2,297 total views
Kapistahan ni Apostol Santo Tomas
Efeso 2, 19-22
Salmo 116, 1. 2
Humayo’t dalhin sa tanan
Mabuting Balitang aral.
Juan 20, 24-29
Feast of St. Thomas, Apostle (Red)
UNANG PAGBASA
Efeso 2, 19-22
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Efeso
Mga kapatid, hindi na kayo dayuhan o taga-ibang bansa, kundi kababayan ng mga hinirang ng Diyos at kabilang sa kanyang sambahayan. Kayo’y itinayo rin sa saligan ng mga apostol at mga propeta, na ang batong panulukan ay si Kristo Hesus. At sa pamamagitan niya, nagkakaugnay-ugnay ang bawat bahagi ng gusali at nagiging isang templong banal. Dahil din sa inyong pakikipag-isa sa kanya, kayo ma’y kasama nilang naging bahagi ng tahanan ng Diyos sa pamamagitan ng Espiritu.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 116. 1. 2.
Humayo’t dalhin sa tanan
Mabuting Balitang aral.
Purihin ang Panginoon!
Dapat na purihin ng lahat ng bansa,
siya ay purihin
ng lahat ng tao sa balat ng lupa.
Humayo’t dalhin sa tanan
Mabuting Balitang aral.
Pagkat ang pag-ibig
na ukol sa ati’y dakila at wagas,
at ang katapatan niya’y walang wakas.
Humayo’t dalhin sa tanan
Mabuting Balitang aral.
ALELUYA
Juan 20, 29
Aleluya! Aleluya!
Mapalad at maligaya
Ang sumasampalataya
Sa di nakita ng mata!
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 20, 24-29
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Si Tomas na tinaguriang Kambal, isa sa Labindalawa, ay hindi nila kasama nang dumating si Hesus. Kaya’t sinabi sa kanya ng ibang alagad, “Nakita namin ang Panginoon!” Sumagot si Tomas, “Hindi ako maniniwala hangga’t di ko nakikita ang butas ng mga pako sa kanyang mga kamay, at naisusuot dito ang aking daliri, at hangga’t hindi ko naipapasok ang aking kamay sa kanyang tagiliran.”
Makalipas ang walong araw, muling nagkatipon sa loob ng bahay ang mga alagad, kasama nila si Tomas. Nakapinid ang mga pinto, ngunit pumasok si Hesus at tumayo sa gitna nila. Sinabi niya, “Sumainyo ang kapayapaan!” Saka sinabi kay Tomas, “Tingnan mo ang aking mga kamay at ilapit dito ang iyong daliri. Ipasok mo ang iyong kamay sa aking tagiliran. Huwag ka nang mag-alinlangan, maniwala ka na.” Sumagot si Tomas, “Panginoon ko at Diyos ko!” Sinabi sa kanya ni Hesus, “Naniniwala ka na ba sapagkat nakita mo ako? Mapapalad ang mga naniniwala kahit hindi nila ako nakita.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Hulyo 3
Apostol Santo Tomas
Taglay ang pananampalataya ni Kristong Muling Nabuhay, na ang mga sugat ang tanda ng kanyang tagumpay, ilapit natin ang ating mga kahilingan sa Ama ng habag.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, tulungan mo kami sa aming kahinaan.
Bilang isang Simbahan, nawa’y hindi tayo magkulang sa pagpapahayag ng ating pananampalataya sa mga taong hindi sumasampalataya, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang Simbahan sa Asya nawa’y magkaroon ng paglago, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga nakalugmok sa pagiging makasalanan at kawalan ng pananampalataya nawa’y mapangibabawan ang kanilang pag-aalinlangan at yakapin ang tunay na pananampalataya, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga nabibigatan sa buhay, lalo na ang mga maysakit at nangungulila, nawa’y magtamasa ng kagalakan ng Muling Pagkabuhay ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga namayapang tapat sa Panginoon nawa’y makabahagi sa kaluwalhatian ng buhay na walang hanggan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama, sa pagluluhog namin sa iyo ng aming mga kahilingan, palalimin mo ang aming pananampalataya, upang tulad ni Santo Tomas, ibigin at sambahin namin ang iyong Anak na nabubuhay at naghahari magpasawalang hanggan. Amen.