Veritas PH

The WORD. The TRUTH.

Linggo, Setyembre 28, 2025

SHARE THE TRUTH

 36,882 total views

Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon (K)

Amos 6, 1a. 4-7
Salmo 145, 7. 8-9a. 9bk-10

Kalul’wa ko, ‘yong purihin
ang Panginoong butihin.

1 Timoteo 6, 11-16
Lucas 16, 19-31

Twenty-sixth Week in Ordinary Time (Green)
National Seafarer’s Day
Migrant’s Sunday

UNANG PAGBASA
Amos 6, 1a. 4-7

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Amos

Ito ang sinasabi ng Panginoong makapangyarihan: “Kahabag-habag kayong namumuhay na maginhawa sa Sion! Kahabag-habag kayo na nahihiga sa magagarang kama at nagpapahinga sa malalapad na himlayan, habang nagpapakabusog sa masasarap na pagkain. Lumilikha pa kayo ng mga awit sa saliw ng mga alpa, tulad ni David. Sa malalaking mangkok na kayo umiinom ng alak at mamahaling pabango ang ipinapahid ninyo sa katawan. Ngunit itinangis na ba ninyo ang darating na pagkawasak ng Israel? Hindi. Kaya nga, kayo ang unang ipatatapon. Matitigil na ang inyong mga pagpipiging at pagsasaya.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 145, 7. 8-9a. 9bk-10

Kalul’wa ko, ‘yong purihin
ang Panginoong butihin.

o kaya: Aleluya.

Ang maaasahang lagi’y Panginoon,
panig sa naaapi, ang Diyos na hukom,
may pagkaing handa, sa nangagugutom.

Kalul’wa ko, ‘yong purihin
ang Panginoong butihin.

Pinalaya niya ang mga nabihag;
isinasauli, paningin ng bulag;
lahat ng inapi ay itinataas,
ang mga hinirang niya’y nililingap.

Kalul’wa ko, ‘yong purihin
ang Panginoong butihin.

Isinasanggalang ang mga dayuhang
sa lupain nila’y doon tumatahan;
tumutulong siya sa balo’t ulila,
masamang balangkas pinipigil niya.

Kalul’wa ko, ‘yong purihin
ang Panginoong butihin.

Walang hanggang Hari,
ang Diyos na Poon!
Nabubuhay lagi ang Diyos mo, Sion!

Kalul’wa ko, ‘yong purihin
ang Panginoong butihin.

IKALAWANG PAGBASA
1 Timoteo 6, 11-16

Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo kay Timoteo

Ikaw na lingkod ng Diyos, sikapin mong mamuhay sa katuwiran, kabanalan, pananalig, pag-ibig, pagtitiis at kaamuan. Gawin mo ang buo mong makakaya sa pakikibaka alang-alang sa pananampalataya at kakamtan mo ang buhay na walang hanggan, yamang diyan ka tinawag ng Diyos nang ipahayag mo sa harapan ng maraming saksi ang iyong pananampalataya. Sa ngalan ng Diyos na nagbibigay-buhay sa lahat ng bagay, at sa ngalan ni Kristo Hesus na nagpatotoo sa harapan ni Poncio Pilato, iniuutos ko sa iyo: ang mga tagubiling ito’y panatilihin mong mabisa at walang kapintasan hanggang sa pagdating ng Panginoong Hesukristo. Sa takdang panahon, siya’y ihahayag ng mapagpalang Diyos, ang makapangyarihang Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon. Siya lamang ang walang kamatayan, ang nananahan sa liwanag na di matitigan. Hindi siya nakita o makikita ninuman. Sa kanya ang karangalan at ang walang hanggang kapangyarihan. Amen.

