5,530 total views
Ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
Jeremias 20, 7-9
Salmo 62, 2. 3-4. 5-6. 8-9
Aking kinasasabikan,
Panginoon, Ikaw lamang.
Roma 12, 1-2
Mateo 16, 21-27
Twenty-second Sunday in Ordinary Time (A) (Green)
UNANG PAGBASA
Jeremias 20, 7-9
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Jeremias
Panginoon, ako’y iyong hinihikayat, at sumunod naman ako.
Higit kang malakas kaysa akin at ikaw ay nagwagi.
Pinagtatawanan ako ng balana; maghapon silang nagtatawa dahil sa akin.
Tuwing ako’y magsasalita at sisigaw ng “Karahasan! Pagkasira!”
Pinagtatawanan nila ako’t inuuyam, sapagkat ipinahahayag ko ang iyong salita.
Ngunit kung sabihin kong, “Lilimutin ko ang Panginoon at di na sasambitin ang kanyang pangalan,”
para namang apoy na naglalagablab sa aking puso ang iyong mga salita, apoy na nakakulong sa aking mga buto.
Hindi ko na kayang pigilin ito, hirap na hirap na akong magpigil.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 62, 2. 3-4. 5-6. 8-9
Aking kinasasabikan,
Panginoon, ikaw lamang.
O Diyos, ikaw ang aking Diyos na lagi kong hinahanap;
ang uhaw kong kaluluwa’y tanging ikaw yaong hangad;
Para akong tuyong lupa na tubig ang siyang lunas.
Aking kinasasabikan,
Panginoon, ikaw lamang.
Bayaan mong sa santwaryo, sa lugar na dakong banal,
ikaw roo’y mamasdan ko, sa likas mong karangalan.
Ang wagas na pag-ibig mo’y mahigit pa kaysa buhay.
Kaya ako’y magpupuri’t ikaw ang pag-uukulan.
Aking kinasasabikan,
Panginoon, ikaw lamang.
Habang ako’y nabubuhay, ako’y magpapasalamat.
At ako ay dadalangin na kamay ko’y nakataas.
Itong aking kaluluwa’y kakaing may kasiyahan,
magagalak na umawit ng papuring iaalay.
Aking kinasasabikan,
Panginoon, ikaw lamang.
Pagkat ikaw sa tuwina ang katulong na malapit,
sa lilim ng iyong pakpak galak akong umaawit.
Itong aking kaluluwa’y sa iyo lang nanghahawak,
pagkat ako kung hawak mo, kaligtasa’y natitiyak.
Aking kinasasabikan,
Panginoon, ikaw lamang.
IKALAWANG PAGBASA
Roma 12, 1-2
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Roma
Mga kapatid, alang-alang sa masaganang habag ng Diyos sa atin, ako’y namamanhik sa inyo: ialay ninyo ang inyong sarili bilang handog na buhay, banal at kalugud-lugod sa kanya. Ito ang karapat-dapat na pagsamba ninyo sa Diyos. Huwag kayong umayon sa takbo ng mundong ito. Mag-iba na kayo at magbago ng isip upang mabatid ninyo ang kalooban ng Diyos kung ano ang mabuti, nakalulugod sa kanya, at talagang ganap.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Efeso 1, 17-18
Aleluya! Aleluya!
D’yos Ama ni Hesukristo,
kami ay liwanagan mo
at tutugon kami sa ‘yo.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 16, 21-27
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinimulang ipaalam na ni Hesus sa kanyang mga alagad na dapat siyang magtungo sa Jerusalem at magbata ng maraming hirap sa kamay ng matatanda ng bayan, ng mga punong saserdote at ng mga eskriba, at kanilang ipapapatay siya. Ngunit sa ikatlong araw siya’y muling mabubuhay. Niyaya siya ni Pedro sa isang tabi at pinagsabihan ng ganito: “Panginoon, huwag nawa ng itulot ng Diyos! Hindi po dapat mangyari ito sa inyo.” Ngunit hinarap siya ni Hesus at sinabihan, “Lumayo ka, Satanas! Hadlang ka sa aking landas. Ang iniisip mo’y hindi sa Diyos kundi sa tao.”
Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Kung ibig ninumang sumunod sa akin, limutin niya ang ukol sa kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus at sumunod sa akin. Ang naghahangad na magligtas ng kanyang buhay ay siyang mawawalan nito; ngunit ang mag-alay ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay siyang magkakamit noon. Ano nga ang mapapala ng isang tao, makamtan man niya ang buong daigdig kung ang katumbas naman nito’y ang kanyang buhay? Ano ang maibabayad ng tao para mabalik sa kanya ang kanyang buhay? Sapagkat darating ang Anak ng Tao na taglay ang dakilang kapangyarihan ng kanyang Ama at kasama ang kanyang mga anghel. Sa panahong yao’y gagantihin niya ang bawat tao ayon sa kanyang ginawa.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
Ipinagugunita sa atin ngayon ng Panginoong Hesus ang kahalagahan ng pamumuhay na tapat sa plano ng Diyos para sa atin. Nakababatid sa ating kahinaan at sa hirap ng pagiging disipulo, pakumbaba nating idalangin ang ating mga kailangan sa buhay:
Panginoon, tulungan mo kaming sumunod sa iyo!
Ang pamumuhay nawa ng Simbahan bilang “pamayanan ng mga disipulo ni Kristo” ay mapatangi sa pagiging laging tapat sa mga turo ng Ebanghelyo. Manalangin tayo!
Palakasin nawa ng Diyos ang Santo Papa, ating Obispo, mga pari, at lahat ng ating pinunong espirituwal upang tumulad sa halimbawa ni Hesus sa lahat ng kanilang gawa. Manalangin tayo!
Magsikap nawa ang ating mga pinunong pambayan para sa kapakanang panlahat sa pamamagitan ng paglilingkod sa mga tao sa halip ng para sa mga pansarili nilang interes. Manalangin tayo!
Nawa lahat ng nagdurusang pisikal o emosyunal ay matutong magpasan ng kani-kanilang krus kasama ni Hesus at sa gayo’ y maging kasangkapan para sa kaligtasan ni Hesus. Manalangin tayo!
Nawa sa kabila ng kanilang mga kahirapan, matatag na magpunyagi ang mga katekista sa pagtuturo ng pananampalataya sa ating mga kabataan. Manalangin tayo!
Nawa lahat tayo’y matutong mabuhay nang nakatuon ang ating mga puso sa mga pagpapahalaga ng Kaharian ng Diyos at hindi sa materiyalismo at hilig sa mga kasiyahan sa daigdig. Manalangin tayo!
Tahimik nating ipanalangin ang ating mga sariling kahilingan. (Manahimik saglit.) Manalangin tayo!
Panginoong Hesus, itulot mong tumulad kami sa iyong pagsunod sa kalooban ng Ama, mangahulugan man ito ng paghihirap at pagkakait sa sarili. Sa gitna ng lahat ng mga paghihirap, huwag nawa naming makaligtaan ang gantimpalang naghihintay sa amin sa Kaharian ng kapayapaan kung saan nabubuhay at naghahari ka magpakailanman.
Amen!