307 total views
Kapistahan ni Apostol San Bartolome
Pahayag 21, 9b-14
Salmo 144, 10-11. 12-13ab. 17-18
Talastas ng mga tao
dakilang paghahari mo.
Juan 1, 45-51
Feast of St. Bartholomew, Apostle (Red)
UNANG PAGBASA
Pahayag 21, 9b-14
Pagbasa mula sa aklat ng Pahayag
Wika ng anghel sa akin, “Halika, at ipakikita ko sa iyo ang Babaing makakaisang-dibdib ng Kordero.” Nilukuban ako ng Espiritu, at inihatid ako ng anghel sa ibabaw ng isang napakataas na bundok. Ipinakita niya sa akin ang Jerusalem, ang Banal ng Lungsod, na bumababa mula sa langit buhat sa Diyos. Nagliliwanag ito dahil sa kaningningan ng Diyos; kumikislap na gaya ng hiyas na haspeng sinlinaw ng kristal. Ang pader nito’y makapal at mataas at may labindalawang pinto, bawat isa’y may bantay na anghel. Nakasulat sa mga pinto ang pangalan ng labindalawang lipi ng Israel. Tatlo ang pinto ng bawat panig: tatlo sa silangan, tatlo sa timog, tatlo sa hilaga, at tatlo sa kanluran. Ang pader ng lungsod ay may labindalawang saligang-bato at nakasulat dito ang pangalan ng labindalawang apostol ng Kordero.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 144, 10-11. 12-13ab. 17-18
Talastas ng mga tao
dakilang paghahari mo.
Magpupuring lahat sa iyo, O Panginoon, ang iyong nilalang;
lahat mong nilikha ay pupurihin ka’t pasasalamatan.
Babanggitin nilang tunay na dakila ang ‘yong kaharian,
at ibababalitang tunay kang dakila’t makapangyarihan.
Talastas ng mga tao
dakilang paghahari mo.
Dakila mong gawa’y upang matalastas ng lahat ng tao,
mababatid nila ang kadikalaan ng paghahari mo.
Ang paghahari mo’y sadyang walang hanggan, hindi magbabago.
Talastas ng mga tao
dakilang paghahari mo.
Matuwid ang Diyos sa lahat ng bagay niyang ginagawa;
kahit anong gawin ay kalakip doon ang habag at awa.
Siya’y nakikinig at handang tumulong sa lahat ng tao
sa sinumang taong pagtawag sa kanya’y tapat at totoo.
Talastas ng mga tao
dakilang paghahari mo.
ALELUYA
Juan 1, 49b
Aleluya! Aleluya!
Guro, Anak na Butihin
ng Diyos Amang masintahin,
ika’y hari ng Israel.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 1, 45-51
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, hinanap ni Felipe si Natanael, at sinabi rito, “Natagpuan namin si Hesus na taga-Nazaret, ang anak ni Jose. Siya ang tinutukoy ni Moises sa kanyang sinulat sa Kautusan, at gayun din ng mga propeta.” “May magmumula bang mabuti sa Nazaret?” Tanong ni Natanael. Sumagot si Felipe, “Halika’t tingnan mo.”
Nang malapit na si Natanael ay sinabi ni Hesus, “Masdan ninyo ang isang tunay na Israelita; siya’y hindi magdaraya!” Tinanong siya ni Natanael, “Paano ninyo ako nakilala?” Sumagot si Hesus, “Bago ka pa tawagin ni Felipe, nakita na kita nang ikaw ay nasa ilalim ng puno ng igos.” “Rabi, kayo po ang Anak ng Diyos! Kayo ang Hari ng Israel!” wika ni Natanael. Sinabi ni Hesus, “nanampalataya ka ba dahil sa sinabi ko sa iyong nakita kita sa ilalim ng puno ng igos? Makakikita ka ng mga bagay na higit kaysa rito!” At sinabi niya sa lahat, “Tandaan ninyo: makikita ninyong bukas ang langit, at ang mga anghel ng Diyos ay manhik-manaog sa kinaroroonan ng Anak ng Tao!”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Agosto 24
San Bartolome
Sa ating pagpaparangal sa Apostol na isang lalaking hindi makagagawa ng panlilinlang, lumapit tayo sa Ama nang may pagtitiwala, binubuksan sa pamamagitan ng panalangin ang ating mga puso.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, basbasan Mo kami na Iyong hinubog
sa pamamagitan ng pananampalataya ng mga apostol.
Ang Simbahan nawa’y maging bukas sa mga pagkilos ng Espiritu lalo na sa mga samahang pinagyayaman ang pananampalataya ng Bayan ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga pinuno ng pamahalaan nawa’y maging karapat-dapat sa karangalan at dignidad sa pamamagitan ng kanilang tapat at ulirang pagtupad sa tungkulin, manalangin tayo sa Panginoon.
Magkaroon nawa ng mga programa para sa paghubog sa mga kabataan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit nawa’y makatagpo ng tulong sa paglilingkod ng Simbahan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumaong tapat sa Panginoon nawa’y makabahagi sa kaluwalhatian ng Langit, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama, habang ipinararating namin sa iyo ang mga panalanging ito sa tulong ni San Bertolome, tulungan mo kaming magmahal sa iba at magtiwala sa iyong mga pagpapala sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.