig,
ang balita’y umaabot sa duluhan ng daigdig.

Laganap na sa daigdig
ang kanilang mga tinig.

IKALAWANG PAGBASA
Galacia 1, 11-20

Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Galacia

Ibig kong malaman ninyo, mga kapatid, na hindi katha ng tao ang Mabuting Balitang ipinangaral ko. Hindi ko ito tinaggap mula sa tao, ni itinuro sa akin ng tao. Si Hesukristo ang nagpahayag nito sa akin.

Hindi kaila sa inyo kung paano ako namuhay bilang masugid na kaanib sa Judaismo. Buong lupit kong inusig ang simbahan ng Diyos at sinikap na ito’y wasakin. Naging mas masugid ako sa relihiyong ito kaysa maraming Judiong kasinggulang ko, at malaki ang aking malasakit sa mga kaugalian ng aming mga ninuno.

Ngunit dahil sa kagandahang-loob ng Diyos, hinirang niya ako bago pa ipanganak, at tinawag upang maging lingkod niya. At nang ihayag niya sa akin ang kanyang Anak, upang ang Mabuting Balita tungkol sa kanya ay maipangaral ko sa mga Hentil, hindi ako sumasangguni kaninuman. Ni hindi ako nagpunta sa Jerusalem upang makipagkita sa mga apostol na una kaysa sa akin. Sa halip nagtungo ako sa Arabia at pagkatapos ay nagbalik sa Damasco. Nakaraan pa ang tatlong taon bago ako umakyat sa Jerusalem upang makipagkita kay Pedro, at labinlimang araw kaming nagkasama. Wala akong nakitang apostol liban kay Santiago na kapatid ng Panginoon.

Totoong lahat ang sinasabi ko sa sulat na ito. Alam ng Diyos na hindi ako nagsisinungaling.

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
Juan 21, 17d

Aleluya! Aleluya!
Poon, tana’y iyong batid,
sa iyo ay hindi lingid;
ika’y aking iniibig.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Juan 21, 15-19

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Nang muling napakita si Hesus sa mga alagad niya at nang makakain sila, tinanong ni Hesus si Simon Pedro, “Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako nang higit kaysa mga ito?” “Opo, Panginoon, nalalaman ninyong iniibig ko kayo,” tugon niya. Sinabi sa kanya ni Hesus, “Pakanin mo ang aking mga batang tupa.” Muli siyang tinanong ni Hesus, “Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako?” Sumagot si Pedro, “Opo, Panginoon, nalalaman niyong iniibig ko kayo.” Ani Hesus, “Pangalagaan mo ang aking mga tupa.” Pangatlong ulit na tinanong siya ni Hesus, “Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako?” Nalungkot si Pedro, sapagkat maikatlo siyang tinanong: “Iniibig mo ba ako?” At sumagot siya, “Panginoon, nalalaman po ninyo ang lahat ng bagay; nalalaman ninyong iniibig ko kayo.” Sinabi sa kanya ni Hesus, “Pakanin mo ang aking mga tupa. Tandaan mo: noong kabataan mo pa, ikaw ang nagbibihis sa iyong sarili at lumalakad ka kung saan mo ibig. Ngunit pagtanda mo, iuunat mo ang iyong mga kamay at iba ang magbibihis sa iyo at dadalhin ka kung saan hindi mo ibig.” Sinabi niya ito upang ipakilala kung paano mamamatay si Pedro at sa gayo’y mapararangalan niya ang Diyos. Pagkatapos, sinabi sa kanya ni Hesus, “Sumunod ka sa akin!”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN
San Pedro at San Pablo

Ilapit natin ang ating mga kahilingan sa Ama nang may pananampalatayang katulad ng kina San Pedro at San Pablo, ng pananampalatayang katulad ng sa mangingisda kung kanino itinatag ang Simbahan, at ng pananampalataya ng guro ng napakaraming bansa.

Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, maging bato ka nawa namin.

