Veritas PH

The WORD. The TRUTH.

Linggo, Marso 23, 2025

SHARE THE TRUTH

 5,627 total views

Ikatlong Linggo ng Apatnapung Araw
na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay (K)

Exodo 3, 1-8a. 13-15
Salmo 102, 1-2. 3-4. 6-7. 8 at 11

Ang ating mahabaging D’yos
ay nagmamagandang-loob.

1 Corinto 10, 1-6. 10-12
Lucas 13, 1-9

Third Sunday of Lent (Violet)

UNANG PAGBASA
Exodo 3, 1-8a. 13-15

Pagbasa mula sa aklat ng Exodo

Noong mga araw na iyon, si Moises ang nag-aalaga sa kawan ng biyenan niyang si Jetro. Minsan, itinaboy niya ang kawan pabagtas ng disyerto at nakarating siya sa Horeb, sa Bundok ng Diyos. Doon, ang anghel ng Panginoon ay napakita sa kanya, parang ningas sa gitna ng isang mababang punong-kahoy. Kitang-kita ni Moises na nagliliyab ito ngunit hindi nasusunog. Kaya’t nasabi niya sa kanyang sarili, “Kataka-taka ito! Tingnan ko ngang mabuti kung bakit di nasusunog gayung nagliliyab.”

Nang lalapit na si Moises, tinawag siya ng Panginoon buhat sa nagliliyab na punongkahoy, “Moises, Moises.”

“Ano po iyon?” sagot niya.

Sinabi ng Diyos, “Huwag kang lumapit. Hubarin mo ang iyong sandalyas sapagkat banal na dako ang kinatatayuan mo. Ako ang Diyos ng iyong mga magulang – nina Abraham, Isaac at Jacob.” Tinakpan ni Moises ang kanyang mukha pagkat natatakot siyang tumingin sa Diyos.

Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Nakita kong labis na pinahihirapan ng mga Egipcio ang aking bayan. Alam ko ang hirap nilang tinitiis at narinig ko ang kanilang daing. Kaya, bumaba ako upang sila’y iligtas, ialis sa Egipto at ihatid sa lupaing mayaman, malawak at sagana sa lahat ng bagay.

Sinabi ni Moises, “Pupunta ako sa mga Israelita at sasabihin sa kanilang ako’y sinugo ng Diyos ng aming ninuno. Ngunit ano po ang sasabihin ko kung itanong nila kung sino ang nagsugo sa akin?”

Sinabi ng Diyos, “Ako’y si Ako Nga. Sabihin mong sinugo ka ni Ako Nga, ng Panginoon, ng Diyos ng inyong mga ninuno, ng Diyos nina Abraham, Isaac at Jacob. At ito ang pangalang itatawag nila sa akin magpakailanman. Ito rin ang pag-alala sa akin ng lahat ng salinlahi.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 102, 1-2. 3-4. 6-7. 8 at 11

Ang ating mahabaging D’yos
ay nagmamagandang-loob.

Panginoo’y papurihan, purihin mo, kaluluwa,
ang pangalan niyang banal purihin mo sa tuwina.
Ikaw, aking kaluluwa, ang Diyos ay papurihan,
at huwag mong lilimutin yaong kanyang kabutihan.

Ang ating mahabaging D’yos
ay nagmamagandang-loob.

Ang lahat kong kasalana’y siya ang nagpapatawad,
at anumang aking sakit, ginagamot niyang lahat.
Sa bingit ng kamatayan ako ay inililigtas,
at pinagpapala ako sa pag-ibig niya’t habag.

Ang ating mahabaging D’yos
ay nagmamagandang-loob.

Panginoo’y humahatol, ang gawad ay katarungan;
natatamo ng inapi ang kanilang karapatan.
Ang balangkas niya’t utos kay Moises ibinilin;
ang kahanga-hangang gawa’y nasaksihan ng Israel.

Ang ating mahabaging D’yos
ay nagmamagandang-loob.

Kay ganda ng kalooban, mahabagin itong Diyos,
kung magalit ay banayad, kung umibig nama’y lubos.
Ang agwat ng lupa’t langit, sukatin ma’y hindi kaya,
gayun ang pag-ibig ng Diyos, sa may takot sa kanya.

Ang ating mahabaging D’yos
ay nagmamagandang-loob.