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
2 Corinto 8, 9

Aleluya! Aleluya!
Si Kristo ay naging dukha
upang tayo’y managana
sa bigay n’yang pagpapala.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 16, 19-31

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga Pariseo: “May isang mayamang nagdaramit nang mamahalin at saganang-sagana sa pagkain araw-araw. At may isa namang pulubing nagngangalang Lazaro, tadtad ng sugat, na nakalupasay sa may pintuan ng mayaman upang mamulot kahit mumong nahuhulog mula sa hapag ng mayaman. At doo’y nilalapitan siya ng aso at dinidilaan ang kanyang mga sugat. Namatay ang pulubi, at dinala ng mga anghel sa piling ni Abraham. Namatay rin ang mayaman, at inilibing. Sa gitna ng kanyang pagdurusa sa Hades, tumingala ang mayaman at kanyang natanaw sa malayo si Abraham, kapiling ni Lazaro. At sumigaw siya, ‘Amang Abraham, mahabag po kayo sa akin. Utusan ninyo si Lazaro na isawsaw sa tubig ang dulo ng kanyang daliri at palamigin ang aking dila, sapagkat naghihirap ako sa apoy na ito.’ Ngunit sinabi sa kanya ni Abraham, ‘Anak, alalahanin mong nagpasasa ka sa buhay sa ibabaw ng lupa, at si Lazaro’y nagtiis ng kahirapan. Ngunit ngayo’y inaaliw siya rito, samantalang ikaw nama’y nagdurusa. Higit sa lahat, inilagay sa pagitan natin ang isang malaking bangin upang ang mga narinig ay hindi makapariyan at ang mga nariyan ay hindi makaparini.’ At sinabi ng mayaman, ‘Kung gayun po, Amang Abraham, ipinamamanhik ko sa inyong papuntahin si Lazaro sa bahay ng aking ama, sapagkat ako’y may limang kapatid na lalaki. Paparoonin nga ninyo siya upang balaan sila at nang hindi sila humantong sa dakong ito ng pagdurusa.’ Ngunit sinabi sa kanya ni Abraham, ‘Nasa kanila ang mga sinulat ni Moises at ng mga propeta; pakinggan nila ang mga iyon.’ ‘Hindi po sapat ang mga iyon,’ tugon niya, ‘ngunit kung pumunta sa kanila ang isang patay na muling nabuhay, tatalikdan nila ang kanilang mga kasalanan.’ Sinabi sa kanya ni Abraham, ‘Kung ayaw nilang pakinggan ang mga sinulat ni Moises at ng mga propeta, hindi rin nila paniniwalaan kahit ang isang patay na muling nabuhay.’”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN
Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon (K)

Ang mga pagbasa ngayon ay nagpapaalaala sa atin ng ating tungkuling moral na tumulong sa
nangangailangan. Patunayan natin ang ating malasakit sa kanilang kapakanan at manalangin nang
buong taimtim:

Panginoon, dinggin Mo kami!

Para sa buong Simbahan: Nawa’y manatili Siyang tagapagtanggol ng mahihirap, mga inaapi, at mga pinagkaitan, sa kabila ng panganib na mapalayo sa Kanya ang mga makapangyarihan at mayayaman. Manalangin tayo.

Para sa Santo Papa, mga Obispo, at lahat ng iba pang namumuno sa atin: Nawa’y lagi nilang ipagtanggol ang mga karapatan ng lahat ng inaapi o pinagsasamantalahan ng mga walang pusong indibiduwal o institusyon. Manalangin tayo.

Para sa mga nanunungkulan sa industriyang pandagat: Nawa’y lagi nilang igalang ang mga karapatan at karangalan ng mga mandaragat at umiwas sila sa ano mang pagsasamantala. Manalangin tayo.

Para sa ating mga mandaragat: Nawa’y magampanan nila ang kanilang tungkulin at maging matatag sa harap ng kabiguan o pangungulila, at humango nawa sila ng inspirasyon sa mga pagpapahalagang Pilipino at pananampalatayang Kristiyano. Manalangin tayo.

