5,631 total views
Lunes ng Ika-30 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
Roma 8, 12-17
Salmo 67, 2 at 4. 6-7ab. 20-21
Ang ating Panginoong D’yos
gawa’y magligtas na lubos.
Lucas 13, 10-17
Monday of the Thirtieth Week in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
Roma 8, 12-17
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Roma
Mga kapatid, hindi na tayo alipin ng likas na hilig ng laman, kaya hindi na tayo dapat mamuhay ayon sa laman. Sapagkat mamamatay kayo kung namumuhay kayo sa laman ngunit kung pinapatay ninyo sa pamamagitan ng Espiritu Santo ang mga gawa ng laman, mabubuhay kayo. Ang lahat ng pinapatnubayan ng Espiritu ng Diyos ay mga anak ng Diyos. Sapagkat hindi kayo tumanggap ng espiritu ng pagkaalipin upang muling matakot. Ang tinanggap ninyo ay espiritu ng pagiging anak, at ito ang nagbibigay sa atin ng karapatang tumawag ng “Ama! Ama ko!” Ang Espiritu nga ang nagpapatotoo, kasama ng ating espiritu, na tayo’y mga anak ng Diyos. At yamang mga anak, tayo’y mga tagapagmana ng Diyos at kasamang tagapagmana ni Kristo. Sapagkat kung tayo’y nakikipagtiis sa kanya, tayo’y dadakilain ding kasama niya.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 67, 2 at 4. 6-7ab. 20-21
Ang ating Panginoong D’yos
gawa’y magligtas na lubos.
O mag-alsa sana ang Diyos, ang kaaway pakalatin,
at ang mga namumuhi’y tumakas sa kanyang piling!
Ang lahat ay nagagalak, natutuwa ang matuwid;
sa harapan nitong Diyos, galak nila’y di malirip.
Ang ating Panginoong D’yos
gawa’y magligtas na lubos.
Ang Diyos na naroon sa tahanan niyang templo,
tumitingin sa ulila’t sanggalang ng mga balo.
May tahanan siyang laan sa sinumang nalulungkot,
ang bilanggo’y hinahango upang sila ay malugod.
Ang ating Panginoong D’yos
gawa’y magligtas na lubos.
Purihin ang Panginoon, ang Diyos nating nagliligtas
at may dala araw-araw, ng pasanin nating hawak.
Ang ating Diyos ay isang Diyos na ang gawa ay magligtas,
ang Diyos ang Panginoon, Panginoon nating lahat!
Sa bingit ng kamataya’y hinahango tayo agad.
Ang ating Panginoong D’yos
gawa’y magligtas na lubos.
ALELUYA
Juan 17, 17b. a
Aleluya! Aleluya!
Amang D’yos ni Hesukristo,
ang salita mo’y totoo
kami ay pabanalin mo.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 13, 10-17
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, si Hesus ay nagtuturo sa isang sinagoga sa Araw ng Pamamahinga. May isang babae roon na labingwalong taon nang may karamdaman, gawa ng masamang espiritung nasa kanya. Siya’y hukot na hukot at hindi na makaunat. Nang makita ni Hesus ang babae, tinawag niya ito at sinabi, “Magaling ka na sa iyong karamdaman!” At ipinatong ni Hesus and kanyang mga kamay sa babae; noon di’y nakaunat ito at nagpuri sa Diyos. Ngunit nagalit ang tagapamahala ng sinagoga sapagkat nagpagaling si Hesus sa Araw ng Pamamahinga. Kaya’t sinabi niya sa mga tao, “May anim na araw na inilaan upang ipagtrabaho. Pumarito kayo sa mga araw na iyan upang magpagaling, at huwag sa Araw ng Pamamahinga.” Sinagot siya ng Panginoon, “Mga mapagpaimbabaw! Hindi ba’t kinakalag ninyo sa sabsaban ang inyong baka o asno at dinadala sa painuman kahit Araw ng Pamamahinga? Ang babaing ito na mula sa lipi ni Abraham ay ginapos ni Satanas sa loob ng labingwalong taon. Hindi ba dapat na siya’y kalagan kahit na Araw ng Pamamahinga?” Napahiya ang lahat ng kalaban ni Hesus sa sagot niyang ito; at nagalak naman ang madla sa mga kahanga-hangang bagay na ginawa niya.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-30 Linggo sa Karaniwang Panahon
Lunes
Higit nating nauunawaan ang ating pangangailangan sa Diyos habang mas nakikilala natin siya nang lubos. Mulat sa ating kakulangan, manalangin tayo sa ating pangangailangan sa Diyos Ama.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Palayain mo kami sa aming mga kahinaan, O Panginoon.
Ang mga pinuno ng Simbahan nawa’y ibahagi nang buo ang kanilang buhay sa paglilingkod kay Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.
Tayo nawa’y maging bukas ang puso at makawala tayo sa ating pagkamakasarili upang sikapin nating iabot ang kamay natin sa ating kapwa, manalangin tayo sa Panginoon.
Atin nawang makita ang mukha ni Kristo sa mga dukha at naghihirap, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit at yaong may mga suliranin nawa’y mabigyang aliw at kasiyahan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao nawa’y mabuhay magpakailanman sa Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Panginoong Diyos, itinataas namin sa iyong pagkalinga ang aming mga intensyon. Pakinggan mo ang aming mapagkumbabang panalangin at gawin mo kaming mga lingkod mo na tulad ni Jesus na nakaririnig sa hinaing ng mga nangangailangan. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.