Linggo, Hulyo 13, 2025

SHARE THE TRUTH

 4,512 total views

Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon (K)

Deuteronomio 30, 10-14
Salmo 68, 14 at 17. 30-31. 33-34. 36ab at 37

Dumulog tayo sa Diyos upang mabuhay nang lubos.

Colosas 1, 15-20
Lucas 10, 25-37

Fifteenth Week in Ordinary Time (Green)

UNANG PAGBASA
Deuteronomio 30, 10-14

Pagbasa mula sa aklat ng Deuteronomio

Sinabi ni Moises sa bayan: “Kailangan ninyong dinggin ang tinig ng inyong Panginoong Diyos at buong puso’t kaluluwang sundin ang kanyang mga utos.

“Ang Kautusang ibinibigay ko ngayon sa inyo ay madaling sundin at unawain. Ito’y wala sa langit, kaya hindi ninyo masasabing walang aakyat doon at kukuha sa Kautusan upang marinig ninyo at maisakatuparan. Ni wala ito sa ibayong dagat kaya di ninyo masasabing walang tatawid sa dagat para kunin ang Kautusan at nang marinig ninyo at maisagawa. Ang Kautusan ay di malayo sa inyo: nasa inyong bibig, nasa inyong puso, kaya magagawa ninyo.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 68, 14 at 17. 30-31. 33-34. 36ab at 37

Dumulog tayo sa Diyos
upang mabuhay nang lubos.

At sa ganang akin, ako’y dadalangin
sa iyo, O Poon, sana’y iyong dinggin
sa mga panahon na iyong ibigin;
dahil sa dakilang pag-ibig sa akin,
ang iyong pangakong pagtubos ay sundin.
Poon, sa buti mo’t pag-ibig sa akin,
sa aking pagtawag ako sana’y dinggin,
sa pagkahabag mo, ako ay lingapin.

Dumulog tayo sa Diyos
upang mabuhay nang lubos.

Naghihirap ako’t mahapdi ang sugat,
O Diyos, itayo mo, ako ay iligtas.
Pupurihin ang Diyos, aking aawitan,
dadakilain ko’t pasasalamatan.

Dumulog tayo sa Diyos
upang mabuhay nang lubos.

Kung makita ito niyong mga dukha,
sila ay sasamba sa laki ng tuwa.
Dinirinig ng Diyos ang may kailangan,
Lingkod na bilanggo’y di nalilimutan.

Dumulog tayo sa Diyos
upang mabuhay nang lubos.

Ang Lungsod ng Sion, kanyang iniligtas,
Bayang nasa Juda’y muling itatatag;
Magmamana nito’y yaong lahi nila,
May pag-ibig sa Diyos ang doo’y titira.

Dumulog tayo sa Diyos
upang mabuhay nang lubos.

IKALAWANG PAGBASA
Colosas 1, 15-20

Pagbasa mula sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Colosas

Si Kristo ang larawan ng Diyos na di-nakikita, at siyang may kapangyarihan sa lahat ng nilikha. Sapagkat ang lahat ng nasa langit at nasa lupa, nakikita man o hindi, pati ang mga naghahari at namamahala, mga namumuno at may kapangyarihang espirituwal ay pawang nilikha ng Diyos sa pamamagitan niya at para sa kanya. Siya’y una sa lahat, at sa kanya nasasalalay ang kaayusan ng lahat ng bagay. Siya ang ulo ng Simbahan na kanyang katawan. Siya ang Una, ang panganay na Anak — ang unang nabuhay na muli upang siya ang maging pinakadakila sa lahat ng bagay. Ipinasiya ng Diyos na ang kanyang kalikasan ay manatili rin sa Anak, at inibig niyang ang sandaigdigan ay makipagsundo sa kanya sa pamamagitan ng Anak. Sa pamamagitan ng pagkamatay nito sa krus, nagkasundo nga ang Diyos at ang lahat ng nilikha sa langit at sa lupa.

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
Juan 6, 63k. 68k

Aleluya! Aleluya!
Espiritung bumubuhay,
ang Salita mo, Maykapal,
buhay mo ang tinataglay.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 10, 25-37

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, may isang eskribang lumapit kay Hesus upang siya’y subukin. “Guro,” aniya, “ano ang dapat kong gawin upang magkamit ng buhay na walang hanggan?” Sumagot si Hesus, “Ano ang nakasulat sa Kautusan? Ano ang nababasa mo roon?” Tumugon siya, “‘Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, nang buong lakas, at nang buong pag-iisip’; at ‘Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.’” “Tama ang sagot mo,” wika ni Hesus. “Gawin mo iyan at mabubuhay ka.”

Sa hangad ng eskriba na huwag siyang lumabas na kahiya-hiya, tinanong niya uli si Hesus, “Sino naman ang aking kapwa?” Sumagot si Hesus: “May isang taong naglalakbay buhat sa Jerusalem, patungong Jerico. Hinarang siya ng mga tulisan, kinuha pati damit sa katawan, binugbog at halos patay na nang iwan. Nagkataong dumaan doon ang isang saserdote at pagkakita sa taong nakahandusay, siya’y lumihis at nagpatuloy ng kanyang lakad. Dumaan din ang isang Levita, ngunit tiningnan lamang niya ito at nagpatuloy ng kanyang lakad. Ngunit may isang Samaritanong naglalakbay na naparaan doon. Nakita niya ang hinarang at siya’y nahabag. Lumapit siya, binusan ng langis at alak ang mga sugat nito at tinalian. Saka isinakay ang tao sa kanyang sinasakyang hayop, dinala sa bahay-panuluyan, at inalagaan doon. Kinabukasan, dumukot siya ng dalawang denaryo, ibinigay sa may-ari ng bahay-panuluyan at sinabi, ‘Alagaan mo siya, at kung magkano man ang kakulangan niyan, babayaran ko sa aking pagbabalik.’ Sino ngayon sa palagay mo ang nagpakita ng kanyang pakikipagkapwa sa taong hinarang ng mga tulisan?” tanong ni Hesus. “Ang nagpakita ng habag sa kanya,” tugon ng eskriba. Sinabi sa kanya ni Hesus, “Humayo ka’t gayun din ang gawin mo.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN
Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon (K)

