Lunes, Hulyo 7, 2025

SHARE THE TRUTH

 3,105 total views

Lunes ng Ika-14 na Linggo sa Karaniwang Panahon (I)

Genesis 28, 10-22a
Salmo 90, 1-2. 3-4. 14-15ab

D’yos kong tapat at totoo,
ikaw lang ang pag-asa ko.

Mateo 9, 18-26

Monday of the Fourteenth Week in Ordinary Time (Green)

UNANG PAGBASA
Genesis 28, 10-22a

Pagbasa mula sa aklat ng Genesis

Noong mga araw na iyon, umalis si Jacob sa Beer-seba at nagpunta sa Haran. Inabot siya nang paglubog ng araw sa isang lugar at minabuti niyang doon na magpalipas ng gabi. Isang bato ang inunan niya sa kanyang pagtulog. Nang gabing yaon, siya’y nanaginip. May nakita siyang hagdan na abot sa langit at nagmamanhik manaog doon ang mga anghel. Walang anu-ano’y nakita niya ang Panginoon sa tabi niya. Wika sa kanya, “Ako ang Panginoon, ang Diyos ni Abraham at ni Isaac. Ang lupang ito na iyong hinihigan ay ibibigay ko sa iyo at sa iyong lahi. Darami sila na parang alikabok sa lupa at malalaganapan nila ang apat na sulok ng daigdig. Sa pamamagitan mo at ng iyong lahi, pagpapalain ang lahat ng bansa. Tandaan mo, susubaybayan kita at ipagtatanggol saan ka man magpunta, at ibabalik kita sa lupaing ito. Hindi kita hihiwalayan hanggang sa matupad ang lahat ng sinabi ko sa iyo.”

Nagising si Jacob at ang sabi, “Hindi ko alam na narito pala ang Panginoon! Nakapangingilabot ang lugar na ito; ito ang bahay ng Diyos at pintuan ng kalangitan.”

Maagang gumising si Jacob nang umagang iyon. Kinuha niya ang inunang bato at itinayo bilang isang alaala. Binusan niya ito ng langis at itinalaga sa Diyos. Tinawag niyang Betel ang lugar na yaon na dati’y tinatawag na Luz. Nangako si Jacob nang ganito: “O Diyos, kung ako’y sasamahan ninyo at iingatan sa paglalakbay na ito, pakakani’t pararamtan, at makababalik na muli sa bahay ng aking ama, kayo po ang magiging Diyos ko. Sasambahin kayo sa lugar na ito na pinagtayuan ko ng bataong alaalang ito, at iaalay ko sa inyo ang ikapu ng anumang ipinagkakaloob ninyo sa akin.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 90, 1-2. 3-4. 14-15ab

D’yos kong tapat at totoo,
ikaw lang ang pag-asa ko.

Siyang naghahangad ng pagkupkop ng Kataas-taasan,
at nananatili sa kalinga niyong Makapangyarihan;
makapagsasabi sa kanyang Panginoon:
“Muog ko’t tahanan, Ikaw ang aking Diyos,
ang Diyos na tangi kong pinagtiwalaan.”

D’yos kong tapat at totoo,
ikaw lang ang pag-asa ko.

Ika’y ililigtas niya sa panganib, sa umang na bitag,
at kahit ano mang mabigat na salot di ka magdaranas.
Lulukuban niya sa lilim ng kanyang malabay na pakpak,
sa kalinga niya ay natitiyak mo na ikaw ay ligtas;
iingatan niya’t ipagsasanggalang, pagkat siya’y tapat.

D’yos kong tapat at totoo,
ikaw lang ang pag-asa ko.

Ang sabi ng Diyos, “Aking ililigtas ang tapat sa akin,
at iingatan ko ang sinumang taong ako’y kikilanlin.
Pag sila’y tumawag, laging handa ako na sila’y pakinggan,
aking sasamahan at kung may hilahil ay sasaklolohan.

D’yos kong tapat at totoo,
ikaw lang ang pag-asa ko.

ALELUYA
2 Timoteo 1, 10

Aleluya! Aleluya!
Si Kristo ay nagtagumpay
nalupig ang kamatayan
nagningning ang pagkabuhay.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Mateo 9, 18-26

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, samantalang nagsasalita si Hesus, may dumating na isang pinuno ng mga Judio. Lumuhod ito sa harapan niya at ang sabi, “Kamamatay lang po ng aking anak na babae; ngunit sumama lamang kayo sa akin at ipatong ang inyong kamay sa kanya ay mabubuhay siya.” Tumindig si Hesus at sumama sa kanya, gayun din ang kanyang mga alagad.

Sumunod din ang isang babaing may labindalawang taon nang dinudugo. Lumapit ito sa likuran ni Hesus at hinipo ang laylayan ng kanyang damit. Sapagkat sinabi niya sa sarili, “Mahipo ko lang ang kanyang damit ay gagaling na ako.” Bumaling si Hesus at pagkakita sa kanya’y sinabi, “Anak, lakasan mo ang iyong loob! Pinagaling ka ng iyong pananalig.” Noon di’y gumaling ang babae.