Para sa mga pamilya ng mga migrante: Nawa’y matiis nila ang hirap ng kanilang pagkawalay sa kanilang mga kamag-anak at pasiglahin sila ng pananalig at pag-asang balang araw ay makakapiling nilang muli ang kanilang mga mahal sa buhay. Manalangin tayo.

Panginoon, Ama ng mahihirap at Tagapagtanggol ng mga nagdadalamhati at nalulumbay, tunghayan Mong magiliw ang lahat ng mandaragat na ginugunita namin ngayon. Tulungan Mo sila at ang kani-kanilang pamilya at panatilihin silang tapat sa isa’t isa sa kabila ng kanilang pagkakalayu-layo at paglapitin Mo silang muli. Isinasamo namin ito sa ngalan ni Kristong aming Panginoon.

Amen.

Veritas Editorial

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Huwag kalimutan ang mga EJK victims

 8,328 total views

 8,328 total views Mga Kapanalig, habang nakatuon ang atensyon ng publiko sa nagpapatuloy na kontrobersya sa mga flood control projects, huwag sana nating kalimutan ang mga

Read More »

Taun-taong pagsubok sa agrikultura

 70,358 total views

 70,358 total views Mga Kapanalig, maraming sakahan ang nalunod at nasira dahil sa pagbahang dulot ng Super Typhoon Uwan, at labis na naapektuhan ang ani ng

Read More »

Victim-blaming sa gitna ng delubyo

 90,595 total views

 90,595 total views Mga Kapanalig, noong nakaraang linggo, sa kasagsagan ng pananalanta ng Super Typhoon Uwan, nag-viral sa social media si Pangasinan Second District representative Mark

Read More »

FILIPINO GRADUATES, MAHINA SA RESEARCH

 104,924 total views

 104,924 total views Good News…. Patuloy na dumarami ang mga paaralan sa Pilipinas na nakapasok sa global o international rankings. Sa inilabas na Quacquarelli Symonds (QS)

Read More »

NAGUGUTOM NA PINOY

 127,757 total views

 127,757 total views Tama bang isisi ng kasalukuyang administrasyon sa nararanasang kalamidad ang pagtaas ng bilang ng mga Pinoy na dumaranas ng involuntary hunger? Ang involuntary

Read More »

Watch Live

RELATED TOPICS

Martes, Setyembre 30, 2025

 36,156 total views

 36,156 total views Paggunita kay San Jeronimo, pari at pantas ng Simbahan Zacarias 8, 20-23 Salmo 86, 1-3. 4-5. 6-7 Ang ating Panginoong D’yos ay kapiling

Read More »

Lunes, Setyembre 29, 2025

 36,387 total views

 36,387 total views Kapistahan nina Arkanghel San Miguel, San Gabriel at San Rafael Daniel 7, 9-10. 13-14 o kaya Pahayag 12, 7-12a Salmo 137, 1-2a, 2bk-3, 4-5

Read More »

Sabado, Setyembre 27, 2025

 26,966 total views

 26,966 total views Paggunita kay San Vicente de Paul, pari Zacarias 2, 5-9. 14-15a Jeremias 31, 10. 11-12ab. 13 Pumapatnubay na Diyos ay Pastol na kumukupkop.

Read More »

Biyernes, Setyembre 26, 2025

 27,075 total views

 27,075 total views Biyernes ng Ika-25 Linggo sa Karaniwang Panahon (I) o kaya Paggunita kay San Cosme at San Damian, mga martir Ageo 1, 15b – 2,

Read More »

Huwebes, Setyembre 25, 2025

 2,266 total views

 2,266 total views Huwebes ng Ika-25 Linggo sa Karaniwang Panahon (I) Ageo 1, 1-8 Salmo 149, 1-2. 3-4. 5 at 6a at 9b Panginoo’y nagagalak sa

Read More »

SUPPORT OUR MISSION

BECOME A KAPANALIG MEMBER AND EUCHARISTIC ADVOCATE!

CATHOLINK

THE PHILIPPINES CATHOLIC CHURCH ONLINE DIRECTORIES

Scroll to Top