Veritas PH

The WORD. The TRUTH.

LUNES, NOBYEMBRE 28, 2022

SHARE THE TRUTH

 2,124 total views

Lunes ng Unang Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon

Isaias 2, 1-5
Salmo 121, 1-2. 3-4a. (4b-5. 6-7.) 8-9

Masaya tayong papasok
sa tahanan ng Poong D’yos.

Mateo 8, 5-11

Monday of the First Week of Advent (Violet)

UNANG PAGBASA
Isaias 2, 1-5

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias

Ito ang pangitain ni Isaias na anak ni Amoz tungkol sa Juda at sa Jerusalem:

Sa mga huling araw,
ang bundok na kinatatayuan ng Templo ng Panginoon
Ay mamumukod sa taas sa lahat ng bundok.
Daragsa sa kanya ang lahat ng bansa.
Ang maraming taong lalapit sa kanya ay magsasabi ng ganito:
“Halikayo, umahon tayo sa bundok ng Panginoon, sa Templo ng Diyos ni Jacob,
upang malaman natin ang kanyang mga daan at matuto tayong lumakad sa kanyang mga landas.
Sapagkat sa Sion magmumula ang Kautusan, at sa Jerusalem, ang salita ng Panginoon.”
Siya ang mamamagitan sa mga bansa at magpapairal ng kapayapaan.
Kung magkagayon, gagawin na nilang sudsod ang kanilang mga tabak,
at karit ang kanilang mga sibat.
Wala nang magsasanay sa pakikibaka at mawawala na ang mga digmaan.
Halina kayo, sambahayan ni Jacob, at tayo’y lumakad sa liwanag ng Panginoon.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 121, 1-2. 3-4a. (4b-5. 6-7.) 8-9

Masaya tayong papasok
sa tahanan ng Poong D’yos.

Ako ay nagalak, sa sabing ganito:
“Sa bahay ng Poon ay pumasok tayo!”
Sama-sama kami matapos sapitin,
ang pintuang-lungsod nitong Jerusalem.

Masaya tayong papasok
sa tahanan ng Poong D’yos.

Yaong Jerusalem, kay ganda ng anyo,
maganda ang ayos nang muling matayo.
Dito umaahon ang lahat ng angkan,
lipi ni Israel upang magsambahan.

Masaya tayong papasok
sa tahanan ng Poong D’yos.

Ang hangad, ang Poon ay pasalamatan,
pagkat ito’y utos na dapat gampanan.
Doon din naroon ang mga hukuman
at trono ng haring hahatol sa tanan.

Masaya tayong papasok
sa tahanan ng Poong D’yos.

Ang kapayapaan nitong Jerusalem,
sikaping ang poon yao’y idalangin:
“Ang nangagmamahal sa iyo’y pagpalain.
Pumayapa nawa ang banal na bayan,
at ang palasyo mo ay maging tiwasay.”

Masaya tayong papasok
sa tahanan ng Poong D’yos.

Dahilan sa aking kasama’t katoto,
sa ‘yo Jerusalem, ang sabi ko’y ito:
“Ang kapayapaa’y laging sumaiyo.”
Dahilan sa templo ng Poon, ating Diyos,
ang aking dalangi’y umunlad kang lubos.

Masaya tayong papasok
sa tahanan ng Poong D’yos.

ALELUYA
Salmo 79, 4

Aleluya! Aleluya!
Halina’t kami’y sagipin
Panginoong Diyos namin
Manunubos na maningning.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Mateo 8, 5-11

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, pagpasok ni Hesus sa Capernaum, lumapit ang isang kapitang Romano at nakiusap sa kanya: “Ginoo, ang alipin ko po’y naparalisis. Siya’y nararatay sa amin at lubhang nahihirapan.” “Paroroon ako at pagagalingin siya,” sabi ni Hesus. Ngunit sumagot sa kanya ang kapitan, “Ginoo, hindi po ako karapat-dapat na puntahan pa ninyo sa aking bahay. Sabihin po lamang ninyo at gagaling na ang aking alipin. Ako’y nasa ilalim ng mga nakatataas na pinuno, at ako naman ay may nasasakupang mga kawal. Kung sabihin ko sa isa, ‘Humayo ka!’ siya’y humahayo; at sa iba, ‘Halika!’ siya’y lumalapit; at sa aking alipin, ‘Gawin mo ito!’ at ginagawa niya.” Namangha si Hesus nang marinig ito, at sinabi niya sa mga taong sumusunod sa kanya, “Sinasabi ko sa inyo, na hindi ako nakatagpo kahit sa Israel ng ganito kalaking pananalig. Tandaan ninyo: marami ang darating buhat sa silangan at kanluran at dudulog sa hapag na kasalo nina Abraham, Isaac at Jacob sa kaharian ng langit.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN
Unang Linggo ng Adbiyento
Lunes

Sa pagpasok natin sa panahon ng Adbiyento, idalangin natin nang buong puso sa Diyos na ating Ama na ang pagkakataong ito ay maging bagong simula ng biyaya na magbubunga ng kapakinabangan para sa atin.

Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Diyos ng awa, dinggin mo ang aming panalangin.

Ang mga naglilingkod sa Simbahan nawa’y makapaghatid ng liwanag ng Ebanghelyo sa buong sangkatauhan, manalangin tayo sa Panginoon.

Sa ating sariling buhay nawa’y maipakita natin sa mga nangangailangan ang ating tulong na pag-ibig at habag katulad nang ipinamalas ng kapitan ng mga sundalong Romano sa kanyang utusan, manalangin tayo sa Panginoon.

Atin nawang unawain at tanggapin ang mga taong iba ang lahi at pananampalataya kaysa sa atin, manalangin tayo sa Panginoon.

Sa kanilang pagdurusa, ang mga matatanda, mga nangungulila, at mga maysakit nawa’y paginhawahin ng pag-ibig ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga kapatid nating namayapa na, nawa’y makatagpo ang Panginoon na pinanabikan nilang makapiling, manalangin tayo sa Panginoon.

Ama naming Diyos, tulungan mo kaming lumago sa pagkamahabagin at makapagbigay ng pag-asa sa lahat ng nakadadaupang-palad namin. Ilapit nawa kami ng panahong ito ng Adbiyento sa iyo at sa isa’t isa habang masaya naming hinihintay nang may buong pag-asa ang pagdating ng iyong Anak, ang aming Tagapagligtas na si Jesu-Kristo na aming Panginoon. Amen.

Veritas Editorial

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Wala ba talagang due process?

 132,219 total views

 132,219 total views Mga Kapanalig, balik-kulungan si dating Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. Ipinag-utos ng Sandiganbayan ang pansamantalang pagkulong kay dating Senador Revilla kaugnay ng kasong

Read More »

Mas maliwanag na bukas?

 176,759 total views

 176,759 total views Mga Kapanalig, ipinagdiriwang ng pamahalaan ang makasaysayang pagtuklas ng natural gas sa Malampaya East-1 (o MAE-1) reservoir sa karagatan ng Palawan. Ang MAE-1

Read More »

Seryosohin ang pagpapanagot

 208,153 total views

 208,153 total views Mga Kapanalig, nai-file na sa House of Representatives ang kauna-unahang impeachment complaint laban kay Pangulong Bongbong Marcos, Jr. mula nang umupo siya sa

Read More »

Trahedya sa basura

 223,956 total views

 223,956 total views Mga Kapanalig, isang trahedya ang pagguho ng Binaliw landfill sa Cebu City ngayong Zero Waste Month pa naman. Noong ika-8 ng Enero, gumuho

Read More »

Tunay na kaunlaran

 245,732 total views

 245,732 total views Mga Kapanalig, ilang barikada pa kaya ang itatayo ng mga residente ng bayan ng Dupax del Norte sa Nueva Vizcaya upang protektahan ang

Read More »

Watch Live

RELATED TOPICS

Martes, Pebrero 3, 2026

 117 total views

 117 total views Martes ng Ika-4 na Linggo sa Karaniwang Panahon (II) o kaya Paggunita kay San Blas, obispo at martir o kaya San Anscar (Oscar), martir 2

Read More »

Lunes, Pebrero 2, 2026

 292 total views

 292 total views Kapistahan ng Pagdadala kay Hesus na Panginoon sa Templo Malakias 3, 1-4 Salmo 23, 7. 8. 9. 10. D’yos na makapangyariha’y dakilang hari

Read More »

Linggo, Pebrero 1, 2026

 292 total views

 292 total views Ika-4 na Linggo sa Karaniwang Panahon (A) Sofonias 2, 3; 3, 12-13 Salmo 145, 7. 8-9a. 9bk-10 Mga aba ay mapalad, D’yos ang

Read More »

Martes, Setyembre 30, 2025

 88,090 total views

 88,090 total views Paggunita kay San Jeronimo, pari at pantas ng Simbahan Zacarias 8, 20-23 Salmo 86, 1-3. 4-5. 6-7 Ang ating Panginoong D’yos ay kapiling

Read More »

Lunes, Setyembre 29, 2025

 88,294 total views

 88,294 total views Kapistahan nina Arkanghel San Miguel, San Gabriel at San Rafael Daniel 7, 9-10. 13-14 o kaya Pahayag 12, 7-12a Salmo 137, 1-2a, 2bk-3, 4-5

Read More »

SUPPORT OUR MISSION

BECOME A KAPANALIG MEMBER AND EUCHARISTIC ADVOCATE!

CATHOLINK

THE PHILIPPINES CATHOLIC CHURCH ONLINE DIRECTORIES

Scroll to Top