87 total reads
Ika-29 na Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
Isaias 45, 1. 4-6
Salmo 95, 1 at 3, 4-5. 7-8. 9-10a at k
Dakilang kapangyarihan
ng Panginoo’y idangal.
1 Tesalonica 1, 1-5b
Mateo 22, 15-21
Sunday of the Twenty-ninth Week in Ordinary Time (Green)
World Mission Sunday
Sunday for Cultures
UNANG PAGBASA
Isaias 45, 1. 4-6
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
Hinirang ng Panginoon si Ciro
para maging hari
upang lupigin ang mga bansa
at alisan ng kapangyarihan ang mga hari.
Ibubukas ng Panginoon
ang mga pintong-bayan para sa kanya.
Sinabi ng Panginoon kay Ciro:
“Tinawag nga kita
upang tulungan si Israel na lingkod,
ang bayan kong hinirang.
Binigyan kita ng malaking karangalan
bagamat di mo ako kilala.
Ako ang Panginoon,
Ako lamang ang Diyos at wala nang iba;
palalakasin kita,
bagamat ako’y di mo pa kilala.
Ginawa ko ito
upang ako ay makilala ng buong daigdig,
na makikilala nila na ako ang Panginoon,
Ako lamang ang Diyos at wala nang iba.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 95, 1 at 3, 4-5. 7-8. 9-10a at k
Dakilang kapangyarihan
ng Panginoo’y idangal.
Purihin ang Panginoon, awitan ng bagong awit;
Panginoo’y papurihan nitong lahat sa daigdig!
Kahit saa’y ipahayag na ang Poon ay dakila,
sa madla ay ipahayag ang dakila niyang gawa.
Dakilang kapangyarihan
ng Panginoo’y idangal.
Ang Poon ay tunay na dakila, marapat na papurihan
higit sa sinumang diyos, siya’y dapat katakutan.
Ang diyos ng sanlibuta’y pawang mga diyus-diyusan;
ang Poon lang ang may likha ng buong sangkalangitan.
Dakilang kapangyarihan
ng Panginoo’y idangal.
Ang Panginoo’y purihin ng lahat sa daigdigan!
Purihin ang lakas niya at ang kanyang kabanalan!
Ang pagpuri ay iukol sa pangalan niyang banal,
dumulog sa kanyang templo’t maghandog ng mga alay.
Dakilang kapangyarihan
ng Panginoo’y idangal.
Kung ang Poon ay dumating, sa likas n’yang kabanalan,
Humarap na nanginginig ang lahat sa daigdigan.
“Ang Poon ay siyang hari,” sa daigdig ay sabihin,
sa paghatol sa nilikha, lahat pantay sa paningin.
Dakilang kapangyarihan
ng Panginoo’y idangal.
IKALAWANG PAGBASA
1 Tesalonica 1, 1-5b
Ang simula ng unang sulat
ni Apostol San Pablo sa mga taga-Tesalonica
Mula kina Pablo, Silas, at Timoteo:
Sa simbahan sa Tesalonica – mga hinirang ng Diyos Ama at ng Panginoong Hesukristo: Sumainyo nawa ang pagpapala at kapayapaan.
Lagi kaming nagpapasalamat sa Diyos dahil sa inyo at tuwina’y isinasama namin kayo sa aming dalangin. Ginugunita namin sa harapan ng ating Diyos at Ama ang inyong mga gawang bunga ng pananampalataya, ang inyong mga pagpapagal na udyok ng pag-ibig, at ang matibay ninyong pag-asa sa Panginoong Hesukristo. Nalalaman namin, mga kapatid, na kayo’y hinirang ng Diyos na nagmamahal sa inyo. Ang Mabuting Balita na lubos naming pinaniniwalaan ay ipinahayag namin sa inyo hindi sa salita lamang. Ito’y may kapangyarihan at patotoo ng Espiritu Santo.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Filipos 2, 15d. 16a
Aleluya! Aleluya!
Sa daigdig ay laganap
liwanag na sumisikat
Salitang buhay ng lahat.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 22, 15-21
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, umalis ang mga Pariseo at pinag-usapan kung paano nila masisilo si Hesus sa kanyang pananalita. Kaya pinapunta nila sa kanya ang ilan sa kanilang mga alagad, kasama ang ilang tauhan ni Herodes. Sinabi nila, “Guro, nalalaman naming kayo’y tapat, at itinuturo ninyo nang buong katotohanan ang ibig ng Diyos na gawin ng mga tao. Wala kayong pinangingimian sapagkat pareho ang pagtingin ninyo sa tao. Ano po ang palagay ninyo? Naaayon ba sa Kautusan na bumuwis sa Cesar, o hindi?” Ngunit batid ni Hesus ang kanilang masamang layon kaya’t sinabi niya, “Kayong mapagpaimbabaw! Bakit ibig ninyo akong siluin? Akin na ang salaping pambuwis.” At siya’y binigyan nila ng isang denaryo. “Kaninong larawan at pangalan ang nakaukit dito?” tanong ni Hesus, “Sa Cesar po,” tugon nila. At sinabi niya sa kanila, “Kung gayon, ibigay ninyo sa Cesar ang sa Cesar, at sa Diyos ang sa Diyos.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-29 na Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
Ama naming nasa langit, tulungan Mo kaming maging tapat sa aming mga tungkulin habang nananatiling nakatuon sa Iyo. Buong tiwala kaming nananalangin: Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
Para sa Simbahan: nawa’y buong tapang Niyang ipahayag ang Mabuting Balita at gabayan ang Iyong bayan na isabuhay ang pananampalataya sa mundo ngayon. Manalangin tayo sa Panginoon.
Para sa mga pinagkatiwalaan ng kapangyarihang mamuno sa bayan: nawa’y gampanan nila ang kanilang tungkulin nang may karunungan at katapatan, at itaguyod ang kabutihang panlahat, katarungan, kapayapaan, kalayaan sa pananampalataya, at seguridad. Manalangin tayo sa Panginoon.
Para sa misyon ng Simbahan: nawa’y pag-alabin ng Panginoon ang ating puso na maging tapat na saksi ng Mabuting Balita at bukas-palad na makiisa sa mga misyonero. Manalangin tayo sa Panginoon.
Para sa ating pamayanang nagkakaisa sa Eukaristiyang ito: nawa’y maging tapat tayo sa ating mga tungkulin bilang mamamayan at manatiling tapat sa ating pag-ibig at pagsunod sa Diyos. Manalangin tayo sa Panginoon.
Makapangyarihan at maawaing Ama, dinggin Mo ang panalangin ng Iyong bayan. Bigyan Mo kami ng karunungan upang magampanan ang aming mga tungkulin sa mundo at biyayang manatiling tapat sa Iyo hanggang sa makabahagi kami sa kaganapan ng Iyong Kaharian. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.