Marami sa mundo ang mga taong mararahas na nagsasamantala sa mahihina’t walang kalaban-laban. Marami rin ang mga taong walang pakialam sa karahasan laban sa mga walang kamalay-malay. Idalangin natin sa Panginoon ang biyayang maging tunay na Kristiyano sa ating magulo’t manhid na lipunan.

Panginoong maawain, dinggin mo kami!

Para sa Santa Iglesya: Matulad nawa siya sa Mabuting Samaritano at maging tagapaghatid ng
tulong at awa sa lahat. Manalangin tayo!

Para sa ating mga pastol sa Simbahan: Turuan nawa nila ang mga mananampalataya sa salita’t sa gawa, upang higit na maipamalas ang pagkalinga sa mga nagdurusa’t nangangailangan kaysa mga gawaing pandebosyon. Manalangin tayo!

Para sa lahat ng naglilingkod sa larangan ng medisina: Nawa’y tulad ng Mabuting Samaritano, ay bukas-palad at mahabagin nilang pangalagaan ang kanilang mga pasyente. Manalangin tayo!

Para sa mga taong nasa gitna ng away o anumang sigalot: Nawa’y alalahanin nilang tayong
lahat ay mga anak ng iisang Ama at mga kapatid ni Hesukristo. Manalangin tayo!

Para sa lahat ng nahihirapan sa pagtanggap sa kanilang mga kinamumuhiang tao: Naway ang
turo at halimbawa ni Hesus ay maging inspirasyon at pampasigla sa kanila. Manalangin tayo!

Upang tayong lahat ay matutong kumilatis at kumilala ng tamang daan sa buhay at nang ating mapahindian ang anumang naglalayo sa atin kay Kristo at sa Ebanghelyo, manalangin tayo!

Panginoong Hesus, ikaw ang Dakilang Mabuting Samaritanong kumalinga sa sangkatauhang naakit ng kasamaan at kasalanan. Kahabagan mo kaming lahat at gawin kaming kasangkapan ng iyong mahabaging pagmamahal. Ikaw na nabubuhay at naghahari magpasa walang hanggan! Amen!

Veritas Editorial

Picture of Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Isa pang state of emergency

 103,343 total views

 103,343 total views Mga Kapanalig, nagdeklara na si Pangulong Bongbong Marcos ng state of national energy emergency sa gitna ng krisis sa langis matapos ang ilang

Read More »

Krisis sa bukid at laot

 103,343 total views

 103,343 total views Mga Kapanalig, sa gitna ng pagdaigdigang krisis sa langis, hindi sumasabay ang lawak ng tulong mula sa gobyerno sa laki ng pangangailangan ng

Read More »

Ano tayo pagkatapos ng krisis?

 103,343 total views

 103,343 total views Mga Kapanalig, “kinamatayan na lang ang ayuda.” Ganito inumpisahan ang balita tungkol kay Tatay Jimmy na tatlong dekada nang namamasada ng tricycle sa

Read More »

Ang kalikasan ay may karapatan

 100,255 total views

 100,255 total views Mga Kapanalig, paano kung ang pagkalbo ng kagubatan, pagbuga ng polusyon, at pagsira sa dagat ay hindi na lang simpleng paglabag sa batas

Read More »

Patibong ng kasamaan

 91,487 total views

 91,487 total views Mga Kapanalig, hindi laging lantad ang kasamaan. Minsan nag-aanyo itong mabuti, maamo, at inosente. Ayon sa 2 Corinto 11:14, “…si Satanas man ay

Read More »

Watch Live

RELATED TOPICS

Sabado, Marso 7, 2026

 6,106 total views

 6,106 total views Sabado sa Ika-2 Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda Mikas 7, 14-15. 18-20 Salmo 102, 1-2. 3-4. 9-10. 11-12 Ang ating mahabaging D’yos

Read More »

Biyernes, Marso 6, 2026

 6,106 total views

 6,106 total views Biyernes sa Ika-2 Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda Genesis 37, 3-4. 12-13a. 17b-28 Salmo 104, 16-17. 18-19. 20-21 Gunitain nang malugod ang

Read More »

Huwebes, Marso 5, 2026

 6,106 total views

 6,106 total views Huwebes sa Ika-2 Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda Jeremias 17, 5-10 Salmo 1, 1-2. 3. 4 at 6 Mapalad ang umaasa sa

Read More »

Miyerkules, Marso 4, 2026

 3,017 total views

 3,017 total views Miyerkules sa Ika-2 Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda Jeremias 18, 18-20 Salmo 30, 5-6. 14. 15-16 Pag-ibig mo’y walang maliw kaya’t ako’y

Read More »

Martes, Marso 3, 2026

 3,017 total views

 3,017 total views Martes sa Ika-2 Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda Isaias 1, 10. 16-20 Salmo 49, 8-9. 16bk-17. 21 at 23 Ang masunurin sa

Read More »

SUPPORT OUR MISSION

BECOME A KAPANALIG MEMBER AND EUCHARISTIC ADVOCATE!

CATHOLINK

THE PHILIPPINES CATHOLIC CHURCH ONLINE DIRECTORIES

Scroll to Top