Nang dumating si Hesus sa bahay ng pinuno, nakita niya ang mga manunugtog ng plauta at ang maraming taong nagkakaingay. Sinabi niya, “Magsilabas kayo! Hindi patay ang bata; natutulog lang!” At siya’y pinagtawanan nila. Ngunit nang mapalabas na ang mga tao, pumasok siya, hinawakan sa kamay ang bata at ito’y nagbangon. At ang balita tungkol sa pangyayaring ito ay kumalat sa buong lupaing iyon.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN
Ika-14 Linggo sa Karaniwang Panahon
Lunes

Hindi ninais ng Diyos ang ating kamatayan. Nilikha niya tayo para sa buhay ngunit mas pinili natin ang kamatayan sa bawat pagkakasala natin. Si Kristong Tagapagligtas ang nagbabalik sa atin sa buhay, at lumalapit tayo sa Ama sa pamamagitan niya.

Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama ng buhay, pakinggan mo kami.

Ang Simbahan nawa’y maging tanda ng gawaing mapagpagaling ni Kristo sa pamamagitan ng pagmamalasakit sa mga may karamdaman sa katawan, isip, at diwa, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga doktor at mga naras, at yaong mga nag-aalaga ng mga maysakit nawa’y magpakita ng habag at kahinahunan ni Kristo sa pag-aaruga sa mga maliliit nating mga kapatid, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga taong nagdurusa sa kahirapan nawa’y lumapit kay Jesus na naging hamak para sa atin, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga pusong wasak nawa’y mapaghilom natin sa pamamagitan ng ating mabubuting gawa at salitang nagdudulot ng kasiyahan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga namayapa nawa’y masiyahan sa makinang na bukang-liwayway ng buhay na walang hanggan, manalangin tayo sa Panginoon.

Diyos Ama, patuloy mo kaming hilumin sa lahat ng masama, at hayaan mong ang iyong kabutihan ang magliwanag sa amin sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Jesu-Kristong aming Panginoon. Amen.

Veritas Editorial

Picture of Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Ang fourth estate

 67,731 total views

 67,731 total views Mga Kapanalig, may apat na institusyong itinuturing na haligi o pillars of democracy. Kabilang dito ang tatlong sangay ng gobyerno—ang ehekutibo, ang lehislatura,

Read More »

Bantay ng bayan

 111,339 total views

 111,339 total views Mga Kapanalig, dahil na rin sa pang-aabuso sa kapangyarihan ng mga nasa pamahalaan noong isinailalim ang Pilipinas sa batas militar o martial law,

Read More »

BAGSAK ANG MAHIHIRAP

 194,222 total views

 194,222 total views Kapanalig, sa mataas na halaga ng mga produktong petrolyo, sino ang pinaka-apektado? Kapanalig, sa patuloy na pagtaas ng halaga ng mga produktong petrolyo

Read More »

SHORT CHANGE

 206,231 total views

 206,231 total views Kapanalig, sinasabi ng Merriam dictionary…, ibig sabihin ng “short change” ay to deprive of or give less than something due: CHEAT Sa kabila

Read More »

Watch Live

RELATED TOPICS

Biyernes, Mayo 15, 2026

 3,418 total views

 3,418 total views Paggunita kay San Isidro, magsasaka Mga Gawa 18, 9-18 Salmo 46, 2-3. 4-5. 6-7 Hari ng sangkalupaan D’yos na Makapangyarihan. Juan 16, 20-23a

Read More »

Huwebes, Mayo 14, 2026

 4,599 total views

 4,599 total views Kapistahan ni Apostol San Matias Mga Gawa 1, 15-17. 20-26 Salmo 112, 1-2. 3-4. 5-6. 7-8 Hinirang ng D’yos ay dinangal sa piling

Read More »

Miyerkules, Mayo 13, 2026

 6,868 total views

 6,868 total views Miyerkules sa Ika-6 na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay Mga Gawa 17, 15. 22 – 18, 1 Salmo 148, 1-2. 11-12ab. 12k-14a. 14bkd

Read More »

Martes, Mayo 12, 2026

 5,984 total views

 5,984 total views Martes sa Ika-6 na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay o kaya Paggunita kina San Nereo at San Achiles, mga martir o kaya Paggunita kay San

Read More »

Lunes, Mayo 11, 2026

 5,996 total views

 5,996 total views Lunes sa Ika-6 na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay Mga Gawa 16, 11-15 Salmo 149, 1-2. 3-4. 5-6a at 9b Panginoo’y nagagalak sa

Read More »

SUPPORT OUR MISSION

BECOME A KAPANALIG MEMBER AND EUCHARISTIC ADVOCATE!

CATHOLINK

THE PHILIPPINES CATHOLIC CHURCH ONLINE DIRECTORIES

Scroll to Top