Veritas PH

The WORD. The TRUTH.

MARTES, AGOSTO 6, 2024

SHARE THE TRUTH

 5,855 total views

Kapistahan ng Pagliliwanag sa Bagong Anyo ng Panginoon (B)

Daniel 7, 9-10. 13-14
Salmo 96, 1-2. 5-6. 9

Panginoo’y maghahari,
lakas n’ya’y mananatili.

2 Pedro 1, 16-18
Marcos 9, 2-10

Feast of the Transfiguration of the Lord (White)

UNANG PAGBASA
Daniel 7, 9-10. 13-14

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Daniel

Habang ako’y nakatingin, may naglagay ng mga trono. Naupo sa isa sa mga ito ang isang nabubuhay magpakailanman. Kumikinang sa kaputian ang kanyang kasuotan at parang lantay na lana ang kanyang buhok. Ang trono niya’y nagniningning. Ang mga gulong nito ay apoy na nagliliyab. Waring agos ng tubig ang apoy na bumubuga mula sa trono. Ang naglilingkod sa kanya’y isang milyon bukod pa sa milyon-milyong nakaantabay. Humanda na siya sa paggagawad ng hatol at binuksan ang mga aklat. Patuloy ang aking pangitain. Ang nakita ko naman ay isang tila taong nakasakay sa ulap. Bumaba ito at lumapit sa nabubuhay magpakailanman. Binigyan siya ng kapamahalaan, ng karangalan at ng kaharian. Siya ay paglilingkuran ng lahat ng tao, bansa at wika. Ang pamamahala niya ay di matatapos, at di babawiin, at hindi mawawasak ang kanyang kaharian.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 96, 1-2. 5-6. 9

Panginoo’y maghahari,
lakas n’ya’y mananatili.

Ang Poon ay maghahari, magalak ang kalupaan!
Lahat kayong mga pulo ay magsaya at magdiwang!
Ang paligid niya’y ulap na lipos ng kadiliman,
kaharian niya’y tapat at salig sa katarungan.

Panginoo’y maghahari,
lakas n’ya’y mananatili.

Yaong mga kabunduka’y natutunaw, parang pagkit,
sa harapan ng dakilang Panginoon ng daigdig.
Sa langit ay nahahayag yaong kanyang katuwiran,
sa lupa ay makikita ang kanyang kadakilaan.

Panginoo’y maghahari,
lakas n’ya’y mananatili.

Ikaw, Poon, ay Dakila at hari ng buong lupa,
dakila ka sa alinmang mga diyos na ginawa.

Panginoo’y maghahari,
lakas n’ya’y mananatili.

IKALAWANG PAGBASA
2 Pedro 1, 16-19

Pagbasa mula sa ikalawang sulat ni Apostol San Pedro

Mga pinakamamahal, ang ipinahayag namin sa inyo tungkol sa muling pagparito ng ating Panginoong Hesukristo, na puspos ng kapangyarihan, ay hindi sa mga alamat na katha lamang ng tao. Nasaksihan namin ang kanyang kadakilaan nang ipagkaloob sa kanya ng Diyos Ama ang karangalan at kapurihan. Ito’y nangyari nang marinig ang tinig mula sa Dakilang Kaluwalhatian ng langit. “Ito ang pinakamamahal kong Anak; siya ang lubos kong kinalulugdan.” Narinig namin ito sapagkat kami’y kasama niya sa banal na bundok.

Kaya naman lalong tumibay ang aming paniniwala sa ipinahayag ng mga propeta. Makabubuting ito’y pag-ukulan ninyo ng pansin, sapagkat ang nakakatulad nito ay isang ilaw sa karimlan na tumatanglaw sa inyo hanggang sa mamanaag ang Araw ng Panginoon at ang sinag ng tala ng umaga’y maglagos sa inyong puso.

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
Mateo 17, 5k

Aleluya! Aleluya!
Sabi ng D’yos ay pakinggan
ang Anak n’yang minamahal
na lubhang kinalulugdan.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Marcos 9, 2-10

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos

Noong panahong iyon, umakyat si Hesus sa isang mataas na bundok. Wala siyang isinama kundi sina Pedro, Santiago at Juan. Samantalang sila’y naroon, nakita nilang nagbagong-anyo si Hesus, nagningning ang kanyang kasuotan na naging puting-puti, anupat walang sinumang makapagpapaputi nang gayun. At nakita ng tatlong alagad si Moises at si Elias, na nakikipag-usap kay Hesus. Sinabi ni Pedro kay Hesus, “Guro, mabuti pa’y dumito na tayo. Gagawa po kami ng tatlong kubol: isa sa inyo, isa kay Moises at isa kay Elias.” Hindi nalalaman ni Pedro ang kanyang sinasabi sapagkat masyado ang takot niya at ng kanyang mga kasama. At nililiman sila ng isang alapaap at mula rito’y may tinig na nagsabi, “Ito ang minamahal kong Anak. Pakinggan ninyo siya!” Pagdaka, tumingin ang mga alagad sa paligid nila at nakitang wala na silang kasama roon kundi si Hesus.