Ang Santo Papa Francisco, ang kahalili ni San Pedro, nawa’y hawakan ang mga susi ng Kaharian nang may karunungan at pag-ibig, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga misyonero sa mga lupaing banyaga nawa’y magkaroon ng sigasig ni San Pablo sa paghahatid ng Mabuting Balita, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang ating pananampalataya nawa’y mahalin natin at maging handang magbahagi nito sa iba, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga nagdurusa dahil sa kanilang pananampalataya nawa’y makatagpo ng lakas sa dugong ibinuhos ng mga Apostol, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga namayapang tapat sa Panginoon nawa’y gawing karapat-dapat sa korona ng kabanalan, manalangin tayo sa Panginoon.

Makapangyarihang Diyos at Ama, dinggin mo ang mga panalangin ng pamayanang ito na natitipon ayon sa pananampalataya ng mga Apostol at natutulungan ng kanilang pamamagitan. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.

 


Dakilang Kapistahan nina Apostol San Pedro at San Pablo

Mga Gawa 12, 1-11
Salmo 33, 2-3. 4-5. 6-7. 8-9

Ang D’yos ang siyang nagligtas
sa aking takot at sindak.

2 Timoteo 4, 6-8. 17-18
Mateo 16, 13-19

Solemnity of Saints Peter and Paul, Apostles (Red)

UNANG PAGBASA
Mga Gawa 12, 1-11

Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol

Noong mga araw na iyon, sinimulang usigin ni Haring Herodes ang ilang kaanib ng simbahan. Pinapugutan niya si Santiagong kapatid ni Juan. Nang makita niyang ito’y ikinalugod ng mga Judio, si Pedro naman ang kanyang ipinadakip. Nangyari ito noong Pista ng Tinapay na Walang Lebadura. Pagkadakip kay Pedro, ito’y ikinulong at pinabantayan sa apat na pangkat ng tig-aapat na kawal. Ang balak ni Herodes ay iharap siya sa bayan pagkatapos ng pista, kaya’y nanatiling nakabilanggo si Pedro. Samantala, siya’y taimtim na ipinananalangin ng simbahan.

Gabi noon. Si Pedro’y natutulog sa pagitan ng dalawang kawal. Gapos siya ng dalawang tanikala at may mga tanod pa sa harap ng pinto ng bilangguan. Siya’y nakatakdang iharap ni Herodes sa bayan kinabukasan. Walang anu-ano’y lumitaw ang isang anghel ng Panginoon, at nagliwanag na mabuti sa silid-piitan. Tinapik niya sa tagiliran si Pedro at ginising. “Bumangon ka, dali!” wika ng anghel. Pagdaka’y nakalag ang mga tanikala sa kanyang mga kamay. “Magbikis ka’t magsuot ng panyapak,” sabi ng anghel. Gayun nga ang kanyang ginawa. Sinabi pa sa kanya ng anghel, “Magbalabal ka’t sumunod sa akin.” Lumabas naman si Pedro at sumunod sa kanya, ngunit hindi niya alam kung tunay ang nangyayari. Ang akala niya’y nananaginip lamang siya. Nakalampas sila sa una at pangalawang bantay; nakarating sila sa pintuang bakal na labasan patungo sa lungsod. Ito’y kusang nabuksan, at lumabas sila. Pagkaraan nila sa isang kalye, biglang nawala ang anghel.

Naliwanagan ni Pedro ang nangyari kaya’t sinabi niya, “Ngayon ko natiyak na totoo palang lahat! Sinugo ng Panginoon ang kanyang anghel at iniligtas ako sa kamay ni Herodes at sa inaasahan ng mga Judio na mangyayari sa akin.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 33, 2-3. 4-5. 6-7. 8-

Ang D’yos ang siyang nagligtas
sa aking takot at sindak.

Panginoo’y aking laging pupurihin;
sa pasasalamat di ako titigil.
Aking pupurihin kanyang mga gawa,
kayong naaapi, makinig, matuwa!

