Veritas PH

The WORD. The TRUTH.

MIYERKULES, AGOSTO 31, 2022

SHARE THE TRUTH

 407 total views

Miyerkules ng Ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)

1 Corinto 3, 1-9
Salmo 32, 12-13. 14-15. 20-21

Mapalad ang ibinukod
na bansang hinirang ng D’yos.

Lucas 4, 38-44

Wednesday of the Twenty-second Week in Ordinary Time (Green)

UNANG PAGBASA
1 Corinto 3, 1-9

Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto

Mga kapatid, hindi ko kayo makausap tulad ng ginagawa ko sa mga taong nagtataglay ng Espiritu. Kailangang kausapin ko kayo bilang mga taong namumuhay ayon sa laman, mga sanggol pa sa pananampalataya kay Kristo. Binigyan ko kayo ng gatas, hindi matigas na pagkain, sapagkat ito’y hindi pa ninyo kaya. At hindi pa ninyo kaya hanggang ngayon sapagkat nananaig pa sa inyo ang laman. Mayroon pa kayong inggitan at alitan at iya’y nagpapakilalang makasanlibutan pa kayo at namumuhay ayon sa laman. Kapag sinabi ng isa, “Ako’y kay Pablo,” at ng iba, “Ako’y kay Apolos,” hindi ba tanda iyan na kayo’y namumuhay pa ayon sa laman?

Sapagkat sino si Apolos? At sino si Pablo? Kami’y mga lingkod lamang ng Diyos na kinasangkapan niya upang akayin kayo sa pananalig kay Kristo. Ginagawa ng bawat isa ang gawaing tinanggap niya sa Panginoon. Ako ang nagtanim, si Apolos ang nagdilig, ngunit ang Diyos ang nagpatubo at nagpalago. Hindi ang nagtatanim ni ang nagdidilig ang mahalaga kundi ang Diyos na siyang nagpapatubo at nagpapalago. Ang nagtatanim at ang nagdidilig ay kapwa manggagawa lamang at bawat isa’y tatanggap ng gantimpala ayon sa kanyang pagpapagal. Kami’y parehong manggagawa ng Diyos, at kayo ang bukirin niya. Kayo rin ang gusali ng Diyos.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 32, 12-13. 14-15. 20-21

Mapalad ang ibinukod
na bansang hinirang ng D’yos.

Mapalad ang bansang ang Poon ang Diyos,
mapalad ang bayang kanyang ibinukod.
Magmula sa langit, kanyang minamasdan
ang lahat ng tao na kayang nilalang.

Mapalad ang ibinukod
na bansang hinirang ng D’yos.

Nagmamasid siya at namamahala
sa lahat ng tao sa balat ng lupa.
Ang isip nila’y sa kanya nagmula
walang nalilingid sa kanilang gawa.

Mapalad ang ibinukod
na bansang hinirang ng D’yos.

Ang ating pag-asa’y nasa Panginoon;
Siya ang sanggalang natin at katulong.
Dahilan sa kanya, kami’y natutuwa,
sa kanyang ngalan ay nagtitiwala.

Mapalad ang ibinukod
na bansang hinirang ng D’yos.

ALELUYA
Lucas 4, 18

Aleluya! Aleluya!
Ikaw, Kristo ay sinugo
upang sa dukha’y magturo,
magpalaya sa bilanggo.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 4, 38-44

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, umalis si Hesus sa sinagoga at nagtungo sa bahay ni Simon. Mataas noon ang lagnat ng biyanan ni Simon, kaya’t ipinamanhik nila kay Hesus na pagalingin siya. Tumayo si Hesus sa tabi ng higaan ng babae at iniutos na maalis ang lagnat, at nawala nga ito. Noon di’y tumindig ang maysakit at naglingkod sa kanila.

Paglubog ng araw, ang lahat ng maysakit — anuman ang karamdaman — ay dinala ng kanilang mga kaibigan kay Hesus. Ipinatong niya ang kanyang mga kamay sa bawat isa sa kanila at pinagaling sila. Nagsilabas sa marami ang mga demonyo, sabagay sigaw, “Ikaw ang Anak ng Diyos!” Ngunit sinaway sila ni Hesus at hindi pinahintulutang magsalita, sapagkat nakikilala nila na siya ang Mesias.

Nang mag-umaga na, umalis si Hesus at nagpunta sa isang ilang na pook. Hinanap siya ng mga tao, at nang matagpuan ay pinakiusapang huwag munang umalis. Subalit sinabi niya, “Dapat ko ring ipangaral sa ibang bayan ang Mabuting Balita tungkol sa paghahari ng Diyos; sapagkat iyan ang layunin ng pagkasugo sa akin.” At nangaral siya sa mga sinagoga sa Judea.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN
Ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon
Miyerkules

Katulad ng mga taong nagdala kay Jesus ng lahat ng maysakit o sinasapian ng demonyo, dalhin natin sa ating makalangit na Ama ang lahat ng mga taong puspos ng paghihirap, pagkalumbay at nangangailangan ng mapagpagaling na pagmamahal.

Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Banal na manggagamot, pagalingin Mo kami.

Ang Simbahan nawa’y mapalaya ang mga tao sa anumang hadlang upang maipahayag ang Ebanghelyo sa mga lalaki at babae sa ating panahon, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang nagugutom na daigdig lalo na ang mga hindi makatarungang pinagkaitan ng pagkain, damit o kalayaan nawa’y busugin ng Panginoon ng pag-asa at kalakasan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga nagdurusa sa pag-aalala at pagkabahala nawa’y makatagpo kay Kristo ng sandigan bilang Daan, Katotohanan, at Buhay, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga nagdurusa dahil sa pagkakasakit, at may mabigat na pasanin sa buhay, nawa’y makita ang higit na kahulugan ng kanilang buhay sa pagsubok na kanilang hinaharap, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga yumao at nagdadalamhati nawa’y magkaroon ng pag-asa sa Muling Pagkabuhay ni Jesus, manalangin tayo sa Panginoon.

Makapangyarihang Ama, bantayan mo ang iyong pamilya; iligtas at arugain kami sapagkat nasa iyo ang lahat ng aming pag-asa. Hinihiling namin ito sa ngalan ni Kristo aming Panginoon. Amen.

Veritas Editorial

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Hindi sapat ang siyensya lamang

 6,137 total views

 6,137 total views Mga Kapanalig, para maiwasan na ang mga palpak na flood control projects, bumuo si DPWH Secretary Vince Dizon ng isang technical working group

Read More »

Wakasan ang OSAEC at CSAEM!

 38,132 total views

 38,132 total views Mga Kapanalig, ang buwan ng Nobyembre ay National Children’s Month. Sa pangunguna ng Council for the Welfare of Children, ang pagdiriwang ng buwan

Read More »

Public service is a public trust

 82,924 total views

 82,924 total views Mga Kapanalig, inilabas na ng lahat ng 24 na senador ang kanilang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (o SALN). Ang SALN

Read More »

Moro-Moro Lamang

 106,536 total views

 106,536 total views Kapanalig, ganito maihalintulad ang naganap at nagaganap na imbestigasyon ng Mababang Kapulungan ng Kongreso, Senado, Independent Commission on Infrastructure at maging ng Office

Read More »

Holiness Is Not Boring

 121,935 total views

 121,935 total views Napakahalaga para sa Simbahang Katolika ang buwan ng Nobyembre, taun-taon ginugunita ng Santa Iglesia ang “All Saint’s Day” o tinatawag na “All Hallows

Read More »

Watch Live

RELATED TOPICS

Martes, Setyembre 30, 2025

 25,445 total views

 25,445 total views Paggunita kay San Jeronimo, pari at pantas ng Simbahan Zacarias 8, 20-23 Salmo 86, 1-3. 4-5. 6-7 Ang ating Panginoong D’yos ay kapiling

Read More »

Lunes, Setyembre 29, 2025

 25,676 total views

 25,676 total views Kapistahan nina Arkanghel San Miguel, San Gabriel at San Rafael Daniel 7, 9-10. 13-14 o kaya Pahayag 12, 7-12a Salmo 137, 1-2a, 2bk-3, 4-5

Read More »

Linggo, Setyembre 28, 2025

 26,159 total views

 26,159 total views Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon (K) Amos 6, 1a. 4-7 Salmo 145, 7. 8-9a. 9bk-10 Kalul’wa ko, ‘yong purihin ang Panginoong butihin.

Read More »

Sabado, Setyembre 27, 2025

 17,951 total views

 17,951 total views Paggunita kay San Vicente de Paul, pari Zacarias 2, 5-9. 14-15a Jeremias 31, 10. 11-12ab. 13 Pumapatnubay na Diyos ay Pastol na kumukupkop.

Read More »

Biyernes, Setyembre 26, 2025

 18,060 total views

 18,060 total views Biyernes ng Ika-25 Linggo sa Karaniwang Panahon (I) o kaya Paggunita kay San Cosme at San Damian, mga martir Ageo 1, 15b – 2,

Read More »

SUPPORT OUR MISSION

BECOME A KAPANALIG MEMBER AND EUCHARISTIC ADVOCATE!

CATHOLINK

THE PHILIPPINES CATHOLIC CHURCH ONLINE DIRECTORIES

Scroll to Top