LUNES, HUNYO 19, 2023

SHARE THE TRUTH

 2,396 total views

Lunes ng Ika-11 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)

o kaya Paggunita kay San Romualdo, abad

2 Corinto 6, 1-10
Salmo 97, 1. 2-3ab. 3kd-4

Ang D’yos na rin ang naghayag
ng handog n’yang pagliligtas.

Mateo 5, 38-42

Monday of the Eleventh Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of St. Romuald, Abbot (White)

UNANG PAGBASA
2 Corinto 6, 1-10

Pagbasa mula sa ikalawang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto

Mga kapatid, yamang kami’y mga katulong sa gawain ng Diyos, ipinamamanhik namin sa inyo na huwag ninyong sayangin ang pagkakataong ibinibigay sa atin ng Diyos. Sapagkat sinasabi niya:

“Sa kaukulang panahon ay pinakinggan kita,
Sa araw ng pagliligtas, sinaklolohan kita.” Tingnan ninyo! Ngayon na ang panahong nararapat! Ngayon ang araw ng pagliligtas!

Iniwasan kong makagawa ng anumang ipagdaramdam ninuman upang hindi mapulaan ang aking paglilingkod. Sa halip, ipinakikilala ko sa lahat ng paaraan na ako’y lingkod ng Diyos: sa pagtitiis ng kahirapan, kapighatian, at mga kagipitan. Ako’y hinagupit, ibinilanggo at binugbog. Naranasan ko ang magtrabaho nang labis, ang di matulog magdamag, ang di kumain ng ilang araw. Ipinakilala kong ako’y lingkod ng Diyos sa pamamagitan ng malinis na pamumuhay, kaalaman, pagpapahinuhod, kabutihang-loob, ganoon din sa pamamagitan ng Espiritu Santo, tapat na pag-ibig, tapat na pananalita at kapangyarihan ng Diyos. Ang katuwiran ang siya kong sandatang panlaban at pananggalang. Naranasan kong parangalan at siraang-puri, laitin at papurihan. Ako’y itinuring na sinungaling, gayong katotohanan ang aking sinasabi. Ako’y itinuring na di kilala kahit kilalang-kilala; halos mamamatay na, ngunit malakas na malakas. Kahit ako’y pinarurusahan, hindi ako namamatay; inaring hapis na hapis, gayunma’y laging nagagalak; mukhang mahirap, ngunit nagpapayaman sa marami; waring walang-wala, ngunit akin ang lahat ng bagay.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 97, 1. 2-3ab. 3kd-4

Ang D’yos na rin ang naghayag
ng handog n’yang pagliligtas.

Umawit ng bagong awit at sa Poon ay ialay,
pagkat yaong ginawa n’ya ay kahanga-hangang tunay!
Sa sariling lakas niya at taglay na kabanalan,
walang hirap na natamo yaong hangad na tagumpay.

Ang D’yos na rin ang naghayag
ng handog n’yang pagliligtas.

Ang tagumpay niyang ito’y siya na rin ang naghayag,
sa harap ng mga bansa’y nahayag ang pagliligtas.
Ang pangako sa Israel lubos niyang tinutupad.

Ang D’yos na rin ang naghayag
ng handog n’yang pagliligtas.

Tapat siya sa kanila at ang pag-ibig ay wagas.
Ang tagumpay ng ating Diyos kahit saan ay namalas!
Magkaingay na may galak, yaong lahat sa daigdig;
ang Poon ay buong galak na purihin sa pag-awit!

Ang D’yos na rin ang naghayag
ng handog n’yang pagliligtas.

ALELUYA
Salmo 118, 105

Aleluya! Aleluya!
Ang salita mo’y liwanag,
tanglaw sa aking paglakad,
sa paghakbang sa ‘yong landas.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Mateo 5, 38-42

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Narinig ninyo na sinabi: ‘Mata sa mata at ngipin sa ngipin.’ Ngunit ngayo’y sinasabi ko sa inyo: huwag ninyong labanan ang masamang tao. Kung may sumampal sa iyo sa kanang pisngi, iharap mo pa sa kanya ang kabila. Kung ipagsakdal ka ninuman upang makuha ang iyong baro, ibigay mo sa kanya pati ang iyong balabal. Kung sapilitang ipapasan sa iyo ng manlulupig ang kanyang dala nang isang kilometro, pasanin mo ito nang dalawang kilometro. Magbigay ka sa nanghihingi sa iyo, at huwag mong pahindian ang nanghihiram sa iyo.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN
Ika-11 Linggo sa Karaniwang Panahon
Lunes

Napakabuti sa atin ng ating mapagmahal na Ama. Manalangin tayo sa kanyang mahabaging pag-ibig na nagbunsod ng ating mabuting pakikitungo sa ating kapwa.

Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama, gawin mo kaming ganap sa iyong pag-ibig.

Bilang Bayan ng Diyos, nawa’y maisabuhay natin ang batas ng pag-ibig ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang ating mga kaaway maging yaong mga nakasakit at nakagawa sa atin ng masama sa anumang paraan nawa’y mapatawad natin, manalangin tayo sa Panginoon.

Atin nawang maiwasan ang pagkakahiwa-hiwalay at pagka-makasarili para maiwaksi ang kasamaan sa pamamagitan ng paggawa ng kabutihan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga pinaging-manhid na ng pagkakasala nawa’y hipuin ng Espiritu ng Panginoon upang magbalik-loob sila at magbagumbuhay, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang ating mga mahal na yumao nawa’y ligtas na maakay pauwi sa piling ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.

Panginoon ng sambayanan, habang aming itinataas ang mga panalanging ito, tulungan mo kaming magkakasamang lumago at mapaglabanan ang pagkakaaway-away at hindi pagkakasundo. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.

Veritas Editorial

Picture of Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Isa pang state of emergency

 31,006 total views

 31,006 total views Mga Kapanalig, nagdeklara na si Pangulong Bongbong Marcos ng state of national energy emergency sa gitna ng krisis sa langis matapos ang ilang

Read More »

Krisis sa bukid at laot

 31,006 total views

 31,006 total views Mga Kapanalig, sa gitna ng pagdaigdigang krisis sa langis, hindi sumasabay ang lawak ng tulong mula sa gobyerno sa laki ng pangangailangan ng

Read More »

Ano tayo pagkatapos ng krisis?

 31,006 total views

 31,006 total views Mga Kapanalig, “kinamatayan na lang ang ayuda.” Ganito inumpisahan ang balita tungkol kay Tatay Jimmy na tatlong dekada nang namamasada ng tricycle sa

Read More »

Ang kalikasan ay may karapatan

 29,952 total views

 29,952 total views Mga Kapanalig, paano kung ang pagkalbo ng kagubatan, pagbuga ng polusyon, at pagsira sa dagat ay hindi na lang simpleng paglabag sa batas

Read More »

Patibong ng kasamaan

 27,212 total views

 27,212 total views Mga Kapanalig, hindi laging lantad ang kasamaan. Minsan nag-aanyo itong mabuti, maamo, at inosente. Ayon sa 2 Corinto 11:14, “…si Satanas man ay

Read More »

Watch Live

RELATED TOPICS

Sabado, Marso 7, 2026

 1,730 total views

 1,730 total views Sabado sa Ika-2 Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda Mikas 7, 14-15. 18-20 Salmo 102, 1-2. 3-4. 9-10. 11-12 Ang ating mahabaging D’yos

Read More »

Biyernes, Marso 6, 2026

 1,730 total views

 1,730 total views Biyernes sa Ika-2 Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda Genesis 37, 3-4. 12-13a. 17b-28 Salmo 104, 16-17. 18-19. 20-21 Gunitain nang malugod ang

Read More »

Huwebes, Marso 5, 2026

 1,730 total views

 1,730 total views Huwebes sa Ika-2 Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda Jeremias 17, 5-10 Salmo 1, 1-2. 3. 4 at 6 Mapalad ang umaasa sa

Read More »

Miyerkules, Marso 4, 2026

 675 total views

 675 total views Miyerkules sa Ika-2 Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda Jeremias 18, 18-20 Salmo 30, 5-6. 14. 15-16 Pag-ibig mo’y walang maliw kaya’t ako’y

Read More »

Martes, Marso 3, 2026

 675 total views

 675 total views Martes sa Ika-2 Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda Isaias 1, 10. 16-20 Salmo 49, 8-9. 16bk-17. 21 at 23 Ang masunurin sa

Read More »

SUPPORT OUR MISSION

BECOME A KAPANALIG MEMBER AND EUCHARISTIC ADVOCATE!

CATHOLINK

THE PHILIPPINES CATHOLIC CHURCH ONLINE DIRECTORIES

Scroll to Top