Ang D’yos ang siyang nagligtas
sa aking takot at sindak.

Ang pagkadakila niya ay ihayag
at ang ngalan niya’y purihin ng lahat!
Ang aking dalangi’y dininig ng Diyos,
nawala sa akin ang lahat kong takot.

Ang D’yos ang siyang nagligtas
sa aking takot at sindak.

Nagalak ang aping umasa sa kanya,
pagkat di nabigo ang pag-asa nila.
Tumatawag sa Diyos ang walang pag-asa,
Sila’y iniligtas sa hirap at dusa.

Ang D’yos ang siyang nagligtas
sa aking takot at sindak.

Anghel yaong bantay sa may takot sa Diyos,
sa mga panganib, sila’y kinukupkop.
Ang galing ng Poon hanaping masikap;
yaong nagtiwala sa kanya’t nagligtas
ay maituturing na taong mapalad.

Ang D’yos ang siyang nagligtas
sa aking takot at sindak.

IKALAWANG PAGBASA
2 Timoteo 4, 6-8. 17-18

Pagbasa mula sa ikalawang sulat ni Apostol San Pablo kay Timoteo

Pinakamamahal, ako’y iaalay na; dumating na ang oras ng pagpanaw ko sa buhay na ito. Puspusan akong lumaban sa paligsahan. Natapos ko na ang dapat kong takbuhin. Nanatili akong tapat sa pananampalataya. Kakamtan ko na ang korona ng pagtatagumpay. At sa Araw na yaon, ang Panginoon na siyang makatarungang hukom, ang magpuputong sa akin ng korona, hindi lamang sa akin, kundi sa lahat ng nananabik sa muli niyang pagparito.

Ngunit pinatnubayan ako ng Panginoon at binigyan ng lakas upang maipahayag sa mga Hentil ang salita; naligtas ako sa tiyak na kapahamakan. Ang Panginoon ang magliligtas sa akin sa lahat ng kasamaan at siya rin ang maghahatid sa akin sa kanyang kaharian sa langit. Purihin nawa siya magpakailanman! Amen.

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
Mateo 16, 18

Aleluya! Aleluya!
Ikaw, Pedro, ang saligan
ng aking simbahang banal
na daig ang kamatayan.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Mateo 16, 13-19

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, dumating si Hesus sa luapin ng Cesarea ng Filipos. Tinanong niya ang kanyang mga alagad, “Sino raw ang Anak ng Tao, ayon sa mga tao?” At sumagot sila, “Ang sabi po ng ilan ay si Juan Bautista kayo. Sabi naman ng iba, si Elias kayo. At may nagsasabi pang si Jeremias kayo o isa sa mga propeta.” “Kayo naman, ano ang sabi ninyo? Sino ako?” tanong niya sa kanila. Sumagot si Simon Pedro, “Kayo po ang Kristo, ang Anak ng Diyos na buhay.” Sinabi sa kanya ni Hesus, “Mapalad ka, Simon na anak ni Jonas! Sapagkat ang katotohanang ito’y hindi inihayag sa iyo ng sinumang tao kundi ng aking Amang nasa langit. At sinasabi ko naman sa iyo, ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking simbahan, at hindi makapananaig sa kanya kahit ang kapangyarihan ng kamatayan. Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit: ang ipagbawal mo sa lupa ay ipagbabawal sa langit, at ang ipahintulot mo sa lupa ay ipahihintulot sa langit.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN
San Pedro at San Pablo

Ilapit natin ang ating mga kahilingan sa Ama nang may pananampalatayang katulad ng kina San Pedro at San Pablo, ng pananampalatayang katulad ng sa mangingisda kung kanino itinatag ang Simbahan, at ng pananampalataya ng guro ng napakaraming bansa.

Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, maging bato ka nawa namin.