IKALAWANG PAGBASA
1 Corinto 10, 1-6. 10-12

Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto

Mga kapatid:
Ibig kong malaman ninyo ang nangyari sa ating mga ninuno na sumunod kay Moises. Silang lahat ay naliliman ng ulap sa kanilang paglalakbay, at tumawid sa Dagat na Pula. Sa gayun, nabinyagan silang lahat sa ulap at sa dagat bilang tagasunod ni Moises. Kumain silang lahat ng iisang pagkaing espirituwal at uminom din ng iisang inuming espirituwal, mula sa Batong espirituwal na sumubaybay sa kanila, at ang Batong iyon ay si Kristo. Gayunman, hindi kinalugdan ng Diyos ang marami sa kanila, kaya’t nagkalat sa ilang ang kanilang mga buto.

Ang mga nangyaring ito’y babala sa atin upang huwag tayong magnasa ng mga masasamang bagay, gaya ng ginawa nila. Huwag din tayong magreklamo, tulad ng ilan sa kanila, kaya’t nilipol sila ng Anghel na Mamumuksa.

Nangyari ito sa kanila bilang babala sa iba, at nasulat upang turuan tayong mga inabot ng huling panahon.

Kaya nga, mag-ingat ang sinumang nag-aakalang siya’y nakatayo, baka siya mabuwal.

Ang Salita ng Diyos.

AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Mateo 4, 17

Sinabi ng Poong mahal:
“Kasalanan ay talikdan
pagsuway ay pagsisihan;
maghahari nang lubusan
ang Poong D’yos na Maykapal.”

MABUTING BALITA
Lucas 13, 1-9

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Dumating noon ang ilang tao at ibinalita kay Hesus na ipinapatay ni Pilato ang ilang Galileo samantalang ang mga ito’y naghahandog sa Diyos. Sinabi niya sa kanila, “Akala ba ninyo, higit na makasalanan ang mga Galileong ito kaysa ibang mga taga-Galilea dahil sa gayun ang sinapit nila? Hindi! Ngunit sinasabi ko sa inyo: kapag hindi ninyo pinagsisihan at tinalikdan ang inyong mga kasalanan, mapapahamak din kayong lahat. At ang labingwalong namatay nang mabagsakan ng tore sa Siloe – sa akala ba ninyo’y higit silang makasalanan kaysa ibang naninirahan sa Jerusalem? Hindi! Ngunit sinasabi ko sa inyo: kapag hindi ninyo pinagsisihan at tinalikdan ang inyong mga kasalanan, mapapahamak din kayong lahat.”

Sinabi sa kanila ni Hesus ang talinghagang ito: “May isang tao na may puno ng igos sa kanyang ubasan. Minsan, tiningnan niya kung may bunga ito, ngunit wala siyang nakita. Kaya’t sinabi niya sa tagapag-alaga ng ubasan, ‘Tatlong taon na akong pumaparito at naghahanap ng bunga sa punong ito, ngunit wala akong makita. Putulin mo na! Nakasisikip lang iyan!’ Ngunit sumagot ang tagapag-alaga, ‘Huwag po muna nating putulin sa taong ito. Huhukayan ko ang palibot at lalagyan ng pataba. Kung mamunga po ito sa darating na taon, mabuti; ngunit kung hindi, putulin na natin!’”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Ipinaaalaala sa atin ng talinghaga sa Ebanghelyo ngayon ang ating tungkuling mamunga ng kabutihan sa ating buhay. Kumikilala sa ating kahinaan, tayo ngayo’y humiling ng tulong ng Panginoon para sa atin at sa lahat ng tao:

Mahabaging Diyos, dinggin Mo kami!

Nawa’y ang Simbahang Katolika, sa pamumuno ng Santo Papa at lahat ng mga obispo, ay tapat na tumupad sa kanyang misyong mamatnubay sa mga tao tungo sa kaligtasan, manalangin tayo!

Nawa’y lahat ng nagdurusang pisikal o espirituwal ay magtiwala sa Diyos at magtamo ng tulong
mula sa kanilang mga kapatid, manalangin tayo!

Nawa’y dinggin ng lahat ng makasalanan ang panawagan para sa pagbabagong-loob at talikdan ang kanilang mali’t masamang pamumuhay, manalangin tayo!