Habang bumababa sila sa bundok ay mahigpit na itinagubilin sa kanila ni Hesus: “Huwag ninyong sasabihin kaninuman ang inyong nakita hangga’t hindi muling nabubuhay ang Anak ng Tao.” Sinunod nila ang tagubiling ito, ngunit sila-sila’y nagtanungan kung ano ang kahulugan ng sinabi niyang muling pagkabuhay.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN
Agosto 6
Pagbabagong-Anyo ng Panginoon

Sa pagbabagong-anyo, inihayag ng Ama ang kaluwalhatian ng kanyang Anak. Hindi natin nakikita ngayon ang kanyang kaluwalhatian, subalit sa ating paghihintay sa Kaharian, manalangin tayo sa Ama sa ngalan niya.

Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Loobin mong sumikat sa amin
ang iyong kapangyarihan at kaluwalhatian, Panginoon.

Sa pamamagitan ng Simbahan nawa’y magningning ang kaluwalhatian ni Kristo habang tapat tayong nakikinig sa kanya, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga bansa nawa’y maakay ng minamahal na Anak sa mga landas ng kapayapaan at katarungan, manalangin tayo sa Panginoon.

Tayo nawa’y lumago sa biyaya at sa gayo’y mamasdan ng iba ang “liwanag ni Kristo” sa ating buhay, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga taong nagdurusa nawa’y makita ang kanilang hinaharap sa nagbagong-anyong Manunubos, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga yumao nawa’y magkaroon ng bagong-anyo at makatulad ng niluwalhating Katawan ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.

Panginoong Diyos, nakamamanghang narito kami! Tanggapin mo ang mga panalangin ng pamayanang ito, natitipon upang marinig ang iyong mga salita at mag-alay ng sakripisyo ng iyong Anak, na nabubuhay at naghahari magpasawalang hanggan. Amen.

Veritas Editorial

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

FILIPINO GRADUATES, MAHINA SA RESEARCH

 67,390 total views

 67,390 total views Good News…. Patuloy na dumarami ang mga paaralan sa Pilipinas na nakapasok sa global o international rankings. Sa inilabas na Quacquarelli Symonds (QS)

Read More »

NAGUGUTOM NA PINOY

 90,222 total views

 90,222 total views Tama bang isisi ng kasalukuyang administrasyon sa nararanasang kalamidad ang pagtaas ng bilang ng mga Pinoy na dumaranas ng involuntary hunger? Ang involuntary

Read More »

Trahedya sa Bais Bay

 114,622 total views

 114,622 total views Mga Kapanalig, noong ika-26 ng Oktubre, nagkaroon ng wastewater spill sa Bais Bay sa Negros Occidental.  Ang wastewater spill ay nanggaling sa pasilidad

Read More »

Pagsusulong ng just energy transition

 133,378 total views

 133,378 total views Mga Kapanalig, nagsimula na ngayong araw ang ika-30 na Conference of the Parties o COP30 ng United Nations Framework Convention on Climate Change

Read More »

Silipin din ang DENR

 153,121 total views

 153,121 total views Mga Kapanalig, nakapangingilabot ang kinahinatnan ng maraming lugar sa probinsya ng Cebu matapos dumaan doon ang Bagyong Tino.  Mistulang binura sa mapa ang

Read More »

Watch Live

RELATED TOPICS

Martes, Setyembre 30, 2025

 35,007 total views

 35,007 total views Paggunita kay San Jeronimo, pari at pantas ng Simbahan Zacarias 8, 20-23 Salmo 86, 1-3. 4-5. 6-7 Ang ating Panginoong D’yos ay kapiling

Read More »

Lunes, Setyembre 29, 2025

 35,238 total views

 35,238 total views Kapistahan nina Arkanghel San Miguel, San Gabriel at San Rafael Daniel 7, 9-10. 13-14 o kaya Pahayag 12, 7-12a Salmo 137, 1-2a, 2bk-3, 4-5

Read More »

Linggo, Setyembre 28, 2025

 35,733 total views

 35,733 total views Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon (K) Amos 6, 1a. 4-7 Salmo 145, 7. 8-9a. 9bk-10 Kalul’wa ko, ‘yong purihin ang Panginoong butihin.

Read More »

Sabado, Setyembre 27, 2025

 25,993 total views

 25,993 total views Paggunita kay San Vicente de Paul, pari Zacarias 2, 5-9. 14-15a Jeremias 31, 10. 11-12ab. 13 Pumapatnubay na Diyos ay Pastol na kumukupkop.

Read More »

Biyernes, Setyembre 26, 2025

 26,102 total views

 26,102 total views Biyernes ng Ika-25 Linggo sa Karaniwang Panahon (I) o kaya Paggunita kay San Cosme at San Damian, mga martir Ageo 1, 15b – 2,

Read More »

SUPPORT OUR MISSION

BECOME A KAPANALIG MEMBER AND EUCHARISTIC ADVOCATE!

CATHOLINK

THE PHILIPPINES CATHOLIC CHURCH ONLINE DIRECTORIES

Scroll to Top