Veritas PH

The WORD. The TRUTH.

LUNES, ENERO 15, 2024

SHARE THE TRUTH

 4,886 total views

Lunes ng Ikalawang Linggo sa Karaniwang Panahon (II)

1 Samuel 15, 16-23
Salmo 49, 8-9. 16bk-17. 21 at 23

Ang masunurin sa Diyos
ay sasagipin n’yang lubos.

Marcos 2, 18-22

Monday of the Second Week in Ordinary Time (Green)

UNANG PAGBASA
1 Samuel 15, 16-23

Pagbasa mula sa unang aklat ni Samuel

Noong mga araw na iyon, sinabi ni Samuel kay Saul, “Pakinggan mo ang sinabi sa akin ng Panginoon kagabi.”

“Ano iyon?” tanong ni Saul.

Sinabi ni Samuel, “Noong una, ikaw mismo ang nagpakilalang ikaw ay hamak. Ngayon, ikaw ang pangunahin sa Israel sapagkat hinirang ka ng Panginoon at pinahiran ng langis upang maging hari. Inutusan ka niyang lusubin ang masamang bayan ng Amalec at mahigpit na ipinagbiling puksain ang mga ito. Bakit mo sinuway ang utos ng Panginoon? Bakit mo pinag-imbutan ang ito? Hindi mo ba alam na ang ginawa mo’y malaking kasalanan sa Panginoon?”

Sumagot si Saul, “Sinunod ko ang Panginoon. Pumunta ako sa pinapuntahan niya sa akin. Binihag ko si Agag na hari ng Amalec at nilipol ang mga Amalecita. Pinili ng mga tao ang pinakamaiinam sa mga tupa at baka at hindi namin pinatay na kasama ng iba, bagkus ay iniuwi namin sa Gilgal upang ihandog sa Panginoon.”

Sinabi ni Samuel, “Akala mo ba’y higit na magugustuhan ng Panginoon ang handog at hain kaysa pagsunod sa kanya? Ang pagsunod sa kanya ay higit sa handog, at ang pakikinig ay higit sa haing taba ng tupa. Ang pagsuway sa kanya ay kasinsama ng pangkukulam, at ang katigasan ng ulo’y tulad ng pagsamba sa diyus-diyusan. Pagkat sinuway mo ang Panginoon, aalisin ka sa pagiging hari ng kanyang bayan.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 49, 8-9. 16bk-17. 21 at 23

Ang masunurin sa Diyos
ay sasagipin n’yang lubos.

Hindi ako nagagalit dahilan sa inyong handog,
ni sa inyong mga haing sa dambana’y sinusunog,
bagaman ang mga toro’y hindi ko na kailangan,
maging iyang mga kambing at ang inyong mga kawan.

Ang masunurin sa Diyos
ay sasagipin n’yang lubos.

Bakit ninyo inuusal yaong aking mga utos?
At bakit ang paksa ninyo ay sa tipan natutungod?
Pag kayo ay tinutuwid, agad kayong napopoot,
at ni ayaw na tanggapin yaong aking mga utos.

Ang masunurin sa Diyos
ay sasagipin n’yang lubos.

Kahit ito ay ginawa hindi kayo alumana,
kaya naman ang akala, kayo’t ako’y magkaisa;
ngunit ngayon, panahon nang kayo’y aking pagwikaan
upang inyong maunawa ang ginawang kamalian.
Ang parangal na nais ko na sa aki’y ihahain,
ay handog ng pagsalamat, pagpupuring walang maliw;
akin namang ililigtas ang lahat na masunurin.

Ang masunurin sa Diyos
ay sasagipin n’yang lubos.

ALELUYA
Hebreo 4, 12

Aleluya! Aleluya!
Buhay ang salita ng D’yos,
ganap nitong natalos
tanang ating niloloob.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Marcos 2, 18-22

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos

Noong panahong iyon, nag-aayuno ang mga alagad ni Juan Bautista at ang mga Pariseo. May lumapit kay Hesus at nagtanong, “Bakit po nag-aayuno ang mga alagad ni Juan Bautista at ang mga alagad ng mga Pariseo, ngunit ang mga alagad ninyo’y hindi?” Sumagot si Hesus, “Makapag-aayuno ba ang panauhin sa kasalan samantalang kasama nila ang lalaking ikinasal? Hindi! Kapag wala na ang ikinasal, saka pa lamang sila mag-aayuno.

“Walang nagtatagpi ng bagong kayo sa lumang kasuutan; pag urong ng bagong kayo, mababatak ang luma at lalong lalaki ang punit. Wala rin naman nagsisilid ng bagong alak sa lumang sisidlang-balat, sapagkat papuputukin ng alak ang balat. Kapwa masasayang ang alak at ang sisidlan. Bagong alak, bagong sisidlang-balat!”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN
Ikalawang Linggo sa Karaniwang Panahon
Lunes

Manalangin tayo sa Diyos Ama upang mailapit niya tayo sa pinahahalagahan ng Ebanghelyo upang mapanibago ang Simbahan at ang sandaigdigan:

Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon ng banal na piging, panibaguhin Mo kami.

