5,501 total views
Lunes ng Ika-18 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
o kaya Paggunita sa Pagtatalaga sa Palasyong Simbahan ng Mahal na Birheng Maria sa Roma
Jeremias 28, 1-17
Salmo 118, 29. 43. 79. 80. 95. 102
Poon, ituro mo sa ‘kin
ang utos mo upang sundin.
Mateo 14, 13-21
Monday of the Eighteenth Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of the Dedication of St. Mary Major in Rome (White)
UNANG PAGBASA
Jeremias 28, 1-17
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Jeremias
Nang taon ding iyon, nang ikalimang buwan ng ikaapat na taon ng paghahari ni Sedequias sa Juda, si Jeremias ay kinausap ni Ananias, anak ni Propeta Azur ng Gabaon. Sila noo’y nasa patyo ng Templo. Sa harapan ng mga saserdote at ng mga tao, ang sabi ni Ananias: “Ito ang sabi ng Panginoon, ang Diyos ng Israel: Winakasan ko na ang kapangyarihan ng hari sa Babilonia. Sa loob ng dalawang taon ay ibabalik ko sa Templong ito ang lahat ng kagamitan na kinuha ni Haring Nabucodnosor at dinala sa Babilonia. Ibabalik ko rin dito si Jeconias, anak ni Haring Joaquiam ng Juda, at ang lahat ng bihag na taga-Juda na dinala sa Babilonia; aalisin ko na kayo sa ilalim ng kapangyarihan ng Babilonia.”
Sinabi naman ni Propeta Jeremias kay Propeta Ananias nang naririnig ng mga saserdote at lahat ng naroon sa patyo ng Templo, “Amen! Ganyan nga sana ang gawin ng Panginoon! Magkatotoo nawa ang ipinahayag mo. Mapabalik sana rito mula sa Babilonia ang lahat ng kagamitan ng Templo, at ang lahat ng dinala roong bihag! Ngunit pakinggan ninyo ang sasabihin ko sa inyong lahat. Ang mga propetang nauna sa atin ay nagpahayag na magkakaroon ng digmaan, taggutom at salot sa maraming bansa at tanyag na mga kaharian. Kung magkatotoo ang pahayag ng isang propeta na iiral ang kapayapaan, saka lamang natin malalamang ang Panginoon nga ang nagsugo sa kanya.”
Pagkarinig niyon, kinuha ni Propeta Ananias ang pamatok na nasa batok ni Jeremias at binali. Pagkatapos, sinabi niya sa lahat ng naroroon: “Sinasabi ng Panginoon na ganito ang gagawin niya sa mga pamatok na inilagay ni Haring Nabucodnosor sa lahat ng bansa, at ito’y gagawin niya sa loob ng dalawang taon.” At umalis si Propeta Jeremias.
Pagkalipas ng kaunting panahon mula nang baliin ni Propeta Ananias ang pamatok ni Propeta Jeremias, kinausap ng Panginoon si Jeremias: “Pumunta ka kay Ananias at sabihin mo: Nawasak mo nga ang pamatok na kahoy ngunit papalitan ko ng bakal. Lalagyan ko ng pamatok na bakal ang lahat ng bansang ito upang sila’y maglingkod kay Nabucodnosor, at magkakagayon nga; siya’y paglilingkuran nila, sapagkat ipinailalim ko sa kanya pati ang mga hayop sa parang.” At sinabi pa ni Propeta Jeremias, “Ananias, hindi ka sinugo ng Panginoon, at pinapaniwala mo sa isang kabulaanan ang mga taong ito. Kaya’t ang sabi ng Panginoon: ‘Ikaw ay mawawala sa daigdig na ito. Mamamatay ka sa taon ding ito, sapagkat tinuruan mo ang bayan na maghimagsik laban sa Panginoon!”
At nang ikapitong buwan nga ng taong iyon, si Propeta Ananias ay namatay.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 118, 29. 43. 79. 80. 95. 102
Poon, ituro mo sa ‘kin
ang utos mo upang sundin.
Sa landas na di matuwid, huwag mo akong babayaan,
pagkat ikaw ang mabuti, ituro ang iyong aral.
Poon, ituro mo sa ‘kin
ang utos mo upang sundin.