Ang Santo Papa Francisco, ang kahalili ni San Pedro, nawa’y hawakan ang mga susi ng Kaharian nang may karunungan at pag-ibig, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga misyonero sa mga lupaing banyaga nawa’y magkaroon ng sigasig ni San Pablo sa paghahatid ng Mabuting Balita, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang ating pananampalataya nawa’y mahalin natin at maging handang magbahagi nito sa iba, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga nagdurusa dahil sa kanilang pananampalataya nawa’y makatagpo ng lakas sa dugong ibinuhos ng mga Apostol, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga namayapang tapat sa Panginoon nawa’y gawing karapat-dapat sa korona ng kabanalan, manalangin tayo sa Panginoon.

Makapangyarihang Diyos at Ama, dinggin mo ang mga panalangin ng pamayanang ito na natitipon ayon sa pananampalataya ng mga Apostol at natutulungan ng kanilang pamamagitan. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.

 

Veritas Editorial

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Move people, not cars

 370,127 total views

 370,127 total views Mga Kapanalig, kasabay ng panahon ng Kapaskuhan ay ang taun-taong Christmas rush na nagdudulot ng napakatinding trapiko. Naranasan ba ninyo ito nitong mga

Read More »

Karapatan ang kalusugan

 387,095 total views

 387,095 total views Mga Kapanalig, tinaasan pa ng bicameral conference committee ang budget na inilaan sa Medical Aid for Indigent and Financially Incapacitated Patients Program (o

Read More »

Kailan maaabot ang kapayapaan sa WPS?

 402,923 total views

 402,923 total views Mga Kapanalig, kahit sa sarili nating karagatan, tila hindi ligtas ang mga mangingisdang Pilipino. Sa pagpasok ng Disyembre, tinarget ng mga barko ng

Read More »

Libreng gamot para sa mental health

 492,504 total views

 492,504 total views Mga Kapanalig, isa sa mga magandang balitang narinig natin ngayong taon ang pagpapalakas ng mga serbisyo para sa mental health.  Inanunsyo noong Hunyo

Read More »

Atapang atao pero atakbo?

 510,670 total views

 510,670 total views Mga Kapanalig, hanggang sa mga oras na isinusulat natin ang editoryal na ito, hindi pa rin nakikita kahit ang anino ni Senador Ronald

Read More »

Watch Live

RELATED TOPICS

Martes, Setyembre 30, 2025

 71,210 total views

 71,210 total views Paggunita kay San Jeronimo, pari at pantas ng Simbahan Zacarias 8, 20-23 Salmo 86, 1-3. 4-5. 6-7 Ang ating Panginoong D’yos ay kapiling

Read More »

Lunes, Setyembre 29, 2025

 71,441 total views

 71,441 total views Kapistahan nina Arkanghel San Miguel, San Gabriel at San Rafael Daniel 7, 9-10. 13-14 o kaya Pahayag 12, 7-12a Salmo 137, 1-2a, 2bk-3, 4-5

Read More »

Linggo, Setyembre 28, 2025

 71,983 total views

 71,983 total views Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon (K) Amos 6, 1a. 4-7 Salmo 145, 7. 8-9a. 9bk-10 Kalul’wa ko, ‘yong purihin ang Panginoong butihin.

Read More »

Sabado, Setyembre 27, 2025

 53,301 total views

 53,301 total views Paggunita kay San Vicente de Paul, pari Zacarias 2, 5-9. 14-15a Jeremias 31, 10. 11-12ab. 13 Pumapatnubay na Diyos ay Pastol na kumukupkop.

Read More »

Biyernes, Setyembre 26, 2025

 53,410 total views

 53,410 total views Biyernes ng Ika-25 Linggo sa Karaniwang Panahon (I) o kaya Paggunita kay San Cosme at San Damian, mga martir Ageo 1, 15b – 2,

Read More »

SUPPORT OUR MISSION

BECOME A KAPANALIG MEMBER AND EUCHARISTIC ADVOCATE!

CATHOLINK

THE PHILIPPINES CATHOLIC CHURCH ONLINE DIRECTORIES

Scroll to Top