Ang Simbahan, ang Bayan ng Diyos at ang mga pinunong lingkod nito nawa’y sundin ang udyok ng Espiritu Santo na ipahayag sa mga tao sa ngayon ang laging napapanahong mensahe ng Ebanghelyo, manalangin tayo sa Panginoon.

Sa mga pinagkalooban ng tungkuling pangangasiwa, paggawa ng batas, at panghuhukom sa lipunan nawa’y lagi nilang ilagay ang pangkalahatang kabutihan ng tao higit pa sa ipinatutupad ng batas, manalangin tayo sa Panginoon.

Tayong lahat nawa’y maging bukas ang mga puso sa mapagligtas na kapangyarihan ng Diyos kay Kristo sapagkat higit na mahalaga ito sa alinmang sinaunang relihiyosong kaugalian, manalangin tayo sa Panginoon.

Tayong lahat nawa’y maging mga daan ng mapagmahal na pag-aaruga ng Panginoon sa mga may karamdaman sa pamamagitan ng ating pagbibigay ng kalinga at malasakit, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga pumanaw nawa’y makatagpo ng walang hanggang kapayapaan sa piling ng Panginoong Muling Nabuhay, manalangin tayo sa Panginoon.

Ama naming nasa Langit, pakinggan mo ang aming mga panalangin at turuan mo kaming mamuhay bilang bagong sambayanang pinalaya sa pamamagitan ng pag-ibig ni Jesu-kristong aming Panginoon. Amen.

Veritas Editorial

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Nasasayang na oras

 60,825 total views

 60,825 total views Mga Kapanalig, ilang oras ang nasasayang ninyo tuwing naiipit kayo sa matinding trapik? Ayon sa TomTom Traffic Index, umabot sa 143 hours—o katumbas

Read More »

Wakasan ang political dynasties!

 79,174 total views

 79,174 total views Mga Kapanalig, sa wakas, tinatalakay na ng Kongreso ang Anti-Political Dynasty Bill! Layunin ng panukalang batas na wakasan ang pamamayagpag ng iilang pamilya

Read More »

Nasaan ang mga “makabayan”?

 97,458 total views

 97,458 total views Mga Kapanalig, may pagbabanta ang China sa mga senador at opisyal ng gobyerno na dumedepensa sa West Philippine Sea.  Sa isang statement na

Read More »

Wala ba talagang due process?

 252,264 total views

 252,264 total views Mga Kapanalig, balik-kulungan si dating Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. Ipinag-utos ng Sandiganbayan ang pansamantalang pagkulong kay dating Senador Revilla kaugnay ng kasong

Read More »

Mas maliwanag na bukas?

 296,711 total views

 296,711 total views Mga Kapanalig, ipinagdiriwang ng pamahalaan ang makasaysayang pagtuklas ng natural gas sa Malampaya East-1 (o MAE-1) reservoir sa karagatan ng Palawan. Ang MAE-1

Read More »

Watch Live

RELATED TOPICS

Lunes, Pebrero 9, 2026

 105 total views

 105 total views Lunes ng Ika-5 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) 1 Hari 8, 1-7. 9. 13 Salmo 131, 6-7. 8-10 Poong Makapangyarihan, kami’y iyong panahanan.

Read More »

Linggo, Pebrero 8, 2026

 875 total views

 875 total views Ika-5 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) Isaias 58, 7-10 Salmo 111, 4-5. 6-7. 8a at 9 Sa dilim ay may liwanag sa tao

Read More »

Sabado, Pebrero 7, 2026

 1,632 total views

 1,632 total views Sabado ng Ika-4 na Linggo sa Karaniwang Panahon (II) o kaya Paggunita sa Mahal na Birheng Maria tuwing Sabado 1 Hari 3, 4-13 Salmo

Read More »

Biyernes, Pebrero 6, 2026

 2,305 total views

 2,305 total views Paggunita kina San Pedro Bautista, San Pablo Miki at mga Kasama, mga martir Sirak 47, 2-13 (gr. 2-11) Salmo 17, 31. 47 at

Read More »

Huwebes, Pebrero 5, 2026

 2,994 total views

 2,994 total views Paggunita kay Santa Agata (Agueda), dalaga at martir 1 Hari 2, 1-4. 10-12 1 Mga Cronica 29, 10. 11ab. 11d-12a. 12bkd. D’yos na

Read More »

SUPPORT OUR MISSION

BECOME A KAPANALIG MEMBER AND EUCHARISTIC ADVOCATE!

CATHOLINK

THE PHILIPPINES CATHOLIC CHURCH ONLINE DIRECTORIES

Scroll to Top