Tulungan mong ihayag ko yaong tunay na balita,
yamang sa ‘yong kahatulan lubos akong may tiwala.
Poon, ituro mo sa ‘kin
ang utos mo upang sundin.
Sa akin ay magsilapit ang sa iyo ay may takot,
maging yaong mga tao na alam ang iyong utos.
Poon, ituro mo sa ‘kin
ang utos mo upang sundin.
Sana’y lubos kong masunod ang buo mong kautusan,
upang hindi mapahiya’t tamuhin ko ang tagumpay.
Poon, ituro mo sa ‘kin
ang utos mo upang sundin.
Nag-aabang ang masama, upang ako ay mapatay,
ngunit ako’y magbubulay sa bigay mong kautusan.
Poon, ituro mo sa ‘kin
ang utos mo upang sundin.
Hindi ako nagpabaya sa utos mo at tuntunin,
pagkat ikaw ang guro ko na nagturo ng aralin.
Poon, ituro mo sa ‘kin
ang utos mo upang sundin.
ALELUYA
Mateo 4, 4b
Aleluya! Aleluya!
Ang tao ay nabubuhay
sa Salita ng Maykapal
na pagkaing kanyang bigay.
Aleuya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 14, 13-21
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, nang marinig ni Hesus ang pagkamatay ni Juan Bautista, siya’y sumakay sa isang bangka at nag-iisang pumunta sa isang ilang na lugar. Nang mabalitaan naman iyon ng mga tao, sila’y lumabas ng bayan at lakad na sumunod sa kanya. Paglunsad ni Hesus sa dalampasigan, nakita niya ang napakaraming taong yaon. Nahabag siya sa kanila at pinagaling niya ang mga maysakit na dala nila.
Nang dapit-hapon na’y lumapit sa kanya ang mga alagad. Sinabi nila, “Ilang ang pook na ito at malapit nang lumubog ang araw. Papuntahin na po ninyo sa mga nayon ang mga tao upang makabili ng kanilang makakain.” “Hindi na sila kailangang umalis pa,” sabi ni Hesus. “Kayo ang magbibigay sa kanila ng makakain.” Sumagot sila, “Lilima po ang tinapay at dadalawa ang isda natin.” “Dalhin ninyo rito,” sabi niya. Pinaupo niya sa damuhan ang mga tao, kinuha ang limpang tinapay at dalawang isda; tumingala siya sa langit at nagpasalamat sa Diyos. Pinagpira-piraso niya ang mga tinapay at iniutos sa mga alagad na ipamigay iyon sa mga tao. Kumain silang lahat at nabusog. Tinipon ng mga alagad ang lumabis, at sila’y nakapuno ng labindalawang bakol ng pira-pirasong tinapay. May limang libong lalaki ang kumain, bukod pa sa mga babae at mga bata.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-18 Linggo sa Karaniwang Panahon
Lunes
Natitipon tulad ng napakaraming tao sa Ebanghelyo na nagugutom sa Salita ng Diyos, manalangin tayo nang may pananalig sa ating Amang nasa Langit na hindi nagpapabaya sa kanyang bayan sa kanilang pangangailangan.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Ikaw ang aming tinapay, O Panginoon.
Ang Simbahan sa buong mundo nawa’y sumaksi sa salita at gawa sa pag-ibig at kalinga ng Diyos sa mga nangagugutom at nangangailangan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga lider ng mga bansa na may pinanghahawakang matatayog na posisyon at malawak na kapangyarihan nawa’y tumulong na maipamahagi ang kayamanan ng daigdig upang sa gayon wala ni isang bansa ang malagay sa panganib ng pagkagutom, manalangin tayo sa Panginoon.
Bilang isang komunidad, tayo nawa’y maging mga kapwa na babad sa pananalangin at maging laging handa sa pagbibigay ng ating panahon at karunungan sa pagtulong sa mga naghahanap ng kahulugan sa buhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit at mga nagdurusa nawa’y makaranas ng nananatiling pag-ibig ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga tapat na yumao nawa’y masiyahan nang walang maliw sa walang hanggang Hapag sa kalangitan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming nasa Langit, bigyang-pansin kaming nangangailangan ng iyong habag. Punuin mo ang aming mga puso ng iyong pag-ibig at huwag mo kaming ipahintulot na mawalay sa iyo. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.