Nawa’y, tulad ng tagapag-alaga ng ubasan sa talinghaga ni Hesus, ipagdasal natin ang ating mga kapatid at tulungan silang lumago sa kabanalan, manalangin tayo!

Nawa’y magbunga ang lahat ng tapat na pagsisisi, pagbabalik-loob, at masiglang pagtataguyod sa kabutihan ng pamayanan, manalangin tayo!

Para sa lahat ng pamilyang hindi nagkakasundo nawa’y makatagpo sila ng lunas sa kanilang mga sugat sa pamamagitan ng kapatawaran, pagtuklas sa yamang panloob na taglay ng bawa’t isa, sa kabila ng kanilang nagkakaibang pananaw, manalangin tayo!

O Diyos, napakatiyaga Mo sa amin, sa aming katamaran at mga pagkukulang na moral. Tibayan Mo ang aming kapasiyahang manunton sa tunay na Kristiyanong pamumuhay na puno ng mga masuyong pagkakawanggawa. Hinihiling namin ito sa ngalan ni Hesus, na siya naming Huwaran at Tagapagligtas na nabubuhay at naghahari magpakailanman.

Amen!

Veritas Editorial

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Moro-Moro Lamang

 84,394 total views

 84,394 total views Kapanalig, ganito maihalintulad ang naganap at nagaganap na imbestigasyon ng Mababang Kapulungan ng Kongreso, Senado, Independent Commission on Infrastructure at maging ng Office

Read More »

Holiness Is Not Boring

 99,793 total views

 99,793 total views Napakahalaga para sa Simbahang Katolika ang buwan ng Nobyembre, taun-taon ginugunita ng Santa Iglesia ang “All Saint’s Day” o tinatawag na “All Hallows

Read More »

Pagnanakaw sa kinabukasan ng kabataan

 112,248 total views

 112,248 total views Mga Kapanalig, sa Senate budget hearing noong nakaraang linggo, iniulat ni DPWH Secretary Vince Dizon na 22 silid-aralan lamang sa target na 1,700 ang

Read More »

Disenteng bilangguan

 122,812 total views

 122,812 total views Mga Kapanalig, inilarawan ni Independent Commission for Infrastructure (o ICI) Commissioner Rogelio Singson bilang “decent” o disente ang pasilidad kung saan dadalhin ang

Read More »

Shooting the messenger

 133,462 total views

 133,462 total views Mga Kapanalig, eksaktong isang linggo na ang nakalilipas nang barilin ng hindi pa rin nahahanap na suspek ang local broadcaster na si Noel

Read More »

Watch Live

RELATED TOPICS

Martes, Setyembre 30, 2025

 24,457 total views

 24,457 total views Paggunita kay San Jeronimo, pari at pantas ng Simbahan Zacarias 8, 20-23 Salmo 86, 1-3. 4-5. 6-7 Ang ating Panginoong D’yos ay kapiling

Read More »

Lunes, Setyembre 29, 2025

 24,688 total views

 24,688 total views Kapistahan nina Arkanghel San Miguel, San Gabriel at San Rafael Daniel 7, 9-10. 13-14 o kaya Pahayag 12, 7-12a Salmo 137, 1-2a, 2bk-3, 4-5

Read More »

Linggo, Setyembre 28, 2025

 25,169 total views

 25,169 total views Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon (K) Amos 6, 1a. 4-7 Salmo 145, 7. 8-9a. 9bk-10 Kalul’wa ko, ‘yong purihin ang Panginoong butihin.

Read More »

Sabado, Setyembre 27, 2025

 17,140 total views

 17,140 total views Paggunita kay San Vicente de Paul, pari Zacarias 2, 5-9. 14-15a Jeremias 31, 10. 11-12ab. 13 Pumapatnubay na Diyos ay Pastol na kumukupkop.

Read More »

Biyernes, Setyembre 26, 2025

 17,249 total views

 17,249 total views Biyernes ng Ika-25 Linggo sa Karaniwang Panahon (I) o kaya Paggunita kay San Cosme at San Damian, mga martir Ageo 1, 15b – 2,

Read More »

SUPPORT OUR MISSION

BECOME A KAPANALIG MEMBER AND EUCHARISTIC ADVOCATE!

CATHOLINK

THE PHILIPPINES CATHOLIC CHURCH ONLINE DIRECTORIES

Scroll to Top