Martes, Hunyo 16, 2026

SHARE THE TRUTH

 9,415 total views

Martes ng Ika-11 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)

1 Hari 21, 17-29
Salmo 50, 3-4. 5-6a. 11 at 16

Poon, iyong kaawaan
kaming sa iyo’y nagsisuway.

Mateo 5, 43-48

Tuesday of the Eleventh Week in Ordinary Time (Green)

UNANG PAGBASA
1 Hari 21, 17-29

Pagbasa mula sa unang aklat ng mga Hari

Nang patay na si Nabat, sinabi ng Panginoon kay Elias na taga-Tisbe: “Madali ka! Puntahan mo si Haring Acab. Makikita mo siya sa Jezreel, sa ubasan ni Nabat. Naparoon siya upang kamkamin iyon. Sabihin mo sa kanya: ‘Ito ang ipinasasabi ng Panginoon. Isa kang mamamatay-tao. Ngayon nama’y pangangamkam ang ginagawa mo. Kung saan hinimod ng mga aso ang dugo ni Nabat, doon din hihimurin ng mga aso ang iyong dugo.’”

Sinabi ni Acab kay Elias: “Narito ka na naman, mahigpit kong kaaway?”

Sagot naman sa kanya ni Elias: “Oo! Hinanap kita uli sapagkat nagumon ka sa kasamaan! Malagim na parusa ang babagsak sa iyo. Ganito ang ipinasasabi ng Panginoon: ‘Itatakwil kita! Lilipulin ko ang mga anak mong lalaki, matanda at bata. Parurusahan kita tulad ng ginawa ko sa angkan ni Jeroboam na anak ni Nabat, at sa angkan ni Baasa na anak ni Ahias sapagkat ako’y ginalit mo at ibinulid mo ang Israel sa pagkakasala.’ Ito naman ang sumpa laban kay Jezebel: Kakanin siya ng mga aso sa nasasakupan ng Jezreel. Sinuman sa angkan ni Acab ang mamatay sa bayan ay kakanin ng mga aso; sinumang mamatay sa bukid ay kakanin ng mga uwak.”

Dahil sa mga sulsol ni Jezebel nagumon si Acab sa paggawa ng masama sa paningin ng Panginoon. Sumamba rin siya sa mga diyus-diyosan, gaya ng mga Amorreo na pinalayas ng Panginoon pagdating ng bayang Israel sa lupaing iyon.

Nang marinig ni Acab ang mga sinabi ng propeta, ginawak niya ang kanyang damit, nagsuot ng sako at di hinubad iyon kahit sa pagtulog. Nag-ayuno siya bilang tanda ng malaking kalungkutan. Kaya’t sinabi ng Panginoon kay Elias: “Hindi mo ba napansin kung paano nagpapakababa sa harapan ko si Acab? Sapagkat nagpakababa siya, hindi ko itutuloy ang parusa sa kanya habang siya’y nabubuhay. Ngunit pagkamatay niya, parurusahan ko ang kayang angkan.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 50, 3-4. 5-6a. 11 at 16

Poon, iyong kaawaan
kaming sa iyo’y nagsisuway.

Ako’y kaawaan, O mahal kong Diyos,
sang-ayon sa iyong kagandahang-loob
mga kasalanan ko’y iyong pawiin,
ayon din sa iyong pag-ibig sa akin!
Hugasan mo sana ang aking karumhan
dalisayin mo ang aking kasalanan!

Poon, iyong kaawaan
kaming sa iyo’y nagsisuway.

Ang pagsalansang ko ay kinikilala,
laging nasa isip ko at alaala.
Sa iyo lang ako nagkasalang tunay,
at ang nagawa ko’y di mo nagustuhan.

Poon, iyong kaawaan
kaming sa iyo’y nagsisuway.

Ang kasalanan ko’y iyo nang limutin,
lahat kong nagawang masama’y pawiin.
Ingatan mo ako, Diyos kong Manunubos,
ang pagliligtas mo’y galak kong ibabantog.

Poon, iyong kaawaan
kaming sa iyo’y nagsisuway.

ALELUYA
Juan 13, 34

Aleluya! Aleluya!
Bagong utos, ani Kristo,
mag-ibigan sana kayo
katulad ng pag-ibig ko.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Mateo 5, 43-48

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Narinig na ninyong sinabi, ‘Ibigin mo ang iyong kaibigan at kapootan mo ang iyong kaaway.’ Ngunit ito naman ang sabi ko: ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, at idalangin ninyo ang mga umuusig sa inyo, upang kayo’y maging tunay na anak ng inyong Amang nasa langit. Sapagkat pinasisikat niya ang araw sa masasama at sa mabubuti, at pinapapatak niya ang ulan sa mga banal at sa mga makasalanan. Kung ang mga umiibig sa inyo ang siya lamang ninyong iibigin, ano pang gantimpala ang inyong hihintayin? Hindi ba’t ginagawa rin ito ng mga publikano? At kung ang binabati lamang ninyo’y ang inyong mga kapatid, ano ang nagawa ninyong higit kaysa iba? Ginagawa rin iyon ng mga Hentil! Kaya, dapat kayong maging ganap, gaya ng inyong Amang nasa langit.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN
Ika-11 Linggo sa Karaniwang Panahon
Martes

Lumapit tayo sa Ama upang tulungan tayong makasunod sa halimbawa ni Jesus na nag-uutos sa atin na ibigin natin ang ating mga kaaway.

Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama, tipunin Mo kami sa iyong pag-ibig.

Ang mga pinuno ng Simbahan nawa’y magbigay saksi sa pamamaraan ng habag, pag-ibig, at pagpapatawad upang masalamin sa kanila ng sanlibutan ang kabanalan ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga namimighati at nasusuklam sa kanilang kapwa nawa’y mapagtanto na maghihiwalay sa kanila sa Diyos ang pagbibigay daan sa hinanakit at galit, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga pamilyang nagkahiwa-hiwalay at sinira ng hindi pagbibigay-halaga sa bawat isa nawa’y muli nilang matagpuan ang dating alab ng pagsasama at pagkakasundo, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga maysakit nawa’y makamit ang kapayapaan ng kaisipan at kalooban na nagmumula sa kanilang pagkaunawa at pagtanggap sa kahalagahan ng kanilang pakikihati sa pagdurusa ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga pumanaw nawa’y makihati sa kapayapaan at kaligayahan ng paghahari ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.

Ama naming Diyos, alam mo kung ano ang mabuti para sa amin. Tanggalin mo ang lahat ng hinanakit sa aming mga puso at basbasan mo ang lahat ng aming pagsusumikap na mahalin ang aming kapwa. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.

Veritas Editorial

Picture of Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Pagsasapribado ng enerhiya para kanino?

 190,544 total views

 190,544 total views Mga Kapanalig, simula noong pumutok ang giyera sa Middle East, muling nabaling ang atensyon sa mga batas at patakarang sinasabing lalong nagpapahirap sa

Read More »

Lason sa utak ng kabataan

 220,767 total views

 220,767 total views Mga Kapanalig, nailibing na ang tatlong estudyanteng namatay sa malagim na pamamaril ng dalawang estudyante sa isang high school sa Tacloban. Hustisya pa

Read More »

Suriin ang panawagan ng protesta

 247,412 total views

 247,412 total views Mga Kapanalig, nasorpresa rin ba kayo sa rally na isinagawa ng mga miyembro ng Iglesia ni Cristo (o INC) noong Martes sa EDSA?

Read More »

INTELIHENSIYANG POLPOL

 342,385 total views

 342,385 total views Kapanalig, kada taon kapag tinatalakay ang pambansang badyet, naririndi tayong mga Pilipino sa bilyun-bilyong pisong intelligence fund. Lahat ng ahensiya ng pamahalaan, kahit

Read More »

Kapayapaan na ba sa wakas?

 351,062 total views

 351,062 total views Mga Kapanalig, kalagitnaan ng buwan ng Hunyo nang pirmahan nina US President Donald Trump at Iranian President Masoud Pezeshkian ang kasunduang naglalayong tuldukan

Read More »

Watch Live

RELATED TOPICS

Huwebes, Hulyo 16, 2026

 178 total views

 178 total views Huwebes ng Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) Isaias 26, 7-9. 12. 16-19 Salmo 101, 13-14ab at 15. 16-18. 19-21 Mula sa iyong

Read More »

Miyerkules, Hulyo 15, 2026

 1,630 total views

 1,630 total views Paggunita kay San Buenaventura, obispo at pantas ng Simbahan Isaias 10, 5-7. 13-16 Salmo 93, 5-6. 7-8. 9-10. 14-15 Ang Poo’y di tatalikod

Read More »

Martes, Hulyo 14, 2026

 2,904 total views

 2,904 total views Martes ng Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) o kaya Paggunita kay San Camilo ng Lellis, pari Isaias 7, 1-9 Salmo 47, 2-3a. 3b-4.

Read More »

Lunes, Hulyo 13, 2026

 4,052 total views

 4,052 total views Lunes ng Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) o kaya Paggunita kay San Enrico Isaias 1, 10-17 Salmo 49, 8-9. 16bk-17, 21 at 23

Read More »

Linggo, Hulyo 12, 2026

 4,693 total views

 4,693 total views Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) Isaias 55, 10-11 Salmo 64, 10abkd. 10e-11. 12-13. 14 Nagbunga nang masagana, binhi sa mabuting lupa. Roma

Read More »

SUPPORT OUR MISSION

BECOME A KAPANALIG MEMBER AND EUCHARISTIC ADVOCATE!

CATHOLINK

THE PHILIPPINES CATHOLIC CHURCH ONLINE DIRECTORIES

Scroll to Top